frchito

Imbakan para sa Disyembre, 2007

KUNG MANGARAP KA’T MAGISING, ANO ANG GAGAWIN MO?

In Adviento, Catholic Homily, Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily on Disyembre 20, 2007 at 15:53

Ika-apat na Linggo ng Adviento – Taon A

Unang Pagbasa (Isaias 7:10-14)

Noong mga araw na iyón, ipinasabi ng Panginoón kay Acaz:
“Humingi ka sa akin ng palátandaan,
maging sa kalaliman ng kinaroroonan ng mga yumao
o sa kaitaasan ng langit.”
Sumagot si Acaz:
“Hindi po akó hihingi.
Hindi ko susubukin ang Panginoón.”
Sinabi ni Isaias:
“Pakinggan mo, sambahayan ni David,
kulang pa ba ang galitin ninyo ang mga tao
na pati ang aking Diyós ay inyóng niyayamot?
Kaya nga’t, ang Panginoón na rin ang magbibigay ng palátandaan:
Maglilihi ang isang dalaga
at manganganak ng lalaki
at itó’y tatawaging Emmanuel.”

Salmong Tugunan
Ang Panginoo’y darating, s’ya’y dakilang Hari natin!

Ang buong daigdig, lahat ng naroón,
may-ari’y ang Diyós, ating Panginoón.
Ang mundo’y natayo at yaong sandiga’y
ilalim ng lupa, tubig kalaliman.

Sino ang marapat umahon sa burol,
sa buról ng Poon, sino nga’ng aahon?
Sino’ng papayagang pumasok sa templo,
sino’ng tutulutang pumasok na tao?

Siya, na malinis ang isip at buhay,
na hindi sumamba sa diyus-Diyósan;
tapat sa pangako na binitawan.

Ang Diyós na Panginoón, pagpapalain siyá,
ililigtas siyá’t pawawalang- sala.
Gayon ang sinumang lumalapit sa Diyós,
siláng lumalapit sa Diyós ni Jacob

Ikalawang Pagbasa (Taga-Roma 1:1-7)

Mula kay Pablo na alipin ni Kristo Hesús,
tinawag upang maging apostol at hinirang
upang mangaral ng Mabuting Balita ng Diyós.
Sa inyóng lahat na minamahal ng Diyós na nangariyan sa Roma,
na tinawag upang maging mga banal:
Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan
mula sa Diyós na ating Ama at sa Panginoóng Hesukristo.
Ang Mabuting Balitang itó, na ipinangako niya
noon pang una sa pamamagitan ng mga propeta
at nasasaad sa mga banal na kasulatan,
ay tungkol sa kaniyáng Anak, ang ating Panginoóng Hesukristo.
Sa kaniyáng pagiging tao,
siyá’y ipinanganak mula sa lipi ni David,
at sa likas na kabanalan ng kaniyáng espiritu,
ipinahayag siyáng Anak ng Diyós
sa pamamagitan ng makapangyarihang gawa –
ang kaniyáng muling pagkabuhay.
Sa pamamagitan niya,
tinanggap namin sa Diyós ang kaloob na maging apostol
upang ang lahat ng bansa ay akayin sa pananampalataya
at pagsunod sa kaniyá.
Kabilang din kayó sa mga tinawag na maging tagasunod ni Hesukristo.

Ebanghelyo (Mateo 1:18-24)

