frchito

Imbakan para sa Mayo, 2007

SANDASAL, SAMPALATAYA, SAMBUHAY, SANTATLO!

In Gospel Reflections, Homilies, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections on Mayo 28, 2007 at 15:03

Kapistahan ng Banal na Santatlo
Hunyo 3, 2007

Mga Pagbasa: Kawikaan 8:22-31 / Rom 5:1-5 / Jn 16:12-15

Ang politika ay mahalaga para sa ating mga Pinoy. Pinag-uusapan ito … pinagpapalitan ng kuro-kuro … malimit pinag-aawayan din. Sa hindi kakaunting pagkakataon, pinagpapatayan din ito ng mga taong sobra ang pagkahumaling sa politika. Sa cyberspace, ang mga taong may dedikasyon sa kani-kanilang paboritong paksa ay nagsasama-sama sa mga tulad ng mga yahoogroups at nagkukumpulan sa blogsites. Masasabi nating ang ibong may parehong kulay ng balahibo ay nagkukumpulan at nagkakaisa.

Subali’t sa ating buhay, may mga higit na mahahalagang bagay na hindi lamang pinag-uukulan ng pansin at pinag-uusapan. Itong mga ito ay namumutawing lagi sa labi ng mga nagpapahalaga dito. Ang laman ng puso at kaisipan ay bumubukal sa bibig, at nag-uumapaw sa bigkas ng balana. Higit sa lahat, ito ay masasalamin sa buhay ng mga taong ito.

Isang halimbawa nito ay ang paniniwala ng Inang Simbahan sa Tatlong Persona ng Iisang Diyos. Bago pa man ito ay naging isang dogma o opisyal na turo ng Simbahan, bahagi na ito ng panalangin ng Simbahan. Bago pa man naimbento ang katagang “Trinidad” (Trinity) ay bahagi na ang katumbas nito sa panalangin ng Simbahan. Kung ano ang dasal ay siya rin ang pugay. Ang batas ng pagpupugay ay siya ring batas ng pagsampalataya. Sa Latin, lex orandi, lex credendi. At hindi lamang iyan … maaari nating idagdag ito … lex vivendi. Ang batas ng pananalangin ay siya ring batas ng paniniwala … at batas ng pamumuhay.

Dakilang Kapistahan ngayon ng Banal na Santatlo. Mahalaga para sa ating mga Katoliko ang Diyos at ang mga katotohanan tungkol sa Kaniya. Bagama’t wala sa Bibliya ang salitang Santatlo o Trinidad, ang katotohanang ang iisang Diyos ay may tatlong Persona ay malinaw sa Bibliya. Ang tatlong pagbasa sa araw na ito ay puno ng mga pahimakas sa katotohanang ito.

Sa unang pagbasa, ang Diyos Ama ay pinangatawanan ng “Karunungan” ayon sa Aklat ng Kawikaan. Ang Karunungan ay nanduon na bago pa man nalikha ang sansinukob. Ang Karunungan ay sinasabing puno ng galak sa mga taong kaniyang nilikha. Malinaw na ito ay pahimakas ng Diyos Amang Maylikha ng sanlibutan.

Sa ikalawang pagbasa, natutunghayan natin ang ilan pa sa mga pahimakas ng Banal na Santatlo ayon kay San Pablo. Sa kabila ng mapapait na karanasan, aniya, ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ipinagkaloob sa atin. Bukod dito, sinasabi niya na tayo ay naging matuwid sa harapan ng Diyos sa pamamagitan ni Jesucristong Panginoon. Siya ang dahilan kung bakit ang sumasampalataya ay puno ng pag-asa, kung kaya’t kaya niya ipagyabang at ipagmakaingay pati na rin ang kanyang mga paghihirap at mga pagsubok sa buhay. Ayon kay Pablo, ang karanasang mapapait ay isang malinaw na pamamaraan upang maranasan nang tahasan ang Diyos sa ating buhay.

