frchito

Imbakan para sa Setyembre, 2007

YABANG, HINDI YAMAN ANG PROBLEMA!

In Catholic Homily, Gospel Reflections, Homilies, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Setyembre 25, 2007 at 22:13

Ika-26 na Linggo ng Taon (K)
Setyembre 30, 2007

Mga Pagbasa: Amos 6:1a, 4-7 / 1 Timoteo 6:11-16 / Lucas 16:19-31

Pangalawang Linggo nang tayo ay binabagabag ng tila isang maling pagpapahalaga sa turo ng Panginoon. Noong nakaraang Linggo, tila pinuri pa ng amo ang kadayaan ng kanyang tagapamahala. Nguni’t nabatid natin na ang pinuri ng amo ay hindi ang kadayaan ng tagapamahala kundi ang kanyang katalinuhang gamitin ang makamundong karunungan para lutasin ang isang matinding suliraning personal. Ang itinanghal ng ebanghelyo ay hindi kadayaan, kundi ang halimbawang dapat gamitin rin ang karunungan para sa pagpapalaganap ng paghahari ng Diyos.

Isa na namang kabalintunaan ang hatid ng mga pagbasa ngayon. Sa unang pagbasa, binatikos ni Amos ang kahalayan ng pamumuhay marangya ng mga mayayaman at makapangyarihang walang pakundangan sa kinatatayuan ng higit na nakararami sa lipunan.

Ang usaping ito ay tila sinegundahan naman ng ebanghelyo ayon kay Lucas. Malinaw dito na ang mabuting balita ng kaligtasan ay may natatanging atensyon sa mga walang kaya, sa mga walang sinasabi, sa mga mahihirap, tulad ni Lazaro. Sa biglang wari, tila sinasabi ng ebanghelyo na ang kagustuhan ng Diyos ay baligtarin ang bagay-bagay at pagdusahin ang mga mayayaman sa kabilang buhay.

Subali’t hindi ito ang pinapaksa ng mga pagbasa. Ang Diyos ay hindi inilalarawang isang mapaghiganting Diyos na pumapanig sa mga naapi sa buhay na ito laban sa mga nang-api at nagmalabis. Sa katunayan, walang sinasabing nagmalabis kay Lazaro ang mayamang tinutukoy sa ebanghelyo. Walang sinasabing minaltrato ng mayaman ang pobreng si Lazaro.

Dapat mag-ingat na ang dalawang pagbasang ito ay hindi kakitaan ng isang dahilan upang papag-awayin ang mahirap at ang mayaman. Hindi yaman ang tinutuligsa sa mga pagbasang ito. At lalung hindi kahirapan ang iniaangat at pinapupurihan dito.

Sa madaling salita, kung hindi yaman ang pinupuntirya ni Jesus, ano ang gusto niyang sabihin? Ano ang gustong paratingin ng talinghaga ng Panginoon tungkol sa mayamang lalaki at ang kanyang angkan at kay Lazaro?

Maari tayong humalaw sa nagaganap sa ating lipunan sa mga araw na ito upang maunawaan ang mga pagbasa. Sa nakaraang Linggo, nabunyag ang isang katotohanang mahirap isipin, mahirap tanggapin, at mahirap patawarin. Nabunyag muli na ang lipunang Pilipino lalu na ang pamahalaan ay pinamumugaran ng mga taong nahirati sa yaman at nabulagan na ng kapangyarihan. Sa loob ng maraming taon na ang mga kinauukulan ay naghahawak ng kapangyarihan at kayamanan, malamang na ang mga inaakusahan ng korupsyon ay mga taong nasanay na sa kultura ng yaman, isang kulturang nagiging manhid sa kalagayan ng mga abang nasa labas ng kanilang mga bakuran, tulad ni Lazaro.

Ang mga tila nalulon na naman sa isang kahiya-hiyang iskandalo ng pagnanakaw ay mga taong nahirati na sa kayamanan at kapangyarihan. Marahil ay inakala nilang walang mabubunyag, at ang lahat ay mapagtatakpan at maikukubli sa mga mata ng balana.

Ito ang pinupuntirya ng mga pagbasa … Si Amos ay hindi galit sa mga mayayaman sa kanyang panahon dahilan lamang na sila ay mayaman. Ang tinutuligsa niya ay ang karangyaang walang pansin, ang pagkagumon sa luho na walang pakundangan sa kalalagayan ng mga salat at walang-wala. Ang kanyang tinutuligsa ay ang walang katuturang pagkalulon sa lahat ng uri ng luho na hindi angkop sa katayuan ng karamihan.

