frchito

Imbakan para sa Hunyo, 2007

PASUBALI, PAGSUNOD, PAGLAYA

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Hunyo 25, 2007 at 20:39

Ika-13 Linggo ng Karaniwang Panahon – Taon K
Julio 1, 2007

Ang sinumang nakaupo na sa isang panunungkulan, o nakahawak na ng isang posisyon ay kagya’t makakaunawa nito. Mahirap utusan ang taong maraming dahilan. Mahirap pasunurin ang taong hindi nauubusan ng pasubali. Para sa taong gusto, maraming paraan. Para sa taong ayaw, maraming dahilan.

Ito ang paksa ng ating mga pagbasa sa araw na ito. Sa unang pagbasa, natungyahayan natin kung paano kagya’t tumalima si Eliseo kay Elias. Walang pasubali; walang kondisyon; walang tanung-tanong. Nang ipataw ni Elias and kanyang balabal, iniwan ni Eliseo ang kanyang parang at sumunod kay Elias.

Ang pagsunod ni Eliseo ay naging daan sa kanyang ganap na paglaya.

Hindi madaling unawain ito. Ang pagsunod ay tila malayo sa paglaya. Nguni’t ituloy natin ang ating pagninilay…

Kalayaan ang paksa ni Pablo sa liham niya sa mga taga-Galatas. Narito sa liham na ito ang susi ng ating tanong tungkol sa tunay na kalayaan. Dalawang batas ang puede nating sundan, ayon kay San Pablo: ang batas ng Espiritu at ang batas ng laman. Malinaw ang kaniyang pangaral. Ang tunay na paglaya ay nasa pagtalima o pagsunod, hindi sa batas ng laman, kundi sa batas ng Espiritu. Ipinagtatagubilin niya sa atin na tumindig nang matuwid at huwag muling pasailalim sa pamatok ng pagka-alipin.

Sa ebanghelyo naman, natatampok ang tatlong uri ng taong kay dami ng pasubali, kay dami ng dahilan, at kay dami rin ng kondisyon. Maaari nating sabihin na ang taong maraming “subali’t, datapuwa’t, nguni’t” at iba pang balakid ay hindi ganap na malaya. Alipin siya ng kanyang mga pasubali. Kung minsan, ang pagbabakod ng sarili, o ang pagtatrangka sa sarili ay nauuwi sa pagka-alipin.

Mayroong alipin ng paghahanap ng katiyakan o kasiguraduhan. Ito ang binabatikos ngayon ng Panginoon. Nang may nagsabi sa kaniya na handa siyang sumunod saanman siya magpunta, sumagot si Jesus: “ang mga asong-gubat ay may lungga at ang mga ibon sa himpapawid ay may tirahan, nguni’t ang Anak ng Tao ay wala ni unan para sa kaniyang ulo.”

Mayroon namang taong maraming kadahilanan at laging nag-aatubili at patumpik-tumpik. Hindi nila mapanagutang lubos ang kanilang salita. Ito ang mga taong urong-sulong, na laging may dahilan upang ipagpaliban ang anumang desisyon. Nandiyan ang nagdadahilang kailangan muna niyang ilibing ang kanyang Ama. Ito ang mga taong nagsasabing susunod … mamaya … bukas … hindi, saka na lang siguro … Sa mga taong kagaya nito,  parang marahas pakinggan ang sagot ni Jesus: “Hayaang ang mga patay ang maglibing sa kanilang mga patay.” Mahirap kausap ang mga taong “hele-hele, pero quiere.”

Mayroon din namang alipin ng kanilang puso. Hindi nila maiwan ang mga tao o bagay na napamahal na sa kanila. Ang sagot ni Jesus ay kasing sakit ng sagot niya sa nauna: “Ang taong nag-aararo at lumulingon sa kanyang pinagdaanan na ay hindi karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.”

Iisa ang tinutumbok ng mga pagbasa ngayon. Ang pagiging disipulo ni Kristo ay nangangailangan ng pagtalima o pagsunod. Nguni’t kabaligtaran sa karaniwang nagaganap sa mundong ito, ang pagsunod na ito ay siyang naghahatid sa ganap na paglaya. Mahirap man unawain, at lalung mahirap man tanggapin, ito ang kabalintunaan ng ating buhay Kristiyano. Ang taong maraming kondisyon at pasubali ay hindi malaya. Alipin siya ng kanyang sariling bakod na nagsisilbing balakid sa paglago. Ang pagdadahilan ay iba lamang tawag sa hindi pagsunod. Nguni’t ang taong walang kurap sa pagsunod, tulad ni Eliseo ay siyang nagpamalas ng wagas na kalayaan.