Sa Ebanghelyo ayon kay Juan, malinaw ang pahiwatig ni Kristo tungkol sa Kaniyang Ama at tungkol sa Espiritu Santo: “Pagdating ng Espiritu ng Katotohanan ay aakayin niya kayo sa kaganapan ng katotohanan … Ang lahat ng sa Ama ay sa akin.”

Noong nakaraang dalawang Linggo, sinabi ko na kakaiba ang ating Diyos. Ibang klase ang ating Diyos talaga. Hindi siya katulad ng mga diyos-diyosan ng mga taong hindi nagkapalad makatanggap ng kaniyang pagpapakilala. At ang kaniyang pagpapakilala ng sarili sa daloy ng kasaysayan ay malinaw at puno ng pahimakas tungkol sa katotohang Siya ay iisa sa Tatlong Persona. Siya ay Ama, Anak, at Espiritu Santo.

Tapatin natin ang ating sarili. Ito ay isang hiwaga na hindi natin kayang arukin. Ito ay isang misterio na hindi natin lubos na mauunawaan kailanman. Subali’t hindi como misterio ay hindi rin totoo. Maraming misterio na hindi natin nauunawaan. Misteryo ang buhay at misterio rin ang kamatayan. Malaking misterio kung bakit mayroong malulusog at mayroong dinadapuan ng malubhang sakit. Bagama’t alam natin ipaliwanag kung paano umiilaw ang fluorescent lamp (na inimbento ng isang Pinoy), hindi talaga natin naiintindihang lubos kung paano ang paglundag-lundag ng electrons ay nagbubunga ng liwanag. Ang kaya lamang natin ay sabihin kung ano ang nangyayari sa electrons. Hindi natin kayang ipaliwanag kung bakit ito ay nagiging ilaw o liwanag.

Iyan ang dahilan kung bakit tayo narito at nagdiriwang nang sama-sama. Ang laman ng puso natin at kaisipan ay siya ring laman ng ating mga bibig na umiigkas sa pagpupugay. Ang bunga nito ay kaisahan sa kung ano ang ating tinatayang mahalaga para sa buhay. Ang ating isang dasalan (liturhiya) o SANDASAL ay sumasalamin sa ating isahang pagtataya o SAMPALATAYA sa iisang Diyos na may akda ng magkabuklod at magka-akibat nating iisang buhay o SAMBUHAY.

Konektado ang buhay natin sa isa’t isa. Konektado rin ang buhay natin sa Kaniyang nagkaloob sa atin ng buhay. Ang isang hiwaga ay hindi lamang laman ng isipan. May kinalaman ito sa praktikal na pamumuhay. Ang Banal na Santatlo ay bahagi ng ating pang-araw-araw na buhay. Kasama natin Siya sa simula hanggang sa wakas. Kaakibat Siya sa bawa’t sandali ng ating buhay makalupa at makalangit.

Nais kong ilahad sa aking mga tagabasa ang isang personal na karanasan na nagpapatunay na ang Diyos na ating binibigyang-pugay ay tunay at buhay. Ito ay karanasan ng isang matinding kadiliman na aking pinagdaanan kamakailan. Maraming hiwaga ang buhay, di ba? Isa sa hiwagang ito ay ang hiwaga ng pagdurusa. Hiwaga na may mga taong nagiging dahilan ng pagdurusa ng iba. Hiwaga na may mga taong nagdaraan sa matinding kadiliman kahit sila ay nagpapakabuti at kahit na ang kanilang intensyon ay pawang sa kabutihan lamang. Hiwaga na ang mga taong disin sana ay mabuti ay nagagamit ng demonyo sa kanyang maruming mga balak. Hiwaga na ang mga taong nag-alay ng kanilang sarili para sa Diyos at sa kapwa ay nababalot ang puso ng poot, inggit, at paninira ng kapwa.
Nakaranas ako ng ganitong kadiliman kamakailan. Maraming mga opsyon ang naglaro sa aking isipan. Ang karamihan ng mga ito ay hindi naghahatid sa kapayapaan at sa Diyos na tampulan ng kaisahan. Subali’t sa awa at habag ng Diyos ay nakuha kong manahimik. Nakuha kong magtiis nang tahimik. Nakuha kong hayaang matapakan ang aking kapalaluan upang mamayani ang karangalang makatao na hindi kailanman matatanggal ninuman. Nakuha kong hayaang masalamin sa aking buhay ang Diyos at ang kaisahang mensahe ng katotohanang Siya ay iisa sa Tatlong Persona.