At ang pinupuntirya ng ebanghelyo ayon kay Lucas ay hindi ang mababaw na pagbabaligtad ng katayuan ng mayaman at ng abang si Lazaro. Ang tinutuligsa ng ebanghelyo natin ngayon ay hindi yaman, kundi ang yabang!

Hindi kaila sa atin na ang yaman ay nakabubulag. Hindi malayo na ang taong nahirati at nabihasang makihalubilo sa mga mayayaman lamang at makapangyarihang tao ay mag-iisip na rin tulad ng kanilang kasa-kasama tuwina. Ang yaman at kapangyarihan ay may kaakibat na panganib. Malaking posibilidad na ang yaman ay maghatid ng kawalang-pansin at kayabangan sa taong nagkakamal nito – tulad ng kawalang pansin at kayabangan ng mayamang ni hindi pinansin at tinao si Lazarong araw-araw ay nakabulagta sa labas ng trangkahan ng kanyang marangyang bahay.

Yabang, hindi yaman ang tinutuligsa ng Panginoon. Subali’t malinaw sa ating mga pagbasa na ang yabang na ito, ang saloobing ito ng mga taong walang malasakit sa mga aba, ay isang panganib na mabilis kabuliran ng mga mayayaman. Ganoon na lamang at sukat ang saloobing makasarili ng taong binabanggit sa ebanghelyo. Patay na at lahat ay hindi pa niya maiwan ang saloobing ang mga salat at mahihirap ay walang kwenta at dapat manatiling utusan lamang. Pati sa kamatayan, ay nanatili ang mababang pagtingin niya kay Lazaro na gusto pa niyang utusang pumunta sa kanyang mga kapatid.

Malungkot ang nagaganap na muli sa Pilipinas. Para bagang ang mga matataas at makapangyarihang napakatagal nang “naglingkod sa bayan” kuno, ay wala nang kabubusugan kung baga. At sapagka’t kay tagal na nila sa posisyon, hindi na nila alintana ang patuloy na paghihirap ng napakaraming mga Pilipino. Patuloy ang kanilang paghahanap ng yaman. At patuloy din naman ang madaling bunga ng yaman – ang kapalaluan o kayabangan.

Ito ang aking mungkahi sa araw na ito. Ang mahirap ay huwag sanang magalit sa mayayaman. At ang mayayaman ay huwag sanang mabulagan dahil sa kanilang yaman. Mahirap man o mayaman, magalit tayo sa saloobing pagwawalang-bahala at pagbabale-wala sa mga aba, sa mga salat, at sa mga walang kaya sa buhay.

Magalit tayo sa yabang, at hindi sa yaman. At sa mga nag-aasam, alalahanin natin ang kaakibat ng yaman at karangyaan, ang kagya’t at kalimitang bunga ng kayamanan na walang iba kundi ang kayabangan.

Mainam para sa atin na alalahanin ang tagubilin ni Pablo kay Timoteo sa ikalawang pagbasa: “pagsikapan ang kabanalan, debosyon, pananampalataya, pag-ibig, pagtitiis, at kahinahunan. Makipagtagis nang mahusay para sa pananampalataya.”

Pambansang Dambana ni Maria Mapag-Ampon sa mga Kristiyano
Paranaque City, Metro Manila, Philippines
September 25, 2007 – 10:00 PM

LAWAK NG PANG-UNAWA; KARUNUNGANG MAPAGPALAYA

In Gospel Reflections, Homilies, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Setyembre 17, 2007 at 21:07

Ika-25 Linggo ng Taon K (Setyembre 23, 2007)

Mga Pagbasa: Amos 8:4-7 / 1 Timoteo 2:1-8 / Lucas 16:1-13

Noong isang Linggo, natunghayan natin kung gaano kalawak ang habag at awa ng Diyos. Nguni’t napagtanto din natin na ang awang ito ng Diyos ay dapat tumbasan ng linaw ng pag-iisip ng tao, na handang tumanggap ng kanyang kamalian. Ang linaw ng isipang ito ang siyang halimbawa ni Pablo na tumanggap at nagkumpisal na siya ay isang makasalanan kung kaya’t malaki ang kanyang pasasalamat sa Diyos na nagpatawad sa kanya.

