frchito

Imbakan para sa Hulyo, 2007

TAMANG PANINGIN; WASTONG PAGTURING

In Gospel Reflections, Homilies, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Hulyo 30, 2007 at 18:21

Ika-18 Linggo ng Karaniwang Panahon – Taon K
Agosto 5, 2007

Mga Pagbasa:  Eccl 1:2; 2:21-23 / Col 3:1-5, 9-11 / Lucas 12:13-21

Mahalaga para sa atin ang makakita nang malinaw. Mahirap mamili sa gabi lalu na’t malabo ang ilaw. Mahirap maaninag ang tunay na kulay ng tela. Mahirap makilatis ang tunay na kagandahan ng anumang ating gustong bilihin. Sa panahon natin, mahalaga na mabasa natin ang lahat ng nakasulat sa mga tarheta … ng gamot, ng pagkain, ng anumang gamit pambahay o saan man. Kamakailan ay naging malaking balita sa Pilipinas ang mga pagkaing gawa sa China. Delikado raw … may halong formalin na alam ng lahat ay gamit pang embalsamo ng mga patay.

Lubhang mahalaga na marunong tayong tumingin at kumilatis. Lubhang kinakailangan na mayroon tayong tamang salamin upang makilatis ang lahat ng bagay sa daigdig natin. Lubhang kinakailangang malinaw ang ating mata una sa lahat. Nguni’t higit sa lahat ay kinakailangang ang nakikita natin at natutunghayan ay tama. Linaw ng mata at linaw ng paningin ang binabanggit natin.

Subali’t alam natin na may iba-ibang uri ng kabulagan sa buhay natin. Tingnan natin ang ilang halimbawa mula sa mga pagbasa sa araw na ito.

Sabi ni Kohelet sa taong ang pakay ng buo niyang buhay ay mag-ipon ng yaman: “Walang kabuluhan … walang kakabu-kabuluhan.”  Sa orihinal na salita sa Hebreo, ang ginamit na salita ay may kinalaman sa hamog na madaling maglaho. Ang pagpapahalaga sa yaman at pag-iipon ng bagay na material, ayon kay Kohelet, ay parang pag-iipon ng hamog na hindi nagtatagal. Naalala ko tuloy noong kami ay mga bata na unang nakatuntong sa Baguio City. Talagang malamig pa noon sa Baguio. Tuwang-tuwa kami sa hamog. Pag humihinga at nagsasalita ay nakikita namin ang hininga … umuusok pa. Sa aming pagkabata ay naisip naming isabote ang hamog upang iuwi sa Maynila. Subali’t ang maglagay sa bote ng hamog ay walang iniwan sa sinasabi ni Kohelet: “Walang kabuluhan … walang kakabu-kabuluhan.”

Ito rin ang paksa ng ebanghelyo ayon kay Lucas. Isang tao ang humiling kay Jesus na mamagitan sa kanyang kapatid upang partihin ang mana nilang magkapatid. Naging simulain ito ng isang mahalagang pangaral tungkol sa katakawan na tinawag ni Pablo sa sulat sa mga taga Colosa na isang uri ng idolatria o pagsamba sa diyus-diyosan. “Ingatan ninyo na hindi kayo matangay ng katakawan, sapagka’t bagama’t ikaw ay mayaman, ang buhay mo ay hindi nababatay sa pagkakamal ng ari-arian.”

Ang pagkabulag ay pagkawala ng wastong paningin. Sa linguahe ng kompyuter, what you see is what you get, ika nga (WYSIWYG). Kung ang mata ay nalalambungan, hindi tama ang paningin, mali ang dating sa mga matang natatakpan sa harap ng katotohanan. Kung mali ang paningin, hindi rin wasto ang pagturing. Hindi tama ang pagpapahalaga. Hindi angkop ang pagkilatis sa mga bagay-bagay. Kung ano ang tingin ay siyang turing. Kung ang tingin mo sa bakal ay ginto, ang turing mo ay ginto, kasing halaga ng ginto. Kung ang tingin mo ay yero lamang, ang turing mo ay halagang yero lamang. Kung ang tingin mo ay puwet lang ng baso ang bato sa singsing, ang turing mo ay katumbas lamang ng puwet ng baso. What you see is what you get.