Mahiwaga ang buhay ng tao. Mahiwaga ang ating Diyos – Ama, Anak, at Espiritu Santo. Nguni’t sa kabila ng hiwaga ay ang katotohanang Siya ay kapiling ng mga taong nagpupunyagi, nagsisikap makita Siya bagama’t nalalambungan ang mga mata nila ng kapaitan at pagdurusang kaakibat ng buhay sa balat ng lupa.

Ang ating SANDASAL na ito ay pahimakas ng ating SAMPALATAYA. Ang ating SAMPUGAY ay salamin ng ating pagsisikap makaisa rin ngayon at sa buhay na darating sa kaganapan ng hiwaga ng ating SAMBUHAY, kasama, kapiling, at kaakibat ng BANAL NA SANTATLO. Purihin ang Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo, kapara noong unang-una, ngayon at magpasawalang hanggan. Amen.

KAGANAPAN!

In Gospel Reflections, Homilies, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections on Mayo 21, 2007 at 15:22

Linggo ng Pentekostes
May 27, 2007

Mga Pagbasa: Gawa 2:1-11 / 1 Cor 12:3-7, 12-13 /

Juan 20:19-23

KAPANGYARIHAN, KAISAHAN, KALOOB, KAPAYAPAAN … KAGANAPAN!

Maraming komentarista sa radyo at TV ang gumagamit nang mali sa salitang “kaganapan.” Para sa kanila, ito ay may kinalaman sa mga “nagaganap” na pangyayari sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas. Subali’t ang tunay na kahulugan ng kaganapan ay may kinalaman hindi sa mga bagay na nangyayari kundi sa bungang ganap o kabuuan ng isang bagay.

Nais kong isipin na ang pista natin ngayon sa simbahan ay kapistahan ng kaganapan. Hindi ito tungkol sa naganap sa araw na ito kundi sa kahulugan ng naganap sa araw ng Pentekostes. Sa madaling salita, ang pang-unawa ko sa salitang ito ay di tulad sa pang-unawa ng mga komentarista sa radyo at TV.

Ano ba ang kaganapang tinutukoy natin?

Una sa lahat, para natin masagot ito, dapat nating tunghayan ang mga naganap sa araw na ito ayon sa Banal na Kasulatan. Sa unang pagbasa, ang naganap ay ang makulay na pagbaba ng Espiritu Santo. Dito ay natutunghayan natin kung paanong ang isang malakas na hangin, mga dilang apoy, at ugong na malakas, ay dumatal sa silid na kinalalagyan ng mga disipulo. Ang lahat ng ito ay walang iba kundi mga tanda ng pagdatal o pagbaba ng Espiritu Santo sa anyong nabanggit. Ito ang naganap ayon sa unang pagbasa. Maaari nating bigyang lagom ito sa salitang kapangyarihan. Ang lahat ng nangyari ay may kinalaman sa pagpapakita ng kapangyarihan ng Diyos: malakas na ihip ng hangin, mga dilang apoy, ugong, liwanag, at init. Ano naman ang bunga ng naganap na ito? Ang tandang nabanggit ay simbolismo ng kaloob na kaakibat ng pagbaba ng Espiritu Santo. Ang kaloob na ito ay nagbunga ng kadulasan ng dila. Parang natanggalan ng buhol ang kanilang mga dila. Nakapagsalita sila sa iba-ibang salita, at hindi lamang iyan, naunawaan silang lahat ng mga taong iba-iba rin ang katutubong wika: mga Parto, Medeos, Elamitos, atbp.