Ganito ang pagkapanganak kay Hesukristo.
Si Maria na kaniyáng ina at si Jose ay nakatakda nang pakasal.
Ngunit bago silá nakasal,
si Maria’y natagpuang nagdadalang-tao.
Ito’y sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Isang taong matuwid itóng si Jose na kaniyáng magiging asawa,
ngunit ayaw niyáng mapahiya si Maria,
kaya ipinasiya niyáng hiwalayan itó nang lihim.
Samantalang iniisip ni Jose itó,
napakita sa kaniyá sa panaginip ang isang anghel ng Panginoón.
Sabi nitó sa kaniyá,
“Jose, anak ni David,
huwag kang matakot na tuluyang pakasalan si Maria
sapagkat siyá’y naglihi sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Manganganak siyá ng isang lalaki
at itó’y panganganlan mong Hesús,
sapagkat siyá ang magliligtas sa kaniyáng bayan sa kaniláng mga kasalanan.”
Nangyari ang lahat ng itó
upang matupad ang sinabi ng Panginoón sa pamamagitan ng propeta:
“Maglilihi ang isang dalaga at manganganak ng isang lalaki,
at tatawagin itóng Emmanuel”
ang kahuluga’y “Kasama natin ang Diyós.”
Nang magising si Jose,
sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoón;
pinakasalan niya si Maria.

Pagninilay sa Pagbasa o Homiliya

Malapit nang matapos ang ating paglalakbay. Sa maikling panahon ng Adviento, tinunton natin ang daan ng paghihintay, daan ng pag-aasam, daan ng pag-asa. Sa ating mga Pilipino, ang ating paghihintay nang buong pananampalataya ay nilakipan pa natin ng mapagmatyag na paghihintay. Siyam na araw tayong gising nang maaga (o gising nang matagal) sa ating pagsisimbang-gabi na isang matingkad na palatandaan ng mapagmatyag na paghihintay.

Sa isang daigdig na nababalot ng iba-ibang uri ng palatandaan, hindi tayo hirap unawain ang diwa na binabanggit sa unang pagbasa. Si Acaz, bagama’t tumutol, ay pinagkalooban ng Diyos ng isang palatandaan mula sa itaas. Ano ba ang palatandaang ito? Ang tanda ng isang dalagitang maglilihi at manganganak ng isang lalaking tatawaging Emmanuel, na ang ibig sabihi’y “sumasaatin ang Diyos.”

Tumanggi si Acaz na humingi ng isang tanda. Sa ating modernong pananalita ngayon, isa siyang “pasaway,” matigas ang ulo, mayabang o palalo. Siya ay isang mapag-imbot, mapagmataas … isang taong hindi kagya’t nagpapadala sa bulong, maging bulong na galing sa itaas.

Subali’t naparito tayo sa simbahan sa araw na ito sapagka’t ang mga takbo ng mga pangyayari ay nagpakita sa mata ng ating pananampalataya, na ang palatandaang iwinaksi ni Acaz, ay nagkaroon ng kaganapan sa buhay ni Maria at ni Jose. Ang sanghaya at mithiin ng mahabang panahon ay naganap sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ni Jose at ni Maria.

Ito ang ipinagmakaingay natin sa salmong tugunan: “Ang Panginoo’y darating; siya’y dakilang hari natin.”

Nguni’t ano ba ang naging dahilan at ang palatandaan ay nagkaroon ng kaganapan? Ito ang dapat natin maunawaan sapagka’t dito nasasalalay ang katotohanan ng magandang balita ng kaligtasan. Ang balita ay hindi balita hangga’t hindi naibubulalas at naisisiwalat. Ang balita ay hindi magandang balita hangga’t hindi nagbubunga ng isang kaganapan na may kakayahang pagpanibaguhin ang takbo ng ating buhay. Ang ebanghelyo ay magandang balita sapagka’t may kakayahan itong hindi lamang magsiwalat ng isang magandang kinabukasan, kundi may kakayahang maghatid ng isang “bagong langit at bagong lupa.” Ang ebanghelyo ay magandang balita kung may nakikinig at may sumusunod rito.

Si Acaz ay hindi bukas sa magandang balita. Tumanggi siyang humingi ng isang tanda. Nagmatigas siya … nagmataas, at nagsarado ng kanyang isipan. Ang Diyos na mismo ang siyang gumawa ng isang malaking palatandaan – ang palatandaan ng isang dalagitang nagkaroon ng kaganapan kay Maria, na nagluwal ng isang sanggol na lalaki, tulad ng ating buong lugod na pinakahihintay.