Ang Panginoong Jesus ay isa ring manggagamot. Tinitingnan niya ngayon kung anong uri ng mata mayroon tayo. Tama ba ang ating pagtingin? Tama ba ang nakikita natin? At higit sa lahat … wasto ba ang ating turing?

Kay daming bulag, pipi, at bingi sa ating lipunan noong panahon pa ni Freddie Aguilar at magpahangga ngayon. Palpak ang ating paningin. Kay raming nagbibigay pahalaga sa hamog na narito ngayon at mamaya ay wala na. Ilan sa aking mga kakilala ang dati-rati ay nagkakamal ng maraming pera ngunit ngayon ay salat na salat? Ilan ang mga tao sa bayan natin na nabubuhay na wari baga’y tanging salapi at yaman lamang ang kanilang pakay sa buhay? Ilan ang mga politikong ginagawang daan sa pagpapayaman nang higit ang tinatawag nilang paglilingkod sa bayan? Hindi kaila sa marami na ang ating mga sundalo ay namamatay, hindi lamang dahil sa bala kundi sa kakulangan ng pagkain at wastong gamit. May nakapagsabi sa akin na ang budget para sa pagkaing pang-araw-araw ng mga sundalo ay kulang sa kalahati ang napapakinabangan nila sapagka’t ibinubulsa ng mga nasa itaas.

Laganap ang kabulagan sa ating lipunan.

Tayo man ay mga bulag, pipi, at bingi rin sa ating pananampalataya. Inilalagay natin sa unang hanay ang dapat sana ay nasa bandang hulihan. Inuuna natin, hindi ang wastong pagpapahalaga bagkus ang ating makasariling pagpapahalaga. Ang galing ng kompanyang nagpangalan sa kanilang sarili ng FAMILY FIRST, INC. Bago ang iba, tayo muna. Ang Pilipinas, sabi ng isang tanyag na manunulat ay isang malaking anarkiya ng mga pamilya. Ang pamilya ang puno at dulo ng lahat. Pag pamilya ang pinag-uusapan, walang mali sa nakaw … walang mali ang katiwalian o korupsyon. Butas ang batas kapag pamilya ang pinag-uusapan. Okey hindi sumunod ng batas, kasi pangangailangan ng pamilya ang nakataya.

Itong maling paningin na ito ang dahilan kung bakit tayo number one sa korupsyon sa buong Asia. Ito ang dahilan kung bakit para sa mga tiwaling politico, walang sapat at tama na sa pagdaraya. Kung para sa pamilya ito, walang nakaw at walang mali. Butas ang batas sa mga taong mali ang paningin, at mga taong bulag sa katotohanan at sa tama.

Tila masakit ang sinabi ng Panginoon sa taong humiling sa kanya. Subali’t hindi ibig sabihin na masama ang maging mayaman. Hindi rin ibig sabihin na mainam ang maging mahirap. Malayo ito sa sinasaad ng mga pagbasa. Ang mga mayayaman na yumaman sa tamang paraan ay hindi masasamang tao. Ang mga mahihirap na sa kabila ng kanilang kasalatan ay masayang nabubuhay ay hindi aba sa mata ng Panginoon. “Mapalad ang mga dukha sa Espiritu, sapagka’t kanila ang kaharian ng langit.”

Ang pangaral ni Jesus ay hindi pagmamasama sa mayaman. Hindi rin ito pagsasabing mas mainam ang manatiling mahirap. Ang pinupuntirya ng Panginoon ay kung tama ang ating pagpapahalaga, kung wasto ang ating ginagamit na salaming pananaw, at kung alam natin ang mga bagay na dapat natin pahalagahan ng higit sa lahat, at alin ang dapat ilagay sa ikalawa o ikatlong hanay ng ating pagpapahalaga.

Sapagka’t ang tamang paningin ay magbubunga sa wasto ring pagturing. What you see is what you get.

Fr. Chito Dimaranan, SDB
Pambansang Dambana ni Santa Maria Mapag-Ampon
Paranaque City

MAY KATUTURAN BA ANG KAKULITAN?

In Gospel Reflections, Homilies, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Hulyo 23, 2007 at 19:35

Ika-17 Linggo ng Karaniwang Panahon – Taon K
Julio 29, 2007

Mga Pagbasa: Gen 18:20-32 / Col 2:12-14 / Lucas 11:1-13

Bihasang-bihasa tayong mga Pinoy sa tawaran. Ang unang turing sa pamilihan, lalu na sa Divisoria, ay hindi natin agad tinatanggap. Tumatawad tayo, humihiling … nakiki-usap hanggang sa dumating ang sandaling ang mamimili at magtitinda ay nagkakasundo sa karampatang halaga.