Marami tayong dahilan upang saka na magbago. Marami tayong pasubali at mga palusot upang makaiwas sa pagbabago ng ating lipunan. Subali’t gaya nang nasabi na natin, ang taong gusto ay maraming paraan; ang taong ayaw ay maraming dahilan. Nguni’t ang ganap na kalayaan ay hindi makakamit sa pagdadahilan. Ang tunay na kalayaan ay nasa daang tinahak ni Kristo – ang daan tungo sa Jerusalem, tungo sa kanyang ganap na pagsunod sa kalooban ng Ama. Ang pagsunod ay daan tungo sa paglaya.

JUAN BAUTISTA: KILABOT NG BULABOG, HARI NG KABABAANG LOOB

In Gospel Reflections, Homilies, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Hunyo 16, 2007 at 20:40

St. John the BaptistKapistahan ni Juan Bautista
Junio 24, 2007

Mga Pagbasa: Is 49:1-6 / Gawa 13: 22-26 / Lucas 1:57-66, 80

Tanging tatlo lamang ang may natatanging pagdiriwang sa kanilang pagsilang sa ating Simbahan: si Kristo Jesus, si Maria, Ina ni Jesus, at si Juan Bautista. Subali’t kailangang maunawaan natin na hindi ito pagdiriwang ng kumpleanyo (compleano sa Kastila), o “birthday.” Mababaw ang pagdiriwang ng bertdey. Paggunita lamang ito ng anibersaryo ng pagsilang ng isang tao sa daigdig.

Ang pagdiriwang ng araw na ito, tulad ng araw ng Pasko, at ng Setyembre ika-8, ay hindi isang mababaw na pag-aala-ala ng pagsilang ni Jesus at ni Maria. Ang tatlong ito ay pagdiriwang ng pagdatal – ng pagdating sa ating buhay ng tatlong may mahalagang dulot sa lubos na ikapagpapanibago ng daigdig at ng buhay ng marami sa daigdig na ito.

Bakit ba mahalaga sa atin ang pagdatal ni Juan Bautista?

Una, tingnan natin ang kwento sa Banal na Kasulatan. Ang kanyang pagdatal ay naghatid ng matinding pagkakabulabog sa buhay ni Zacarias at Isabel. Handa na ang dalawa mag-retire at manahimik sa kanilang katandaan. Tanggap na nila na sila ay tatanda nang walang aarugain pang bata. Nguni’t iba pala ang balak ng Diyos para sa kanila. Isang himala ang naganap sa kanilang katandaan. Ang kinikilalang baog at wala nang kakayahang magluwal ng sanggol ay pinagpala ng Maykapal.

Maraming ginambala at binulabog si Juan Bautista. Pati ang kanyang pinsan na si Maria, kabiyak ni Joseng anluwage ay nabulabog. Sinasaad sa ebanghelyo ni Lucas kung paano siya nagmamadaling umakyat sa bulubundukin ng Judea upang tulungan si Isabel na kagampan. At nang magpangita si Maria at Isabel, siya mismo ay nabulabog sa sinapupunan. Nagtatalon siya sa galak nang dumating si Maria at si Jose.

Mahalaga si Juan Bautista sapagka’t mahalaga na mayroong nambubulabog sa atin. Mahalaga siya sa atin maging sa panahong kasalukuyan sapagka’t kinakailangan nating lahat ng isang mahusay mambulabog at maggising ng mga natutulog. Hindi natin kailangan ng birthday celebration. Ang kailangan natin ay ang ipagdiwang at isakatuparan ang dahilan at kahulugan ng kanyang pagdatal.

At ang kahulugan ng kanyang pagdatal ay walang iba kundi ito – ang pukawin ang puso at isipan ng mga taong namihasa nang mamuhay sa kadiliman. Ang kanyang pagdatal ay isang panawagan upang lisanin ang kamangmangan, ang pagkahirati at pagkagulapay sa kawalang pag-asa at kaguluhan ng isipan, ang bumangon mula sa pagkadapa at sa pag-iisip na wala nang pag-asang nalalabi sa mundo.