Ikalawa, ang pagbaba ng Espiritu Santo ay nagbunga ng mga iba’t ibang kaloob. Pati ang kakayahang ipagbunyi si Jesus bilang Panginoon ay isa sa mga kaloob na ito. Binabanggit ni Pablo ang mga kaloob na espiritwal mula sa iisang Espiritu, pati na rin ang mga kaloob ng iba-ibang uri ng paglilingkod.

Ikatlo, mula sa unang pagbasa ay narinig natin ang isa pang dakilang kaloob sa mga taong nanggaling sa maraming sulok ng daigdig: ang kaisahan. Bagaman at iba’t iba ang wika nila, nagkaunawaan sila at narinig nila ang kani-kanilang mga salitang katutubo.

Ang ika-apat ay siyang higit na mahalaga sa lahat. Ito ay ang buod ng kaloob ni Kristong muling nabuhay. “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang kasalanang inyong patawarin ay pinatatawad na rin sa langit. Ang kasalanang hindi ninyo patawarin ay hindi rin patatawarin.”

Malinaw ayon sa kasulatan na mayroong mga kaloob, at mayroon ring dakila at natatanging kaloob. Ang mga kaloob na matutunghayan sa liham ni San Pablo sa mga Corinto ay marami at naglalayong mauwi sa kabutihan ng ibang tao, hindi sa taong tumanggap nito. Dito kabilang ang paglilingkod, ang pagpapagaling sa ngalan ng Diyos, ang pagtuturo o pangangaral, o kaya’y ang pamamahayag sa ngalan ng Diyos. Ito ay mga kaloob na sa balak ng Diyos ay dapat gamitin para sa kapakanan ng ibang tao.

Nguni’t kung babasahin natin ang karugtong ng liham na ito ni Pablo, makikita rin natin na ang mga kaloob na ito ay nagbunga rin ng away, sigalot, kawalan ng pagkakaisa, pagtutungayaw, inggit, pagseselos, at iba pang mga suliranin ng mga taga-sunod ni Kristo. Alam nating lahat kung gaano kagulo ang naging samahan ng mga Corinto, at kung paano naging pasaning mabigat sila ni Pablo Apostol.

Maging sa ating panahon, sari-saring suliranin ang dinadala ng pagkakaroon ng kaloob na katalinuhan, kakayahan, at kaalaman. Intriga, inggit, at kompetisyon ang malimit ibunga nito. Subali’t kailangan ng Simbahan ng mga sari-saring kaloob na ito. Kailanman, ang Simbahan ay binubuo ng mga kasaping may maraming kakayahan, ng mga tumanggap ng maraming kaloob mula sa Diyos – mga kaloob na dapat ay ginagamit para sa kapakanan ng buong bayang mananampalataya. Hindi dapat problema na ang mga kasapi ng simbahan ay maraming angking kakayahan o katalinuhan.

Subali’t ayon sa ating karanasan, malimit ay away ang ibinubunga ng lahat ng ito. Tingnan na lamang natin ang ating lipunan. Sa halip na maraming kagandahan ang mangyari, paralisado ang maraming antas ng lipunan … hindi makausad, hindi makaungos, at hindi makalarga. Kung mayroong isang malinaw na paralysis sa ating lipunan, ito siguro ay ang halimbawa ng bagong airport sa Maynila. Matapos gastusan at tustusan ng limpak-limpak na salapi, hindi pa rin ito nagagamit. Nabubulok ito at nasisira, habang ang mga politico at di politico ay nagbabangay tungkol sa mga bagay na walang kapararakan.