Pwede nating unawain ang unang pagbasa sa liwanag ng tawarang ginagawa natin sa palengke tuwina. Bagama’t ang kwentong ito mula sa aklat ng Genesis ay hindi nangangahulugang ang awa at patawad ng Diyos ay bagay na makukuha sa paki-usap, sa isang walang sawang pagtawad, malinaw na ang kwentong ito ay may kinalaman sa dakilang pag-ibig at pagmamalasakit ng Diyos sa kanyang bayang nagkasala. Malinaw dito ang pagsasaalang-alang ng Diyos sa mga taong nagsisikap magpakabuti, sa mga taong hindi napadala sa kalakaran ng isipan at pag-uugali ng karamihan. Higit sa lahat, malinaw rito ang kahalagahan ng pamamagitan na ginawa ni Abraham sa ngalan ng kanyang bayan.

Maari nating sabihing may kahulugan at kahalagahan ang pagiging makulit sa panalangin. Kung ating bibigyang-pansin ang sinasaad ng mga pagbasa, malinaw na isa sa mga paksang malinaw na dapat natin pag-usapan ay ang pananalangin.

Ang kakulitang ito ang siya ring paksa sa ebanghelyo ni Lucas. Dapat nating tandaan na ang paksa ng ebanghelyo ay may kinalaman, higit sa lahat, sa panalangin. Hiling ng mga disipulo sa kanya: “Panginoon, turuan mo kaming manalangin.” Bukod sa pagtuturo niya ng modelo ng panalangin, ang “Ama Namin,” nagbigay si Jesus ng dalawa pang halimbawa na ang kakulitan sa paghiling ay nagbubunga ng magaling sa taong mapagpunyagi at mapagporsigue sa panalangin.

Ang lipunan natin saan man ay hindi na bihasang magpunyagi. Maikli ang pasensiya ng marami. Palibhasa’y nabihasa sa puro “instant” – instant mami, instant pansit canton, instant coffee, at sa mga “fastfood” – mga pagkaing makakamit mo sa “unang hiling” at “unang tawad” o “unang tawag,” ang kakulitan sa panalangin ay hindi na nakikita sa balana. Sa panahon ng mga instant messaging at texting, wala nang pasensiya ang tao sa walang patid na panalangin. Wala nang tawaran sa Pizza hut. Wala na ring hintayan … hate late? Tumawag lamang sa Pizza hut, at kapag nahuli kahit isang sandali ay libre na ang iyong pizza.

Subali’t hindi natin dapat isipin na ang sinasaad ng mga pagbasa ay may kinalaman lamang sa kakulitan. Ito ay isang bahagi lamang ng sinasaad ng mga pagbasa. Sa ikalawang banda, ang mga ito ay patungkol, higit sa lahat sa isang Diyos na may malasakit at malaking habag at pagmamahal sa kaniyang bayan.

Ang panalangin ay pagpapahayag ng kabatirang ito ng taong sumasampalataya sa Diyos. Alam ng isang mananampalataya ang kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos. Alam ng taong nagmamahal din sa Diyos na handa siyang magkaloob ng lahat ng hinihiling ng taong nagsusumamo. Batid niya na ang Diyos ay handang maglubag ang kalooban sa pagsusumamo ng taong lumalapit bunsod ng kanyang tiwala sa Kaniya. Subali’t bago maganap at mangyari ang kaniyang hinihiling, malinaw na turo ng Banal na Kasulatan na dapat munang aminin ito at ipahayag ng tao sa pamamagitan ng panalangin.

Marami akong halimbawa ng katotohanang ito sa aking maikling karanasan. Kamakailan lamang, mayroon akong kilala na nagkaroon ng malubhang karamdaman. Buong buhay niya ipinagdasal na siya ay pagkalooban ng Diyos ng isang magandang kamatayan. Noong siya ay pinanawan ng buhay, sarado ang Parokya at day-off ng mga pari sa maraming lugar. Subali’t sa sandaling iyon, hindi lamang aksidente o dala lamang ng tsamba na may dalawang pari na nasa tabi niya sa oras ng kanyang pagpanaw. Ipinagkaloob sa kanya ang kanyang hiniling buong buhay. At hindi lamang ito ang nasasa isip ko sa sandaling ito.