Sa ebanghelyo, nakita natin ang isang mas dakilang palatandaan at kaganapan. Kung si Acaz ay tumanggi at nagmatigas, si Jose ay nakinig, tumanggap, at nagpakumbaba. Pagtanggap, hindi pagtanggi, ang kanyang ipinamalas.

Ito ang pagtanggap ng pananampalataya. Ito ang pagtanggap ng isang balita na naging magandang balita sa kadahilanang ang tumanggap ay hindi tumanggi, bagkus nakipagtulungan sa kalooban ng Diyos.

Ito rin ang binabanggit sa sulat ni Pablo sa mga taga-Roma. Pagtanggap, hindi pagtanggi ang ipinamalas rin ni Pablo. Tinagurian niya ang sarili bilang isang “doulos,” isang alipin, na hinirang upang maging apostol, at pinagtagubilinang mangaral sa ngalan ni Kristo Jesus. Kung paano nagmataas si Acaz, ganoon naman nagpakababa si Pablo. Ito ang kababaang-loob ng isang taong sumasampalataya – isang taong ang tinatayaan sa buhay ay ang Diyos na makatotohanan at may akda ng katotohanan.

Ang palatandaan ay nagkaroong kaganapan sapagka’t mayroong tulad ni Maria, Jose, Pablo, at marami pang iba, na nakinig, tumanggap, at nakipagtulungan sa Diyos.

Dito na marahil tayo dapat dumako sa ating buhay at karanasan. Napakaraming pasaway sa ating lipunan. Kay raming matatalino. Ang ilan sa atin kung kumilos at magsalita, ay para bagang alam nila lahat ang solusyon sa mga problema ng bayang Pilipinas. Parang alam na alam ng mga nagtangka na namang ibagsak ang gobyerno kamakailan kung ano ang dapat gawin sa isang lipunang nababalot ng maiitim na ulap ng korupsyon, kadayaan, pagkakanya-kanya, at kasakiman. Subali’t ang tinig ng Diyos na tumatawag sa isang malaliman at malawakang pagbabagong moral mula sa puso ng bawa’t isa ay tila hindi naririnig o pinapansin. Sa kanilang mga pamamaraan, wala silang iniwan sa mga teroristang siguradong sigurado na magbabago ang lipunan kung maraming mamamatay ay magdudusa, maging mga walang kinalamang tao.

Ang Pasko ng Pagsilang na ating pinakahihintay at pinaghahandaan ay palapit na nang palapit. Dadalawang tulog na lamang ang nalalabi. Ngunit ang kaganapan ng araw na ating pinakahihintay ay isang katotohanang nasa ating mga kamay at puso ang pagsasabuhay at pagsasadiwa.

Naghihintay tayo, oo. Subali’t ang ating paghihintay ay mapagmatyag at mapagpunyagi. Gising tayo, kumikilos, at nagpapagal, hindi tukatok at walang buhay. Gumagalaw tayo at kagampan sa paggawa ng mabuti. Abala tayo ngunit hindi balisa. Puno ng pag-asa, ngunit puno rin ng pagpupunyagi. Mataas ang pangarap, nguni’t handa ring maging isang alipin, tulad ni Pablo. Matayog ang hangarin, ngunit handang tumanggap at hindi tumanggi, sa paghamon ng Diyos, tulad ni Jose at ni Maria, na “nagulumihanan” ang puso, ngunit nakinig at tumupad sa kalooban ng Diyos. “Nang magising si Jose,
sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoón; pinakasalan niya si Maria.”
Puno ng paghihintay si Juan Tamad … Totoo ito. Subali’t ang kanyang paghihintay ay walang pagpupunyagi. Ngumanga lamang siya sa ilalim ng puno ng bayabas, at naghintay na bumagsak ang bunga sa bunganga. Ang maka-Kristiyanong paghihintay ay mapagmatyag at mapagpunyagi. Ito ang kahulugan ng pag-asa. Hindi sapat ang mangarap. Ang taong nangangarap ay dapat magising at magsikap.