Sa araw na ito ng Pentekostes, mayroon tayong dapat matutunan sa kapangyarihan at kaloob ni Kristong muling nabuhay. Una, hindi masama ang mga kaloob ng Espiritu Santo. Dapat nating pagyamanin at payabungin ang lahat ng ito. Subali’t ikalawa, ang mga kaloob na ito ay hindi siyang tampulan at wakas ng lahat n gating buhay at pagkatao. Hindi ito ang hantungan ng lahat. Ang mga kaloob ay tuntungan lamang para sa higit na mahalagang kaloob ni Kristong muling nabuhay – ang kapayapaan.

Sa selos, intriga, inggit, o walang patumanggap pagtutunggali at pag-uunahan dahil sa ating mga kakayahan, ang kaloob ng Espiritu Santo ay kapayapaan. Walang kaisahan kung walang kapayapaang panloob. Ito ang siyang dapat magbalanse sa ating mga pansariling mga kakayahan.

At dito na papasok ang salitang kaganapan na ating ginamit sa simula ng pagninilay na ito. Ang pagbaba ng Espiritu Santo ay nagsilbing kaganapan ng lahat ng mga pangako na may kinalaman sa Mesiyas at tagapagligtas na si Kristong muling nabuhay. Ang pagbaba ng Espiritu Santo ay nagpanibago sa takbo ng buhay ng daigdig. Dumulas ang kanilang dila. Nabuksan ang kanilang mga tainga. Napuspos sila ng pang-unawa. Tumanggap sila ng tapang at lakas mula sa itaas. Naging mapagpunyagi sila sa pagpapahayag ng salita ng Diyos. Nagkaroon ng ganap na kaisahan sa mga taong hindi magkaanu-ano. Isang bagong langit at isang bagong lupa ang naging bunga ng kaniyang pagbaba. Sinagian tayong muli ng pag-asa at katiyakang makakamit natin ang ganap na kaligtasan mula sa Diyos.

Sino ang hindi matutuwa sa mga naganap na ito? Sino ang hindi magagalak sa kaganapang dulot ng Espiritung may akda at tagapagtaguyod ng buhay?

Ipadala mo ang iyong Espiritu, O Panginoon, at magbabago ang buong daigdig!

PAGHAMON SA PAGLISAN

In Gospel Reflections, Homilies, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections on Mayo 14, 2007 at 11:50

Pag-Akyat sa Langit ng Panginoon
May 20, 2007

ISANG PAGHAMON SA PAGLISAN

Malimit unawaing pag-alis o paglisan ang pag-akyat ni Jesus sa langit. Kapag may umaalis, may naiiwan. Iyan ang malimit nating karanasan bilang tao. Bihasang-bihasa ang Pinoy sa balitaktakang ito. Mahigit 12 milyong Pinoy ang nasa abroad. Kung ipagpalumagay nating bawa’t isa nito ay may apat na kapamilyang naiwan, mahigit kalahati ng ating kababayan ang nakaranas na lisanin.

Malungkot ang maiwan. Noong ako’y bata, lagi akong malungkot kapag Linggo ng hapon. Ito ay sapagka’t ang kalahati ng aming pamilya ay umaalis, pabalik sa Maynila, kung saan sila ay nag-aaral or nagtatrabaho. At kaming mga maliliit ay naiiwan sa Mendez, isang tahimik at malungkot na lugar sa mata ng isang bata na malayo sa ibang kapatid.

Sa araw na ito, paglisan ni Jesus ang ating usapin. Subali’t kakaiba ang paglisang ito. Sa ating maka-taong karanasan ng paglisan, may naiiwan, may nauulila. Sa paglisan ni Jesus, hindi naulila ang mga apostol at mga disipulo. Hindi tayo naulila. Bagkus nagkamit tayo ng isang kakaiba o panibagong pananatili o pananahan ng Diyos sa ating piling. Siya na mismo ang nagsabi: “Huwag kayong matakot o mabalisa. Narinig ninyong sinabi ko, ‘ako’y lilisan nguni’t babalik ako sa inyong piling.”