Magulo ang daigdig saan man. Walang katiyakan at kasiguraduhan sa maraming lugar sa daigdig na ito. Ang panganib na dulot ng terorismo ay laganap kahit saan. Marami ang patuloy na naghihirap at naghihikahos. Parang wala nang solusyon sa maraming larangan ng buhay ng marami.

Nguni’t ang ating liturhiya ngayon ay walang kinalaman sa kawalang pag-asa. Bagkus ito ay nagpapaala-ala sa atin lahat na ang Diyos na mapagmahal ay may maka-Amang pagkalinga sa ating lahat, sa buong daigdig – sa kabila ng lahat ng suliranin at pangamba ng balana.

May bisa ang panalangin … may katuturan … may kahulugan … at may saysay … lalu na’t dinadaan natin sa banal na kakulitan. Isang tao ang alam kong nangulit sa Panginoon hanggang sa huling sandali – ang mabuting magnanakaw na napako sa krus kasama ni Kristo. Ano ang sagot ni Kristo sa kanyang banal na kakulitan? “Sa araw na ito, ay magkakasama tayo sa Paraiso.”

Fr. Chito Dimaranan, SDB
Pambansang Dambana ni Santa Maria Mapag-Ampon
Julio 23, 2007

PAGDARASAL O PAGPAPAGAL: ALIN ANG TAMA?

In Gospel Reflections, Homilies, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Hulyo 15, 2007 at 12:46

Ika-16 na Linggo ng Karaniwang Panahon – Taon K
Julio 22, 2007

Mga Pagbasa: Gn 18:1-10a / Col 1:24-28 / Lk 10:38-42

Noong isang Linggo, pinagnilayan natin ang buod ng pagmamahal sa kapwa. Ang kapwa ayon sa ating nabasa ay siyang nangangailangan sa anumang sandali ng atensyon, ng kalinga, ng pag-ibig na natutunghayan sa gawa. Ang Samaritano, na hindi inaasahang titigil at tutulong ay siyang lumingon at nagkalinga sa taong nilapastangan ng mga masasamang-loob sa kanyang paglalakbay. Ang lahat ng iba ay ni hindi lumingon bagkus lumihis ng landas.

Sa Linggo namang ito, kabukasang-puso at kabukasang-palad ang hiblang nag-uugnay sa tatlong pagbasa. Si Abraham ay tumanggap ng tatlong bisitang banyaga. Hindi nag-atubili si Abraham na paghandaan ang kanyang bisita. Pinapasok sila at pinakain, ayon sa batas ng hospitalidad sa mga banyaga. Ang kanyang kabukasang-palad ay ginantimpalaan ng Diyos. Nagka-anak sila ni Sara sa kanilang katandaan. Sa ikalawang pagbasa naman, nakita natin kung paano tinanggap ni Pablo nang maluwag sa kalooban ang sari-saring dalamhati na kanyang dinanas, at itinuring niya ang mga ito na pakikibahagi sa pagdurusa ni Kristong Panginoon. Pagtanggap, hindi pagtanggi, ang kanyang saloobin maging sa mga pasakit sa buhay.

Ang ebanghelyo ay malinaw na may kinalaman din sa kabukasan ng loob sa pagtanggap ng bisita. Si Jesus ay naging bisita ni Marta at ni Maria. Si Marta ay naging punong-abala sa pag-aasikaso sa mahalagang panauhin sa pamamagitan ng pagluluto at paghahanda. Nguni’t si Maria ay nagsalampak sa paanan ni Jesus at nakinig sa kanyang pangaral, habang ang kanyang kapatid ay nagpapawis.

Madaling magkamali ang nagbabasa nito at ipakahulugang ang Panginoon ay namimili at may kinikilingan sa dalawang magkapatid. Umangal ng kaunti si Marta. Bakit daw baga hindi tumulong sa kanya ang kanyang kapatid na nakasalampak lamang sa sahig at nakikinig sa Panginoon. Umangal siya sa kadahilanang siya ay nagpapagal habang si Maria ay nagdarasal.

Alin ba ang tama?