Sa ebanghelyo naman noong isang Linggo ay nakita natin na ang kakulangan ng lawak ng pang-unawa ng nakatatandang kapatid ay nagbunsod sa kanya upang salubungin ng galit at tampo ang kapatawarang ipinagkaloob ng kanyang ama sa nakababatang kapatid.

Nagsara ng isipan ang kuya. Nagpinid siya ng kaniyang puso sa kapatid. At ang cerradong puso at isip ay nagpuyos sa galit at panibugho sa kanyang ama. Kung gaano kaluwang ang pagtanggap ng ama sa kanyang alibughang anak, gayon di naman kakipot ang puso’t damdamin ng kuya sa kapatid na nalihis ang landas nguni’t nagbalik-tanaw, nagbalik-loob, at pinagkalooban ng balik-dangal.

Lawak ng isipan at lalim ng pang-unawa ang paksa natin sa araw na ito. Ang taong makitid ang isipan ay sakim, madamot, at mapagbilang. Ito ay nagbubunga ng kadayaan, tulad ng binabanggit ni Amos sa unang pagbasa. Subali’t malinaw ayon kay Amos na ang Diyos ay nasa panig ng mga pinagsasamantalahan, ng mga inaapi, at mga walang kaya.

Lawak din ng pang-unawa ang sinasaad sa sulat ni Pablo kay Timoteo. Ipinagtatagubilin niya na ipagdasal ang mga namumuno at may kapangyarihan, upang “mabuhay nang tahimik at mapayapa nang may debosyon at dangal.”

Ang panahon natin, lalu na ang ating lipunan sa Pilipinas ay nababalot ng lahat ng uri ng kadayaaan at katiwalian. Mapa sa mga nasa kapangyarihan, mapa nasa ibaba at pinamumunuan, mapa mayaman at mapa mahirap, ang bayang Pilipino ay tila balot na balot na ng lahat ng uri ng pang-aabuso at pagsasamantala sa kapwa. Kung ang bilang ng mga trangkadong mga kalye ang pagbabatayan, mistulang wala nang tiwala ang mga Pinoy sa isa’t isa. Puro naka-kandado ang mga lansangan … puro guardiado … at puro na lang checkpoint ang makikita natin saanman tayo magpunta.

Sa halip na lawak at luwang ng isipan at saloobin, ay nababalot tayo ng iba-ibang uri ng kakitiran ng saloobin at isipan.

Isa sa mga saloobing lubhang kinakailangan ng ating lipunan ay ang lawak ng isipan at saloobing naipapakita sa wastong paghusga at tamang karunungan. Ang salitang ginamit ni Lucas ay phronesis, na sa Ingles ay katumbas na tinatawag na “practical judgment” o kakayahang magpasya nang wasto at angkop sa hinihingi ng pagkakataon. Kalakip ng wastong pagpapasyang ito ang kakayahang magbalangkas ng isang tuntunin, o isang balak na magbubunga ng inaasahang kahihinatnan. Kasama sa lalim ng pang-unawang ito ang kakayahang gamitin ang lahat ng maaaring gamitin matupad lamang ang binalangkas na balak o adhikain.

Karunungang praktikal ang pinag-uusapan natin dito … karunungang hindi bunga ng mga aklat bagkus bunga ng kakayahang basahin ang kahulugan na napapaloob sa kabuuan, hindi lamang sa maliliit na aspeto ng isang usapin.

Ito ang kalawakan ng isipang kailangan upang maunawaan nang lubos ang talinghaga ni Kristo sa araw na ito. Sa biglang-wari ay parang leksiyon ito sa kadayaan, ang mismong kadayaang kinokondena ng unang pagbasa mula kay Amos. Subali’t hindi ito ang puntong tinutumbok ng talinghaga. Ang leksiyon ng Panginoon ay walang kinalaman sa pandaraya at pagsasamantala sa kapuwa. Ang ikinikintal niya ay ang karunungang magbubunsod sa atin upang gawin ang lahat ng magagawa kung ang pakay ay ang kaharian ng Diyos.

Sa madaling salita, ay hindi pinuri ni Kristo ang kanyang kadayaan. Ang pinuri niya ay ang kaniyang karunungang praktikal na naghatid sa kanya upang magbalak, kumilos, at gumawa upang makamit ang isang napakahalagang pakay na may kinalaman sa kaligtasan ng sarili at ng ibang tao. Ayon sa Panginoon, “higit na maalam ang mga anak ng kadiliman makipagtrato sa katulad nila, kaysa sa mga anak ng kaliwanagan.”