May kaakibat na pangako ang kanyang pag-alis. Ang pangakong ito ay ang matagal nang pangako ng Diyos mula pa sa Lumang Tipan – ang kanyang pananatili kasama ng kanyang bayang pinili, ang kanyang malasakit na pag-aaruga sa kanyang bayan, tulad ng pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak (Isaias 49).

Ngunit tulad ng sa bawa’t paglisan ay may pabaon sa naiiwan, si Jesus ay may pabaon … may paghamon … “Bakit kayo nakatingala sa alapaap?” Ito ang tanong ng dalawang anghel sa mga apostol. Hindi sapat ang sumamba. Dapat mauwi ang pagsamba sa pagpapakatotoo. Hindi rin sapat ang magpugay sa Diyos. Ang pagpugay at pagpupuri ay dapat makita sa pagpapahayag ng katotohanang mapagligtas.

Sa ating bayan, hindi sapat na tayo ay Kristiano kung maturingan. Dapat rin tayong maging kristiano sa isip, sa salita, at higit sa lahat, sa gawa. Hindi na puede na ipagmakaingay lamang na tayo ay isang kristianong bayan. Ang Honduras ay katulad natin … halos lahat ay katoliko. Ngunit, ang bayang ito ay katulad rin natin … mataas ang kriminalidad, maraming patayan, at maraming kadayaan at pagsasamantala sa lipunan.

Ang nangyari kay Julia Campbell, isang napakabuting tao mula sa Amerika, na pinaslang sa may Banawe, ay isa sa napakaraming palatandaan na ang ating pananampalataya ay dapat umangat at lumampas sa antas ng salita lamang. Kung paanong si Kristo ay umakyat sa langit, ang ating pananampalatayang kristiano ay dapat ding umangat sa larangan ng buhay pansarili at pampubliko.

Si Kristo ay lumisan sa piling ng mga Apostol. Ngunit ang kanyang paglisan ay hindi upang tuluyang maglaho, kundi bagkus upang siya ay makapakimayan, at manatili nang tunay at lubusan sa piling ng buong daigdig.

Nguni’t ang kanyang paglisan ay tigib ng isang paghamon – na tayo ay magpakatotoo sa ating pananampalataya at magpahayag nang lubusan sa ating pananampalataya sa ating buhay, sa ating bahay, sa ating lipunan.

IBANG KLASE ANG ATING DIYOS!

In Gospel Reflections, Homilies, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections on Mayo 8, 2007 at 11:39

Ika-6 na Linggo ng Pagkabuhay
Mayo 13, 2007

PAANYAYA, PANGAKO, PAG-IBIG, PAG-ASA

Puede nating bigyang-buod ang mga pagbasa sa araw na ito sa apat na salita: paanyaya, pangako, pag-ibig, at pag-asa. Sa unang pagbasa, narinig natin kung paano ipinagtanggol nina Pablo at Barnabas ang mga hentil (pagano) na sumampalataya kay Kristo. Bagama’t pinangunahan ito ng isang matinding diskusyon (o alitan) sa pagitan ni Pedro at ni Pablo, ang pangakong pangkalahatang kaligtasan ng tanan ang siyang naghari sa wakes. Ang mahalaga ay ang pagkilala at pagsampalataya kay Jesus. Ang mga kagawiang kultural ng mga Judio ay hindi siyang pangunahing pagpapahalaga ng isang kristiyano. Tanging mga pinakamahalagang gawain lamang ang ipinataw ni Pablo sa mga bagong sapi kay Kristo.