Sa biglang-wari, para bagang namili si Jesus at pinaboran si Maria sa kanyang sagot kay Martang medyo nagdadabog. “Abalang-abala ka at balisa sa maraming bagay, nguni’t tanging isa lamang ang kailangan. Pinili ni Maria ang higit na mainam at hindi ito ipagkakait sa kanya.” Ito nga ba ay isang pahiwatig na mas mainam ang magdasal kaysa magpagal? Ito nga ba ay isang pangaral tungkol sa higit na kahalagahan ng panalangin kumpara sa pagtatrabaho?

Ito ay isang lumang usapin sa kasaysayan ng simbahan. Ang kasagutan dito ay siyang naging dahilan kung bakit may mga taong nagkamali sa pagsasabing ang buhay ng mga monje at mga monja sa monasteryo ay higit na dakila sa buhay ng mga taong nasa mundo.

Malaki ang kinalaman ng kinapapalooban o konteksto para maunawaan nang wasto ang mga pagbasa ngayon. Ang kinapapalooban at konteksto ay may kinalaman sa kabukasang-puso at kabukasang-palad. Ito ang pagpapahalagang siyang batayan ng ating pag-unawa sa mga pagbasa. Ang maluwag na pagtanggap sa Diyos ang siyang pagpapahalagang dapat nating maisaloob at maisabuhay. Ito ang kahulugan ng ating binasa noong isang Linggo – na dapat nating mahalin ang Diyos nang buong puso, nang buong kaisipan, at nang buo nating lakas. Sukdulan dapat ang ating pagpapahalaga at pagtanggap sa Kaniya.

Ito ang diwa na dapat nating gamitin upang unawain ang ebanghelyo. Walang intensiyon ang Panginoon na pamiliin tayo sa dalawang gawaing parehong mahalaga at kinakailangan sa ating buhay. Kailangan nating magpagal at kailangan rin nating magdasal. Hindi natin dapat pagsabungin ang dalawa at ituring na magkasalungat. Hindi dapat sabihing mas dakila ang mga nasa monasteryo at mas mababa ang mga nasa mundo. Ang kadakilaan ng tao ay wala sa kung ano ang kanyang ginagawa. Ang kadakilaan at dignidad ng tao ay angkin niya sa mula’t mula pa, anuman ang kanyang ginagawa – magdasal man o magpagal.

Subali’t may isang bagay na mahalaga para sa ating lahat. Lahat tayo ay tinatawagan sa kabukasan ng puso, at kabukasan ng palad. Lahat tayo ay inaasahang magbigay puwang sa ating puso para sa Diyos. Tulad ni Abraham, tulad ni Pablo, tulad ni Marta at ni Maria, tinatawagan tayo  upang tanggapin at papasukin sa ating buhay at bahay ang Panginoon.
Tinanggap ni Marta si Kristo sa kanyang bahay. Tinanggap rin ni Maria si Kristo sa kanyang bahay. Si Maria ay nagpasyang sumalampak sa sahig at makinig at makipagniig sa Panginoon. Si Marta ay nagpasyang magpagal para sa kanyang Panginoon.

Pinili ni Maria ang higit na mahalaga. Tumpak. Nguni’t ang pinili ni Marta ay wasto rin at tama. Ang higit na mahalaga ay ang Diyos. Kung bukas ang puso natin sa Diyos, alam nating parehong wasto at tama ang magpagal at magdasal. Hindi na problema kung alin man ang ating pagpasyahan – magdasal at magpagal – basta’t ito ay para sa Diyos na siyang dapat mahalin nang ating buong puso, ng ating buong katawan, at ng buong kaisipan.

Kung pinahahalagahan natin at tinatanggap ang Diyos nang higit sa lahat, pahahalagahan din natin ang dalawang daan patungo sa kanya: ang pagdarasal at pagpapagal na nakatuon sa kanyang kadakilaan.

Pambansang Dambana ni Maria Mapag-ampon sa mga Kristiyano
Paranaque City
Julio 15, 2007

LILINGON KA BA, O LILIHIS?

In Gospel Reflections, Homilies, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Hulyo 9, 2007 at 08:49

Ika-15 Linggo ng Karaniwang Panahon – Taon K
Julio 15, 2007

Marami ang tumatawag sa ating pansin araw-araw, saan man, kailan man. Mala higanteng paskil sa EDSA ang nagtambad sa ating paningin, na makatawag-pansin sa mga maglalakbay. Ang bawa’t isa ay nang-eenganyo, nagaganyak, at nanghihila ng ating atensyon.