Malalim at masalimuot ang suliraning bumabagabag sa ating lipunan. Sala-salabat na ang kultura ng korupsyon o katiwalian. Malalim na ang ugat ng kasalanan sa lahat ng antas ng ating buhay personal at buhay pampubliko. Ang mga kampon ng kadiliman ay lubhang matatalino at bihasa na paikot-ikutin ang ulo at isipan ng marami. Hindi na natin matukoy kung sino ang nagsasabi ng totoo at kasinungalingan, kung ang pagbabatayan lamang ay ang radyo, TV, pahayagan, at internet.

Malinaw na hindi sapat ang maging mabait lamang. Ang mga nasa kabilang panig ay lubhang marurunong at madudulas sa salita at pag-iisip.

Ang mga taga-sunod ng Panginoon ay hindi dapat mahuli at mapag-iwanan. Ito ang paghamon ni Kristo sa atin … ang magsikap magkaroon ng lawak ng pang-unawa at karunungang praktikal upang harapin ang sali-salimuot at sala-salabat na mga suliranin sa ating lipunan at bayan. Ito ang lawak ng pang-unawa na nagbubunga ng karunungang mapagpalaya, kaalamang ginagamit para sa ikapagkakamit ng kaliwanagang walang hanggan.

BALIK-TANAW, BALIK-LOOB, BALIK-DANGAL

In Gospel Reflections, Homilies, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Setyembre 11, 2007 at 20:26

Ika-24 na Linggo ng Taon (K)
Setyembre 16, 2007

Mga Pagbasa: Exodo 32:7-11, 13-14 / 1 Timoteo 1:12-17 / Lucas 15:1-32

Tanging mga hangal lamang ang hindi nagbabago ng isip. Ang kakayahang magbalik-tanaw at magmuni-muni sa mga nagawa ay isa sa mga tanda ng binabanggit nating karunungan na paksa ng liturhiya (unang pagbasa) noong isang Linggo. Itong kakayahang balik-isipin ang nagawa at pagsisihan ang kamalian ay siyang ipinagugunita sa atin maging ng tugon sa unang pagbasa: “Titindig ako at magbabalik sa aking Ama.”

Paglulubag-loob ang pinapaksa ng unang pagbasa ngayon. Sa makataong pamamaraan ng pananalita, ipinahihiwatig ng aklat ng Exodo kung paano matapos manikluhod si Moises sa ngalan ng kanyang kababayang nalisya ng landas at sumamba sa diyus-diyusan, naghupa kung baga ang galit ng Diyos at nagbitaw ng salitang hindi na niya parurusahan ang kanyang bayang nagkasala.

Tanging hangal ang hindi nagbabago ng isip. Bagaman at hindi dapat unawaing ganito nga ang literal na pangyayari, ang malinaw na aral na lumulutang sa kwento ay ang dakilang habag ng Panginoon sa taong nagsisisi at naninikluhod.

Ang ikalawang pagbasa ay tumutuon din sa paksang pagpapanibago. Ganoon na lamang at sukat ang pasalamat ni Pablo. Sa kabila nang siya ang pinakamasahol sa mga makasalanan, ayon sa kaniya mismo, pinagkatiwalaan pa rin siya ng Panginoong Jesucristo, na siyang nagbigay-lakas sa kanya. Malinaw rin ang katangian ng Diyos na lumulutang sa kanyang kwento … Malambot ang puso ng Diyos sa isang makasalanang nagsisikap magbago.

Tanging hangal lamang ang hindi naglulubag-loob at nagbabago.

Nguni’t sino ba ang hindi hangal? Sino ba ang lubos na maalam, marunong, at dalisay ang pagpapasya? Ano ba ang mga katangiang kaakibat ng makalangit na karunungan na ayon sa Aklat ng Karunungan na binasa natin noong nakaraang Linggo, ay galing mula sa itaas?