Ang ikalawang pagbasa ay isang matulaing paglalarawan ng isa pang pangako ng Diyos: ang bagong langit at bagong lupa na binanggit na noong nakaraang Linggo. Ang banal na siyudad ng Jerusalem ay isinalarawang bumababa mula sa kalangitan, na nababalot ng mga mahalaga at mararangyang mga bato at kristal. Iisa ang pinupuntirya ng mga sagisag na ito … Ang Diyos ay ipinapakitang tumutupad at tutupad pa ng kanyang pangako. At ang buod ng kanyang pangako ay may kinalaman sa ganap na pagpapanibago na dulot ng kanyang gawang pagliligtas. Ang pangakong hantungan ng bayan ng Diyos ay may kinalaman sa isang panibagong takbo ng panahon at buhay ng mga nabubuhay nang tapat sa Diyos. Ganap na kaliwanagan ang babalot sa lungsod na nabanggit. Masasabi nating ang ikalawang pagbasa ay pangakong tigib ng pag-asa.

Ang ebanghelyo naman ay umiikot sa isang paanyaya at isang pangako. Anyaya ng Diyos na tayo ay mabuhay sa pag-ibig: “sinomang nagmamahal sa akin at sa aking salita ay mamahalin rin ng aking Ama.” Ngunit ang paanyaya at pangako ay tumutuon sa dalawa pang mahalagang pangako: pag-ibig ng Ama at ng Anak, at ang pagpapadala at pagdating ng Espiritu Santo.

Iisang kataga ang iniiwan sa aking guniguni ng mga pagbasang ito … pananahan. Ibang klase ang ating Diyos. Hindi lamang siya manlilikha. Hindi lamang siya mapagmahal. Siya ay lahat ng ito, at higit pa. Siya ay puno ng pangako. At ang pangako niya ay tunay at buhay. Hindi siya isang Diyos na nananatili sa alapaap. Siya ay Diyos na nakikipamayan. Siya ay Diiyos na nakikipanahan sa piling natin. At bago pa man siya lumisan at umakyat sa langit, nagbitaw siya ng pangako ng pag-asa. “Ang parakleto, ang Banal na Espiritu, na isinugo ng Ama sa aking ngalan, ay magtuturo sa inyo ng lahat at magpapaalaala ng lahat ng sinabi ko sa inyo.”

Ibang klase ang ating Diyos. Naghatid siya ng paanyaya sa atin. Pinagkalooban tayo ng pangako. Tinupad niya ang kanyang pangako sa pagkakaloob ng pag-ibig. Bagma’t lumisan, nagiwan siya ng dahilan upang manatili ang pag-asa.

At higit sa lahat, pinatunayan niya na ang ating pag-asa ay hindi mauuwi sa kawalan. Nakipamayan siyang lubusan sa atin. Nakipanahan siya sa atin sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Ibang klase ang ating Diyos. Purihin Siya magpakailanman.

Ika-5 Linggo ng Pagkabuhay

In Gospel Reflections, Homilies, Sunday Reflections on Mayo 3, 2007 at 17:42

ISANG BAGONG KAUTUSAN
(Ika-5 Linggo ng Pagkabuhay)

N.B. Ito ay halaw sa ebanghelyo sa Mayo 6, 2007 –

Jn 13:31-33a, 34-35

“Isang bagong utos ang bigay ko sa inyo: magmahalan kayo sa isa’t isa, tulad ng pagmamahal ko sa inyo”

Kahit luma na, bago pa rin ang utos na ito ni Jesus. Bago sapagka’t hindi pa lubos na naisasagawa at naisasakatuparan.

Puno ng kataga ng pag-ibig ang ating lipunan, ang ating mga pahayagan, ang himpapawid sa pamamagitan ng TV, ang internet … Subali’t sa kabila nito, ay nababalot pa rin ang daigdig ng kilabot, ng pagkamuhi, alitan, iba’t ibang uri at antas ng galit at poot.

Tunay na bago ang kauutusang ito … hindi pa lubos na nasusubukan … hindi pa lubos na napatutunayan.