Para sa mga sa simula pa ay interesado na sa isang bagay, sila ay napapalingon. Kung ang hanap nila ay maong jeans, lahat ng patalastas tunkgol doon ay mapapansin nila. Muli silang napapasulyap o napapatingin sa mga patalastas na may kinalaman sa kanilang gusto o kanilang hanap. Subali’t para sa mga hindi interesado at walang pansin sa mga nakapaskil, sila ay lumilihis, pumipikit, o nag-iisip na lamang nang pansarili habang naglalakbay. Hindi sila nag-aaksaya ng panahon upang muling tumingin o magbabad sa mga larawang mala higante. Ito ang dahilan kung bakit ang mga gumagawa ng mga patalastas na ito ay gumagamit ng mga tanyag na artista. Ang mukha nila ang siyang pinakamatinding pang-akit, kung baga ay panggayuma, upang mapalingon at mapatinging paulit-ulit ang mga tao.

Masasabi nating ang mga may interes, ang mga taong sa simula pa ay may hinahanap na, ang siyang nabibighani ng anumang nakapaskil. Mayroon nang panloob na kondisyon sa taong may hinahanap na nagbubunsod sa kanya upang makakita ng kanyang hinahanap.

Nais kong isipin na ang ating ebanghelyo sa Linggong ito ay may kaugnayan sa ating karanasan. Ano ba ang panloob na kondisyon na ito na siyang nagbubunsod sa isang tao upang lumingon at hindi lumihis?

Ang kwento ni Jesus sa ebanghelyo ay may malaking kinalaman sa kung ano ang makapagbubunsod sa isang tao upang lumingon, tumigil sandali, at tumulong sa isang taong nangangailangan.

Isang tao, aniya, ang nabiktima ng mga tulisan, iniwang halos patay na nakalugmok sa daan. Maraming tao ang nagdaan. Kasama rito ang isang pari sa templo at isang Levita. Ang dalawa ay ni hindi lumingon. Deretso ang tingin, nakatuon sa patutunguhan. Masasabi nating sila ay lumihis, umiwas, at nagmaang-maangan. Subali’t may isang hindi inaasahang tao ang lumingon, tumigil, at tumulong. Isa siyang Samaritano, na kinamumuhian ng karamihan sa mga Judio. Itinanghal siya ni Jesus bilang halimbawa ng isang taong maalam sumunod sa hinihingi ng batas ng pag-ibig sa Diyos at sa kapwa.

Sa ating buhay, maraming bagay ang nag-aakit sa ating pansin. Kung ating iisiping maigi, ang binibigyang-pansin natin ay dumidipende sa kung anong saloobin ang taglay natin sa puso’t kaisipan. Kung ang laman ng ating damdamin ay kung paano magkamal ng yaman, ang napapansin natin ay lahat ng may kinalaman sa negosyo at pagpapayaman. Kung ang niloloob natin ay may kinalaman sa pagpapaganda at pag-aayos ng ating katawan, ang makikita natin ay pawang mga kosmetiko, pampaganda, o pampaguapo. Ang mga paskil na ating titingnan nang paulit-ulit ay umaayon sa kung ano ang ating hinahanap. Ang isang interesado sa kotse ay matatawag ang kanyang pansin ng mga patalastas tungkol sa sasakyan. Lilingon siyang muli tuwing makakatunghay ng ganitong patalastas.

Sa Latin, ang salitang “respectare” na naging Ingles na “respect” ay may mahalagang kahulugang dapat nating maunawaan. Ang “respectare” ay nangangahulugang “tumingin muli.” Ang anumang iginagalang natin ay hindi natin tinitikis, o sa salitang makabago, ay “dinededma.” Nililingon nating muli ang anuman o sinumang ating pinahahalagahan.

Walang pagpapahalaga ang pari sa templo at ang Levita sa nabiktima ng tulisan. Masasabi nating wala silang malasakit. Wala silang pansin sa taong iyon, sapagka’t wala silang amor o pagmamahal sa nasabing tao. Hindi siya karapat-dapat tingnan muli. Hindi na siya dapat pang pag-aksayahan ng panahon.