Sa kasaysayan ng daigdig, may mga panahong ang marami ay tila nanghihinawa at nawawalan ng tiwala at pag-asa. Subali’t sa ganitong pagkakataon ng matinding pangangailangan, nagsusugo ang Diyos ng karampatang tao upang tumugon sa paghamon ng panahon. Nang ang Inglatera ay halos wala nang masulingan dahil sa digmaan, lumitaw si Churchill upang pukawin ang natutulog na pag-asa at kakayahan ng mga Ingles. Binulabog niya ang buong kaharian. Pinukaw niya ang mga tukatok na sa kawalang pag-asa. At ang pinakadakilang sandali ng Inglatera ay narating nila sa pamumuno ni Winston Churchill.

Isang nagngangalang Juan ang isinugo ng Diyos, ayon sa Ebanghelyo ni Juan Ebanghelista. Ang kanyang pagdatal ay mahalaga at makahulugan para sa atin. Iyan ang dahilan kung bakit natin itinatampok at itinatanghal siya sa araw na ito.

Patuloy niya tayong binubulabog. Pinupukaw niya at inaantig ang ating mga puso. Nagtatatalon pa rin siya sa galak sa sinapupunan ng Inang Simbahan sapagka’t narito tayo at nagmamadaling magtipon sa araw na ito ng Linggo. Tulad na pinagbago niya ang takbo ng buhay ni Zacarias at Isabel, pinagbabago rin niya ang takbo ng buhay natin bilang bayan ng Diyos.

Marami siyang binulabog. Kasama na rito si Herodes na lubhang nabulabog sa kanyang narinig mula sa propeta. Ang katotohanan na dulot at mensahe niya ay lubhang mapanganib para kay Juan. At ang nambulabog sa ngalan ng Diyos ay tuluyan nang pinatahimik ng isang makapangyarihang taong hindi matanggap ang kaniyang pambubulabog.

Tulog ang lipunan natin sa pagtanggi na napakaraming dapat pagpanibaguhin sa ating lipunan. Hindi pa naaantig ang ating bayan na tayo ang pinaka tiwaling bayan sa buong Asya. Hindi pa rin natin lubos na nauunawaan na ang ating mga kayamanang likas ay mabilis na nauubos at inaaksaya nating lahat. Hindi pa sumasagi sa ating kaisipan na tuwing halalan, ay hindi dapat mangyari na laging may patayan at iba pang uri ng karahasan.

Patuloy na dumaratal sa ating buhay ngayon si Juan Bautista. Patuloy niya tayong binubulabog. Subali’t ang pinakamatinding pambubulabog niya ay may kinalaman sa pagtuturo niya sa atin ng tamang landas tungo sa ganap na pagbabago. “Siya ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan. Hindi ako karapat-dapat magkalas ng sintas ng kanyang sandalyas.”

Oo, siya ay kilabot ng bulabog. Subali’t ang hari ng bulabog ay hari din ng panloob na kababaang-loob at kabanalan: “Dapat siyang umangat at ako ay bumaba.”

San Juan Bautista, patuloy mo kaming bulabugin tungo sa kabanalan!

Junio 16, 2007

Paranaque City, 8:35 PM

PAGTANGGI O PAGTANGGAP

In Gospel Reflections, Homilies, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections on Hunyo 11, 2007 at 22:58

Ika-11 Linggo ng Karaniwang Panahon
Hunyo 17, 2007

Mga Pagbasa: 2 Samuel 12:7 – 10,13 / Galatas 2:16,19-21 / Lc 7:36 – 8:3

Dadalawang letra ang kaibahan ng una sa ikalawang salita. Iisang maliit na kilos ang maari nating gamitin sa pagtanggi – ang pag-iling. Gayundin, iisang kibo ang napapaloob sa pagtanggap – ang pagtango. Subali’t malaki ang kahihinatnan kung alin ang ating pipiliin sa anumang pagkakataon.

Pagtanggap ang buod ng mensahe ng ating mga pagbasa sa araw na ito, hindi pagtanggi. Sa unang pagbasa, matutunghayan natin kung paanong ang pag-uusig ni Natan kay David ay nauwi sa maluwag na pagtanggap. Tinanggap ni David ang kanyang malaking pagkakasala: “Nagkasala ako laban sa Panginoon.”