Mahirap ang magmahal … lalu na sa mga taong naging dahilan ng iyong paghihirap, mga taong naging sanhi ng iyong pagbagsak sa pagtingin ng kapwa. Mahirap ang magpatawad sa taong ni hindi man lamang tumatanggap sa kanilang pagkakamali. Ito ang laman ng lahat ng teleserye sa ating panahon, paksa ng lahat ng balita sa ating mga pahayagan. Ang mga patayan habang lumalapit ang eleksyon … ang mga paghihiganti sa mga kaaway … ang walang saysay na pagpaslang sa mga taong kasalungat natin sa lahat ng larangan ng ating buhay.

Ito ang lumang balita. Ito ang lumang paksa kung saan umiikot ang lahat ng kwentong pang teleserye, o telenobela. Ito ang dahilan kung bakit walang pagkaubos ang intriga, at siyang dahilan din kung bakit hindi mauubos ang paksa sa ating mga telenobela kung saan tayo makakakita ng sampalang walang katapusan, at iyakang walang patumangga.

Ngunit ito ay lumang tugtugin, lumang paksain, at lumang kwento. Nahirati na tayo sa pag-inog ng ganitong uri ng salaysay.

Ito kung bakit tama si Kristong Panginoon. Nagbibigay siya sa atin ng isang bagong kautusan … bago, hindi luma.

Isa sa mga dalang balita na kaakibat ng imahen ng Mesiyas ay ang pagpapanibago … ang pagdadala niya ng ganap na pagbabago. Sa Griyeo, kainos ang ginamit na salita, hindi neos. Ito ay may kinalaman sa isang uri ng pagpapanibagong taos at lubos, hindi lamang pang-ibabaw at panglabas.

Panawagan ito sa ating mga tagasunod ni Kristo sa isang ganap na pagbabago ng pananaw. Kung ay buhay natin ay parang teleserye, tigib ng poot at nagpupuyos na damdamin, nabubuhay tayo sa lumang balita. Kung ang puso natin ay nababalot pa rin ng kagustuhang maghiganti, umiiral pa rin sa atin ang lumang kaayusan. Wala pa tayo sa bagong tipan. Malayo pa tayo sa pagpapanibagong dulot ng Mesiyas, na nagdusa, namatay, at muling nabuhay.

Marami nang poot ang umiiral sa daigdig. Hindi na natin siguro dapat dagdagan pa. Marami nang patayan at siraan sa mundo nating ito. Hindi na tayo dapat makilahok pa. Simulan natin sa mga simpleng paraan. Baguhin natin ang takbo ng inaakalang “normal” ng lipunan. Kung normal ang makipag-gitgitan sa trapiko, baguhin natin ang ating taktika. Huwag tayong padala sa unahan at lamangan. Kung normal sa mundo ang siraan ang kapwa upang tayo ay umangat at umasenso, huwag tayong padala sa agos. Baguhin natin ang ating pamamaraan. Kung ang lahat ay nagbibili ng boto, ibahin natin ang takbo ng ating isip. Gawin natin ang hindi ginagawa ng karamihan. Kung ang lahat ay nandadaya, ibahin din natin ang kilos natin.

Maging bago tayo sa mata ng Panginoon. Tanging ito lamang ang paraan para maisakatupan natin ang kanyang utos: “Isang bagong kautusan ang kaloob ko sa inyo: magmahalan kayo sa isa’t isa, tulad ng pagmamahal ko sa inyo.”

Hello world!

In Uncategorized on Mayo 3, 2007 at 02:44

Ito po ay isang pagtatangkang makisama sa usapang may kinalaman sa ating pananampalatayang katoliko at pagsasabuhay nito sa pamamagitan ng makahulugang pagninilay sa Salita ng Diyos sa liturhiya tuwing Linggo.

Inaanyayahan ko kayong bumisita dito paminsan-minsan.

Fr Chito