Tatlong talinghaga ang gamit ni Kristo upang magbigay-liwanag tungkol dito. Ang lahat ng kwentong ito ay may kinalaman sa pagkawala at pagkaligaw ng landas. At ang karunungang namayani ay may kinalaman naman sa pagpupunyagi, pagsisikap, at masugid na paghahanap o paghihintay. Ang hindi hangal ay ang handang lisanin ang katiyakan, ang kalimutan muna ang lahat, makita lamang at muling masumpungan ang mahalagang bagay na nawawala. Ang hangal ay ang walang pansin sa nawalang pilak. Ang marunong at maalam ay siyang hindi tumigil hangga’t hindi nakikita ang bagay na nawala. Ang hangal ay siyang walang malasakit sa isang naligaw na tupa. Ang maalam at marunong ay ang handang lisanin muna ang 99 upang hanapin ang isang tupang naligaw ng landas.

Maraming mga pagkakataon sa buhay natin na hindi natin pinahahalagahan ang para baga’y maliliit na bagay. Hindi natin alintana ang patuloy na pagpatak ng tubig sa gripo. Hindi natin pansin ang mga paisa-isang butil ng bigas o kanin na ating itinatapon mula sa hapag kainan. Hindi rin natin binibigyang-halaga ang bawa’t sandali o minuto na nagdadaan at naaaksaya sa ating buhay. Maging ang mga maliliit na balutang plastik o karton ay hindi natin iniisip na makababara ng mga ilog at daluyan ng tubig-baha.

Nguni’t isang tanda ng kaalaman at karunungan ay ang magpahalaga sa mga maliliit at parang walang lubos na halagang mga bagay. Ang hangal ay walang pagpapahalaga sa animo’y walang silbi at maliliit na bagay. Ang marunong ay ang masinop, masikap, at mapaghanap sa anuman at sino mang naligaw, nalisya, o nawala sa tamang landas.

Ito ang dalawang mukha ng karunungang maka-Diyos. Sa isang banda, ang taong marunong, tulad ng Diyos, ay marunong magbalik-tanaw sa nakalipas at marunong magsisi at magbalik-loob. Ito ang ginawa ni Moises sa ngalan ng kanyang bayan. Ito ang ginawa ni Pablo, na bagama’t isang malaking makasalanan, ay nagpadala sa indayog ng biyaya mula sa itaas, at nagbalik-loob sa Diyos.

Sa ikalawang banda, ang karunungang maka-Diyos ay namamalas sa pagiging masinop, mapagpahalaga sa kahit iisa sa marami na naglaho o naligaw. Ito ang karunungan ng ama ng alibughang Anak, na sa kabila ng katotohanang nalustay ng kanyang bunsong anak ang kalahati ng kanyang yaman, ay binigyang-halaga ang katauhan ng kanyang anak, at lalu pang ginastusan sa kanyang tuwa at pasasalamat. Ang hindi hangal, tulad ng amang ito ay handang magbigay-dangal muli sa anak na nagbabalik-loob.

Ito ang karunungan ng Diyos na handang maglubag-loob lalu na sa isang makasalanang naligaw nguni’t nagbalik-loob sa kanya. Sa kaniyang pagpapahalaga sa isang anak na naligaw, handa niyang iwanan ang katumbas ng 99 sapagka’t sa kanyang pakiwari, ang katauhan ng kanyang anak na naligaw ang kumakatawan sa yamang walang kapantay. Tanging ang taong marunong ang handang magsikap upang makamit muli ng sinumang nagsisisi ang kanyang dangal.

Subali’t ang nakatatandang kapatid ay nagpakita ng kahangalan. Sa halip na magsaya sa pagkakitang muli sa kanyang kapatid, siya ay nagkwenta, nanibugho, nagtampo, at nagpuyos ang damdamin. Sa indayog ng malaking habag at pag-ibig ng isang amang matagal na tumangis, ay hindi niya nakayang magpadala. Sa halip na sumayaw sa musika ng pag-ibig ng kanyang ama, ang nakatatandang kapatid ay nagtiim-bagang, nagmatigas ng kalooban, at kumapit nang mahigpit sa katumbas ng 99 na kagya’t iniwan ng kanyang ama sa paghahanap at paghihintay sa nawalang anak. Ang isang hangal ay walang pakundangan sa naglahong dangal ng kanyang kapatid.

Mahigpit ang kapit ng taong hangal sa inaakala niyang kanyang tanging bukal ng kaligayahan. Ipit ang puso ng isang hangal na hindi marunong makisayaw sa panawagan ng pagbabalik-loob at pagbabago. At makitid ang pang-unawa ng isang hangal na hindi kailanman handang maglubag-loob at magbago ng isipan.