Masasabi natin na ang panloob na saloobin nila ay hindi pag-ibig sa kapwa. Malamang na ang kanilang pinahalagahan higit sa lahat ay ang gumanap sa panglabas na tungkulin, ang tumupad lamang sa kung ano ang hinihingi ng titik ng batas. Hindi tao o kapwa ang laman ng kanilang puso at isipan.

Ang Kristiyano ay pinagkalooban ni Kristo ng higit na malalim na pagkaunawa sa batas ng pag-ibig. Hindi ito napapaloob sa panlabas na kilos lamang, bagkus, may kinalaman sa isang malalim na saloobin. Sa ating buhay, malimit mangyari na tinitikis natin ang ibang tao. Kapag galit tayo sa isang tao, hindi tayo lumilingon. Hindi rin tayo sumusulyap man lamang. Deretso ang lakad at tingin, at hindi natin tinatao ang kapwa.

Ito ang kamalian ng pari ng templo at ng Levita. Walang lingon-lingon, walang tingin-tingin. Pareho silang “dedma” at walang pansin sa taong nangangailangan. Hindi sila nag-asal “kapwa” sa taong nasa malaking pangangailangan.

Ang ebanghelyo ngayon ay isang panawagan upang lumingon at tumingin tayo sa kung sino o ano ang dapat pagtuunan ng ating saloobing kristiyano. At ang saloobing ito ay walang iba kundi ang batas ng pag-ibig sa kapwa. Ang walang pagtingin at walang pag-ibig ay laging deretso ang lakad at laging deretso ang tingin. Walang lingon-lingon. Walang tingin-tingin. Para sa marami sa atin, lilihis pa ng landas, maiwasan lamang ang mapilitang tumulong. Subali’t gaya ng sinasaad ng kahulugan ng salitang “respectare,” ang Kristianong marunong magpahalaga sa kapwa ay marunong ring sumulyap, lumingo, at tumigil sandali.

Ang ating lipunan ay katumbas ng taong iniwanang naghihingalo sa tabi ng daan. Ang lipunang ito ay halos malagutan na ng hininga dahil sa katiwalian, sa kadayaan, sa sobrang politika, at kawalang pansin sa kapakanang pangkalahatan. Parang matira ang matibay sa ating lipunang ang pinahahalagahan ay ang mauna sa kapwa at makalamang sa lahat. Pagkakanya-kanya ang batas na nasusunod sa puso at isipan ng marami.

Ang misang ito ay pagkakataon upang tumigil sandali, lumingon, at sumulyap nang muli sa ating pamumuhay Kristiyano. Bahagi ba tayo ng mga nagwawalang-bahala at nagwawalang pansin at malasakit sa kapakanang pangkalahatan? Kasama ba tayo sa mga taong ni walang kurap sa harapan ng katiwalian, kadayaan, at ganid na pagkamakasarili sa lahat ng antas ng ating lipunan?

Ang bayan natin ay walang iniwan sa taong pinagsamantalahan ng mga tampalasan at iniwang halos patay sa lansangan. Tinatawag niya ang ating pansin …

Lilingon ka ba o lilihis?

Pambansang Dambana ni Santa Maria Mapag-Ampon sa mga Kristiyano
Paranaque City, Philippines, Julio 9, 2007

YABANG O YABONG?

In Gospel Reflections, Homilies, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Hulyo 1, 2007 at 14:51

Ika-14 na Linggo ng Karaniwang Panahon – Taon K
Julio 8, 2007

Mga Pagbasa: Is 66:10-14c / Gal 6:14-18 / Lk 10:1-12, 17-20

May mga bagay na hindi dapat itago. May mga pangyayaring hindi dapat ipagkaila. May mga pagkakataong dapat ipagmakaingay ang anumang ating pinagpapahalagahan na ating natamo o nakamtan. Ang isang ina ng batang nagtapos sa pag-aaral nang may malaking karangalan ay lubos ang kanyang kagalakan. Ang kagalakang ito ay hindi dapat ikubli. Dapat lamang na kanya itong ipagyabang.

Pagyayabang ang bukam-bibig ni San Pablo ngayong Linggong ito. Pero may kaibahan ang pagyayabang ni San Pablo. Ipinagmamakaingay niya, hindi ang kanyang nakamit, kundi ang nakamit sa kanya ng Panginoon. Ang krus ng Panginoon ang paksa, puno, at dulo ng kanyang pagyayabang. “Huwag nawa ako magyabang liban sa krus ng Panginoong Jesucristo.”