Kung mangarap ka’t magising, tandaan lamang ito: “nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon.”

Fr. Chito Dimaranan, SDB

Pambansang Dambana ni Maria Mapag-Ampon

Paranaque City, Diciembre 20, 2007

KANLUNGAN O KULUNGAN: ALIN BA ATIN DITO?

In Adviento, Catholic Homily, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections on Disyembre 14, 2007 at 14:05

Ika-3 Linggo ng Adviento (Taon A)
Diciembre 16, 2007

Unang Pagbasa (Isaias 35:1-6a, 10)

Ang ulilang lupaing malaon nang tigang ay muling sasaya,
mananariwa at mamumulaklak ang ilang.
Ang dating ilang ay aawit sa tuwa,
itó’y muling gaganda tulad ng mga Bundok ng Libano
at mamumunga nang sagana, tulad ng Carmelo at Saron.
Mamamasdan ng lahat ang kaningningan at kapangyarihan ng Panginoón.
Inyong palákasin ang mahinang kamay, at patatagin ang mga tuhod na lupaypay.
Ito ang sabihin sa pinanghihinaan ng loob:
“Huwag kang matakot, laksan mo ang iyóng loob
Darating na ang Panginoóng Diyós,
at ililigtas ka sa mga kaaway.”
Ang mga bulag ay makakikita, at makaririnig ang mga bingi.
Katulad ng usa, ang pilay ay lulundag.
Aawit sa galak ang mga pipi.
Ang mga tinubos ng Panginoón ay babalik sa Jerusalem,
masiglang umaawit ng pagpupuri.
Paghaharian silá ng kaligayahan.
Lungkot at dalamhati ay mapapalitan ng tuwa at galak magpakailanman.

Salmong Tugunan:

Halina, Panginoóng D’yos upang kamí ay matubos!

Ang maaasahang lagi’y Panginoón, panig sa naaapi,
ang Diyós na hukom, may pagkaing handa, sa nangagugutom.
Pinalaya niya ang mga nabihag.
Isinasauli, paningin ng bulag;
lahat ng inapi ay itinataas, ang mga hinirang niya’y nililingap.

Isinasanggalang ang mga dayuhang sa lupain nila’y doón tumatahan.
Tumutulong siyá sa balo’t ulila, masamang balangkas pinipigil niya.

Walâng hanggang Hari, ang Diyós na Poon!
Nabubuhay lagi ang Diyós mo, Sion!

Ikalawang Pagbasa (Santiago 5:7-10)

Kaya nga’t magtiyaga kayó, mga kapatid,
hanggang sa pagdating ng Panginoón.
Tingnan ninyo ang magsasaka.
Buong-tiyaga niyáng hinihintay
ang mahalagang bunga ng kaniyáng bukirin,
at ang pagpatak ng una at huling ulan.
Dapat din kayóng magtiyaga.
Tibayan ninyo ang inyóng loob,
sapagkat nalalapit na ang pagdating ng Panginoón.
Huwag kayóng maghinanakitan, mga kapatid,
upang hindi kayó hatulan ng Diyós,
sapagkat malapit nang dumating ang Hukom.
Mga kapatid, tularan ninyo ang mga propetang
nagsalita sa ngalan ng Panginoón.
Buong tiyaga siláng nagtiis ng kahirapan.

Magandáng Balità     (Mateo 11:2-11)