Subali’t tulad ni Moises, tulad ni Pablo, tulad ng alibughang anak at ang kanyang ama, ang karunungang maka-Diyos ay nababasa sa kahandaang magbalik-tanaw, magmuni-muni, magbalik-loob, at magpasyang magbalik sa Diyos ng awa at habag.

Tanging hangal lamang ang hindi nagbabago ng isip. Ang marunong ay siyang handang magbalik-tanaw, magbalik-loob, at – dahil dito – ay siyang nakararanas ng pagbabalik-dangal  mula sa itaas, na siyang dahilan kung bakit lubos ang pasasalamat ni Pablo.

BIGAY-HILIG BA ANG PAG-IBIG?

In Gospel Reflections, Homilies, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Setyembre 6, 2007 at 09:15

Ika-23 Linggo ng Taon (K)
Setyembre 9, 2007

Mga Pagbasa: Karunungan 9:13-18b / Filemon 9-10, 12-17 / Lucas 14:25-33

MARUBDOB NA PAG-IBIG; MAHIGPIT NA PAGTATATAGUBILIN

Maalab at damang-dama ang pag-ibig at pagmamalasakit ni San Pablo para kay Onesimo na isang alipin. Ang kaniyang pagmamahal ay ipinakita niya sa maigting na pagmamalasakit sa kapakanan ng isang aliping tumakas mula sa bahay ni Filemon. Hindi maipagkakaila na, bilang isang Ama, ay nanikluhod si Pablo kay Filemon upang si Onesimo ay muli niyang tanggapin, hindi bilang isang alipin, kundi bilang isang kapatid.

Maigting ang pagmamahal ni Pablo. Subali’t kung gaano kaigting ang pagmamahal na ito, ganoon din kahigpit ang kanyang pagtatagubilin!

Palasak sa ating panahon ang pag-iisip na ang pagmamahal ay pagbibigay-hilig lamang. Ang akala ng marami ay walang dapat anumang pananagutan ang pag-ibig. Ang pag-aakala ng marami, ayon sa takbo ng mga telenobela at teleserye sa ating lipunan, ay walang pananagutan ang tibok ng dibdib, bugso ng damdamin, o lukso ng dugo.

Subali’t kung titingnan natin ang mga pagbasa ngayon, malinaw na sinasaad na ang pagmamahal, unang-una ay dapat sumunod sa batas ng karunungang mula sa Diyos. Ang karunungan, ayon sa unang pagbasa, ang siyang nagtutuwid ng landas ng tao. Ang pag-ibig sa kapwa, maging pag-ibig na naghahari sa isang pamilya ay may malaking pananagutan, may mahigpit na alituntunin, na bahagi mismo ng batas ng pag-ibig.

Mayroong mahahalagang turo sa ating mga Pinoy ang mga pagbasa natin ngayon. Sa panahong ito kung kailan lalung dumarami ang mga tinatawag sa Ingles na “global families” – mga pamilyang ang mga kasapi ay hiwa-hiwalay dahil sa matinding pangangailangang kumita, at dahil dito ay matatagpuan sa iba-ibang bahagi ng daigdig, napakaraming mga bagong paghamon ang dumarating sa mga pamilyang Pinoy.

Nandiyan ang paghamon ng wastong pagpapakita ng pagmamahal sa isa’t isa. Palibhasa’y malayo, ang mga magulang na nasa ibang bansa ay napipilitan kung minsan na ipakita na lamang ang pagmamahal sa mga anak sa pamamagitan ng pagbili at pagbibigay sa mga bata ng kung anong masintahan nila. Ito ang tinatawag na “commoditization of love.”  Ang pag-ibig sa mga anak ay tinutumbasan na lamang ng material na bagay. Sa kagustuhan nilang ipadama ang pag-ibig ay sinusunod nila ang pilosopiya ng “bigay-hilig.” Ibigay na lamang ang masintahan, at huwag nang sansalain ang kanilang kalooban.