Sa ikalawang pagbasa, ipinahahayag ni San Pablo na hindi ang pagtanggap lamang sa batas ang naghatid sa kaniya sa katarungan, kundi ang maluwag na pagtanggap sa Panginoong Jesucristo. Ang pagtanggap na ito ay nangangahulugang hindi na si Pablo ang nabubuhay, kundi si Kristo mismo ang Siyang nabubuhay sa kaniya.

Sa Ebanghelyo, mayroong isang taong bihasa sa pagtanggi. Ito ay walang iba kundi ang Pariseo, na nag-anyaya kay Kristo sa hapag-kainan. Pinatuloy niya si Kristo sa kaniyang bahay. Subali’t ang puso niya ay tigib ng pagtatangi at pagtanggi. Hindi niya matanggap na may isang “babaeng makasalanan” diumano na pumasok sa kanyang bahay at naghugas ng mga paa ni Jesus sa pamamagitan ng kanyang mga luha.

Dalawang magkasalungat na larawan ang ipinipinta ng Ebanghelyo – ang Pariseong cerrado ang puso at panay ang iling noong pumasok ang babae, at ang babaeng panay ang tango sa pagtangis sa kaniyang mga kasalanan. Kasama sa larawang ito ang maluwag na pagtanggap ng Panginoong Jesucristo sa isang nilalang na walang bahid ng pagtanggi bagkus lubos na pagtanggap sa kapangyarihan at awa ng Diyos sa katauhan ni Kristo.

Sa biglang wari, tila kakaunti ang kaibahan ng pagtanggi sa pagtanggap. Bukod sa iilang letra, ay ang kakapiranggot na kaibahan sa pagitan ng isang iling at isang tango. Subali’t nais nating ipaliwanag sa araw na ito na malaki ang kaibahan at malalim ang kinahihinatnan kung paghahambingin ang isang iling at isang tango sa pagdatal ng Panginoon sa ating buhay.

Ang isang iling ay pagpapahindi sa Diyos, sa kanyang biyaya, sa kanyang dulot na buhay. Marami ang halimbawa nito sa Banal na Kasulatan – tulad ng binatang nagtanong kay Kristo kung paano makarating sa buhay na walang hanggan. Nang sinagot siya ni Jesus na dapat niyang iwan ang lahat at sumunod sa Kaniya, siya ay napailing, at umalis nang walang iba pang sinabi. Tumalikod siya at lumisan nang malungkot.

Ang isang iling ay pagsiphayo sa Diyos ng buhay. Ang pagtangis ni Judas na walang kaakibat na pagtanggap sa habag ng Diyos ay nauwi sa mapait na pagpanaw.

Subali’t ang pagtango sa kalooban ng Diyos ay pagtanggap sa biyaya ng buhay. Ang pagtangis ni Pedro matapos itatwa si Kristo ay ang kanyang pagtanggap sa kanyang pagkakamali. Ang kaniyang tango sa awa at habag ng Diyos ay naghatid sa kanya sa pagkakamit at pagtanggap ng buhay na walang hanggan.

Iisa ang tinutumbok ng ating mga pagbasa sa ating Misa ngayon. Tinatawagan tayo hindi sa pagtanggi at mapait na pagtangis na walang karampatang lunas. Ang panawagan sa ating lahat ay malinaw – ang pagtanggap sa Diyos at sa kanyang awa. Ang pagtanggap na ito ay nagmumula sa pagtanggap rin ng ating kasalanan. Ito ang ginawa ni David. Ito rin ang ipinakita ng babaeng nagdala ng pabango at tumangis sa harapan ng Panginoong tinanggap niya nang maluwag sa kalooban.

Sa ating panahon, sa ating buhay, panay ang tanggi natin sa maraming bagay. Tinatanggihan natin na mabilis nating sinasalanta ang daigdig ng kalikasan. Tinatanggihan natin na ang maraming bagay na ginagamit natin ay mabilis na naglalaho at patuloy na nauubos. Panay ang ating iling sa pagtanggi na tayo ang pinaka-tiwaling bansa sa buong Asia.

Ang patuloy nating pagtanggi at kawalang kakayahang tumanggap sa katotohanan ay isa sa mga ugat ng ating susun-susong problema. Mahirap gisingin ang taong nagtutulog-tulogan. Mahirap gamutin ang taong hindi tumatanggap sa kanyang karamdaman. At lalong mahirap patawarin ang taong panay ang iling at tanggi sa kanyang kasalanan.