Sa unang pagbasa na halaw sa aklat ni Isaias, yabong, hindi yabang ang paksa. Sa pamamagitan ng paglalarawan ng Diyos na tulad ng isang ina na nagkakalinga sa kanyang mga anak, binibigyang hula ni Isaias ang darating na kasaganaan na magmumula sa Jerusalem. Ang pagyabong o paglago ng mga anak ng Diyos ay siyang binibigyang-larawan ni Isaias. Ang pagyabong na ito ang siyang magiging dahilan ng wastong pagyayabang na siyang kahulugan n gating tugon sa unang pagbasa: “Umawit nang buong kagalakan ang buong daigdig.”

Ang Ebanghelyo ni Lukas naman ay umiikot rin sa dalawang katagang ito. Pitumpu at dalawang disipulo ang nakuhang makapag-yabang sa kadahilanang nakagawa rin sila ng mga kababalaghan: “Panginoon, maging ang mga masasamang espiritu ay sumunod sa amin dahil sa iyong pangalan.” Subali’t ang pagyayabang na ito ay nakatuon sa pagyabong at paglago ng samahan ng mga sumasampalataya. Tinawag sila at isinugo ni Kristo nang dala-dalawa upang mauna sa mga bayang kanyang bibisitahin.

Ano ba ang ipinagtagubilin ni Jesus sa pitumpu at dalawang disipulo? Simple lamang. Hindi dapat yabang o porma ang mauna. “Huwag magdala ng lukbutan, sako, ni sandalyas, at huwag bumati sa kaninuman sa daan.” “Saan mang tahanan kayo pumasok, kainin ang anumang ihain sa inyo.” Isang mahalagang pagbati lamang ang kanyang ipinagtagubilin – ang pagbati ng kapayapaan.

Ang mga pagbasang ito ay may kinalaman lahat sa ating pagiging tagasunod ni Kristo. Noong isang Linggo, sinabi natin na balakid sa pagsunod at ganap na paglaya ang lahat ng uri ng “nguni’t, subali’t, datapwa’t” sa ating buhay. Ang pag-aatubili, ang mga pasubali, at lahat ng uri ng “teka muna” ay hindi mauuwi sa pagyabong ng samahan ng mga sumasampalataya.

Maraming iba-t ibang uri ng yabang ang dagdag na balakid sa paglago ng bayan ng Diyos. Nariyan ang yabang ng salapi. Nariyan din ang yabang ng katalinuhan at kakayahan. Nariyan ang yabang ng maling pagpapahalaga sa sarili.

Ang lahat ng ito ay hindi dapat mamayani sa isang tagasunod ni Kristo. Noong ang ilang mga disipulo ay nagyabang dahil sinunod sila ng masasamang espiritu, pinaalalahanan sila ng Panginoon: “Huwag kayong magalak sapagka’t pumasailalim sa inyo ang mga espiritu. Magalak kayo sapagka’t ang inyong pangalan ay nakatala sa langit.”

Napakadali para sa mga taong naglilingkod sa Panginoon at sa kapwa ang makalimot sa diwa ng tunay na paglilingkod. Hindi kaila sa lahat na ang namumuno sa bayan, ang mga namumuno sa simbahan, o saan man, ay sinasagian din ng yabang, ng pag-iimbot, at ng pag-iisip na sila ay napakahalaga. Hindi malayo sa buhay ng mga naglilingkod ang hayaang mauna ang pagyayabang, at hindi ang pagyabong ng kanilang pinaglilingkuran. Hindi ba’t ito ang dahilan kung bakit ang Pilipinas ang pinaka-tiwaling bansa at bayan sa buong Asia?

Maraming bentaha ang hatid ng paglilingkod sa kapwa. May mga dulot na gantimpalang makamundo para sa mga nagpapagal para sa kapakanan ng iba. Hindi natin sinasabing ang mga ito ay masama at dapat ituring na kasalanan. Nguni’t sa araw na ito, ito ang turo sa atin ng ating sinusundan at itinuturing na Panginoon. Yabong, hindi yabang ang tanging pakay at layunin ng isang tunay na tagasunod ni Kristo.

Pambansang Dambana ni Maria Mapag-Ampon sa mg Kristiyano
Paranaque City – Julio 1, 2007