Nandiyan din ang paghamon ng wastong pakikitungo at pag-aasal. Sa kadahilanang malayo naman ang magulang, maraming mga bata ang hindi na sumusunod sa utos ng mga nakatatanda – na kalimitan ay ang kanilang mga lolo o lola, na wala nang kakayahan upang gabayan nang tuwina ang mga nagsisipaglakihang mga bata.
Subali’t ayon sa mga pagbasa natin, hindi dahilan ang kalayuan upang hindi gampanan ang utos ng wasto at tamang pagmamahal. Hindi dahilan ang kalayuan, upang bale walain ang kalooban ng Diyos para sa ating buhay. Ang halimbawa ni Pablo ay malinaw. Bagaman at siya ay nasa kulungan, at malayo kay Filemon at kay Onesimo, nakuha niyang ipagtagubiling mahigpit kay Filemon ang tamang saloobin at damdamin para sa isang aliping naglayas, tulad ni Onesimo.

Mahalaga ang pamilya para sa ating mga Pinoy. Bagama’t tayong mga Pinoy ay nagkalat sa halos 100 mga bansa sa buong mundo, bagama’t ang maraming pamilya ay pinaglayo-layo at pinaghiwa-hiwalay ng matinding pangangailangan, patuloy nating pinahahalagahan ang ating kaisahan at kabuuan. Patuloy nating pinagyayaman ang pagmamahalan sa isa’t isa.

Nguni’t dapat natin matutunan kung ano nga ba ang tunay na kahulugan ng wagas at marubdob na pag-ibig sa isa’t isa. Hindi ito pag-ibig na bigay-hilig. Hindi pagmamahal na walang pananagutan. Bagkus, sa kadahilanang tayo ay may pag-ibig sa isa’t isa, ay binibigyang-pansin natin ang mga kaukulang pananagutan na hinihingi ng parehong pag-ibig na ito. Ito ang kahulugan ng sinasabi ng Panginoon na sa biglang-wari ay tila baga masakit sa tainga: “Ang sinomang sumunod sa akin na hindi nagtatakwil sa kanyang ama at ina, asawa, kapatid, and pati ang sarili niyang buhay, ay hindi karapat-dapat maging aking disipulo.”

May pananagutan ang pag-ibig. May batas ang pag-ibig. At kung gaano kaigting ang pag-ibig na ito, ay ganuon din kahigpit ang pananagutang kaakibat nito.

Magandang balita ang malamang kay raming pamilyang Pinoy ang nakapagpapa-aral, at nakapagbibigay sa kanilang mga anak ng magandang kinabukasan dahil sa pag-aabroad ng maraming magulang. Magandang balita ang marinig na kay raming mga Pinoy ang nagtatagumpay sa ibang bansa. Subali’t ang magandang balitang ito ay dapat pang maging mabuting balita, ayon sa kagustuhan ng Diyos sa diwa ng ebanghelyo.

Ang diwang ito ng ebanghelyo ang binibigyang-paliwanag ng liturhiya sa araw na ito. Tama ang magmahal sa isa’t isa. Ang pamilyang Pinoy ay tinatawagan upang manatiling nagkakaisa, nagkakabuklod, at nagmamahalan. Subali’t ang pagmamahal na ito ay dapat malukuban ng isang pagmamahal na higit sa anumang makataong pagmamahal. Ang pagkakaisang ito ay dapat maging larawan ng higit na mahalagang pagkakabuklod at pagniniig – ang dakilang pagmamahal ng Diyos sa atin, ang dakilang pagniniig ng Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo sa hiwaga ng Banal na Santatlo.

Ang pag-ibig na ito ay hindi bigay-hilig. May pananagutan. May mahigpit na pagtatagubilin. Siguradong mahirap para kay Filemon ang patawarin at tanggaping muli ang naglayas at nagtampong si Onesimo. Mahirap rin para sa atin ang pagsabihan at pangaralan ang ating mahal sa buhay. Mas madali ang bigyan na lamang sila ng material na bagay, ng regalo, ng pasalubong, at ng anumang magustuhan. Subali’t ang tunay na pagmamahal ay may kaakibat na kutungkulan. Hindi totoo ang sinabi ni Ali McGraw sa lumang sineng ang pamagat ay “Love Story” … “Love means never having to say I’m sorry.” Palpak ito. Maganda pakinggan, nguni’t walang kahulugan. Ang tunay na pag-ibig ay hindi madaling gampanan, hindi madaling tuparin. “Ang hindi magpasan ng kanyang krus at sumunod sa akin, ay hindi maaaring maging aking disipulo.”

May pananagutan ang pag-ibig. Kung gaano karubdob ito, ganuon din kahigpit ang kanyang pagtatagubilin.