Nagsimula tayo sa Misang ito sa pagtanggap, hindi pagtanggi: “Panginoon, kaawaan mo kami.” Makaitlo nating beses ito sinabi. Ito rin ang sinabi natin matapos ang unang pagbasa: “Panginoon, patawarin mo ang aking kasalanan.”

Panahon na upang tumango. Panahon na upang tumanggap … una sa Diyos, ikalawa sa ating kasalanan, at ikatlo, sa kanyang dakilang awa at habag. Pagtango at pagtanggap ang lubha nating kailangan upang maging kaaya-aya sa Diyos. Ang hindi pagtango at hindi pagtanggap ay mauuwi lamang sa pagtangis na walang karampatang lunas.

Panginoon, maawa ka sa aming makasalanan!

June 11, 2007 – Paranaque City

DULANG SA ILANG

In Gospel Reflections, Homilies, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections on Hunyo 4, 2007 at 04:47

KAPISTAHAN NG KATAWAN AT DUGO NI KRISTO
Hunyo  10, 2007

Batay sa Ebanghelyo ni Lukas 9:11b-17

DULANG SA ILANG

Maraming panganib at pangambang nagtatago sa ilang. Tigib ito ng kawalang-katiyakan at pagkabalisa. Walang tubig, walang pagkain, walang mapagkukunan ng ano mang itinuturing na mahalaga sa buhay ng isang tao.

Sa ilang nadama ni Jesus ang kawalang katiyakan. Doon siya nakadama ng lubos na kasalatan. Doon din siya tinukso ng makaitlong ulit ng demonyo. Sa ilang ay naranasan niya kung ano ang kahulugan ng manatiling gutom sa loob ng maraming araw, at ang magpasuling-suling nang walang tiyak na patutunguhan.

Ito ang ilang na nagbigay rin ng pangamba sa mga apostoles. Sa kanilang takot, winika nila kay Jesus: “Pauwiin na natin ang mga tao. Wala silang makakain dito.”

Hinamon nila si Kristong siyang nagwagi sa kabila ng lahat ng suliranin at pagsubok sa ilang. Sa kanilang pagkabalisa, higit nilang pinairal ang pangamba at takot. Ang pinakamalinaw na landas na nakita nila ay ang itulak ang mahigit sa limang libong katao pabalik sa kani-kanilang pinanggalingan.

Subali’t ang pinuno ng paglalakbay na ito sa ilang ay hindi natinag … hindi natakot. Bagkus pinagsabihan ang mga apostol at hinamon rin sila: “Bigyan ninyo sila ng makakain.”

Sa araw na ito ng kapistahan ng Banal na Katawan at Dugo ni Kristo, nakatutuwang isipin at mabatid na sa kanilang paglalakbay, ang Diyos mismo ang gumawa ng paraang ang lahat ay makadulog sa dulang ng pantawid-buhay. Pinagtipon-tipon niya ang mga tao sa grupong tig-lilimampu. Pinadulog niya ang lahat, at pinagkalooban ng pagkain.

Ang buhay natin maging ngayon, o lalu ngayon ay tigib ng iba-ibang uri ng ilang. Binabalot tayo at pinaliligiran ng sari-saring kasalatan, pangamba, at matinding pagkabalisa. Tulad ng mga apostol, maaari din tayo madala ng takot. Maaari din tayo matinag ng kawalang katiyakan sa maraming larangan ng ating buhay.

Hindi malayo na ating siphayuin o itulak, hindi lamang ang mga taong nagsisipagsunuran kay Kristo. Maari nating siphayuin o ika nga’y sipain ang lahat ng sitwasyong sa tingin natin, ay nagdadagdag sa ating pangamba. May mga taong sa harap ng matinding suliranin ay tinatanggihan ang pagsisimba at pananalangin. Mayroon namang nawawalan ng pag-asa. Mayroon ring lubusang pinapanawan ng tiwala sa kapwa tao. Ilan sa mga kakilala ko at marami pa ang lumisan na sa bansang ito sapagka’t tuluyan nang nawalan ng pag-asa sa ating sistema politikal? Ilan sa mga Pilipino ang nagdesisyon nang mangimbang-bansa sa kadahilanang wala silang nakikitang kinabukasan sa bansang ito na pinamumugaran ng mga taong ang tanging hanap ay ang kani-kanilang bulsa at makasariling kapakanan lamang?

Lubos ko silang nauunawaan at hindi ko sila sinisisi. Matinding gutom at pangamba ng kawalang-katiyakan ang maaaring sapitin nila dito, sampu ng kanilang mga anak. Masasabi nating ang kultura ng korupsyon ang siyang nagtulak sa kanila upang lumisan sa disyertong ito.

Nais kong isipin na batid ng Diyos na tayo ay pawang nasasadlak sa disyertong ito na tigang sa pag-asa at katiyakan. Sa araw na ito, ginugunita natin kung paano pilit na pinakain ni Jesus ang mga taong walang mapupuntahan sa ilang. Sa halip na palayasin, pinagtipon-tipon niya ang mahigit sa 5,000 tao at inutusan ang mga disipulo: “kayo mismo ang magbigay ng pagkain sa kanila.”

Noong nakaraang Linggo, isa sa mga paksang binigyang diin ko ay ang kahulugan ng pista ng Banal na Santatlo. Ito ay may kinalaman sa kagustuhan ng Diyos na lubos na mapalapit sa tao, sa kanyang pinakamamahal na bayan. Siya ay Maylikha at Ama. Siya ay Anak at Kapatid natin. At Siya ay Espiritung patuloy na naghahatid sa kaliwanagan. Ang pagmamahal niya sa atin ay hindi lamang maka-isa niyang ipinakita, bagkus, maka-dalawa, at maka-itlong beses niya ipinadama at ipinadadama.

Tayong mga Pilipino ay mistulang nasa disyerto pa rin. Dito sa ating bayan, disyerto ang lipunang pasuling-suling sa ilang at naghahanap ng matitinong lider na tulad kay Kristong ang nasa ay hindi ang sila ay palayasin upang mag-arumbang ng kanilang makakain. Sa halos isandaang bansa kung saan tayo ay nagsipaglayasan sa paghahanap ng luntiang damo ng kinabukasan, ilang pa rin ang karanasan ng marami. At hindi lamang iyan, saan man tayo naroroon, saan mang lupalop tayo nagtitipon, kaakibat ng buhay natin ang karanasan ng kapaitan, ng paglalayu-layo ng damdamin sa isa’t isa, ang pag-aalitan, ang hindi paguunawaan, maging sa mga magkakamag-anak o magkakapatid.

Ang buhay ay isang disyertong nababalot ng maraming mga hilahil at suliranin.

Ang Panginoong hindi nagpalayas sa mga taong disin sana ay nagutom sa ilang, ay siya rin nag-aanyaya sa atin sa panahong ito. Siya ay Diyos ng buhay. Siya ay Diyos ng pag-ibig. At siya ay Diyos na nagmamalasakit sa kapakanan ng kanyang kawan.

Ang kapistahan ng Banal na Katawan at Dugo ni Kristo ay walang ibang batayang kahulugan liban dito. Mahal niya tayo. At ang kaniyang pagmamahal ay ipinakita niya sa kanyang pagtitipon sa atin sa luntiang damuhan ng pag-asa, pagtitiwala, paghihintay sa tulong Niyang nagbibigay-pagkain sa mga gutom at mga nauuhaw. Wala siyang sinisiphayo. Wala siyang itinutulak paalis. Bagkus tinitipon Niya ang lahat, tulad ng tinipon niya tayo ngayong araw na ito sa simbahang ito. Dito ay tatanggap tayo ng pagkaing nagbibigay-buhay. Dito ay matitikman natin ang kanyang inihanda para sa mga handa ring maglakbay kasama Niya tungo sa walang hanggang katiyakan sa langit na tunay nating bayan. Ang pagkaing ito ng mga manlalakbay ay walang iba kundi ang Eukaristiya – ang Kaniyang Katawan at Dugo.

Dulang sa ilang ang Eukaristiyang ito. Pagkain ito ng mga naghahanap, naglalakbay, pasuling-suling sa disyerto ng buhay, Wala siyang sinisiphayo. Wala siyang sinisipa paalis. Wala siyang itinataboy, bagkus ang lahat ay inaanyayahan. Dulang ito sa ilang ng kawalang-pag-asa. Dulang ito sa ilang ng kawalang katiyakan. Sinumang kakain ng Kanyang katawan at iinom ng kanyang dugo ay tatanggap ng buhay na walang hanggan.

Halina’t dumulog sa hapag ng Panginoon!