Noong panahong iyón: Nabalitaan ni Juan Bautista, na noo’y nasa bilangguan, ang mga ginagawa ni Kristo. Kaya’t nagsugo si Juan ng kaniyáng mga alagad at ipinatanong sa kaniyá, “Kayo po ba ang ipinangakong paririto, o maghihintay pa kamí ng iba?”
Sumagot si Hesús, “Bumalik kayó kay Juan at sabihin sa kaniyá ang inyóng narinig at nakita: nakakikita ang mga bulag, nakalalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga ketongin, nakaririnig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinangangaral sa mga dukha ang Mabuting Balita. Mapalad ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!”
Pag-alis ng mga alagad ni Juan, nagsalita si Hesús sa mga tao tungkol kay Juan:
“Bakit kayó lumabas sa ilang? Ano ang ibig ninyong makita?
Isa bang tambo na inuugoy ng hangin? Ano nga ang ibig ninyong makita?
Isang taong may maringal na kasuotan?
Ang mga nagdaramit ng maringal ay nasa palásyo ng mga hari!
Ano nga ba ang ibig ninyong makita? Isang propeta?
Oo. At sinasabi ko sa inyó, higit pa sa propeta.
Sapagkat si Juan ang tinutukoy ng Kasulatan:
‘Narito ang sugo ko na aking ipinadadalang mauuna sa iyó;
ihahanda niya ang iyóng daraanan.’ Sinasabi ko sa inyó:
sa mga isinilang, walâ pang lumilitaw na higit na dakila kay Juan Bautista;
ngunit ang pinakaaba sa mga taong pinaghaharian ng Diyós ay dakila kaysa kaniyá.”

Pagninilay o Homiliya

KANLUNGAN O KULUNGAN?

Ang mga pagbasa sa araw na ito ay puno at tigib ng kagalakan. Sa katunayan, ang pambungad na antipona ay siyang pinagmulan kung bakit ang Linggong ito ay tinaguriang Gaudete Sunday: “Magalak sa Panginoon tuwina. Muli kong sinasabi, magalak! Malapit na ang Panginoon” (Filipos 4:4-5).

Si Isaias sa kanyang pangitain, ay tigib rin ng kagalakan. Ang katuyuan sa ilang ay mapapalitan ng mayamang pagyabong at paglago ng halaman at iba-ibang uri ng bulaklak. At nangingibabaw sa lahat ng pangitaing ito ang kanyang matibay na pagtatagubilin: “Huwag mangamba, maging matatag. Narito na ang inyong Diyos, dumarating Siya nang may pagtatagumpay.”

Ito rin ang buod ng sinasabi ni Santiago Apostol sa kanyang liham: “Tibayan ninyo ang inyong loob, sapagka’t nalalapit na ang pagdating ng Panginoon.”

Hindi natin maaaring mapagkamalian ang tinutumbok ng mga pagbasa at ng kabuuan ng liturhiya sa araw na ito. Parating na … malapit na … narito na … Ang lambong ng kawalang pag-asa ay mapapalitan ng bubong ng kapanatagan at kaganapan ng mga pangako ng Diyos.

Isang larawan ang namumuo sa ating damdamin at isipan … ang diwa ng kanlungan. Hindi mahirap para sa ating isalarawan ang kanlungan. Kapag may unos at ulan, ang hanap natin ay kanlungan. Kapag may suliranin at matinding pagsubok, ang asam natin ay isang masisilungan, isang muog na matatag na masasandalan, isang bubong kung saan tayo maaaring magkubli, magtago, at magpalipas ng pagdaaan ng unos.

Hindi mahirap isalarawan ang Diyos ayon sa una at ikalawang pagbasa na siyang gumagampan sa ating pinag-aasam sa muog, bubong, at kanlungan. Puno ng matulaing paglalarawan ng kalinga at pagmamalasakit ng Diyos ang dalawang pagbasa. Itong lahat ay nagbubunsod sa atin upang isapuso at unawaing lubos: “Lungkot at dalamhati ay mapapalitan ng tuwa at galak magpakailanman.”

Kanlungan? Tuwa at galak? Tapang at katatagan ng loob? Ito nga ba ay may lugar pa sa ating puso at damdamin sa ating panahon?

Sa kabila ng malinaw at mataginting na pangako ng Diyos, sa kabila ng hindi mapapagkamaliang pag-asa ni Isaias at ni Santiago sa katuparan ng mga pangakong nabanggit, kaisa tayo ng salmista na patuloy pa ring sumasamo at nananalangin: “Halina Panginoong Diyos, upang kami ay matubos!”

Halina Panginoon, upang kami ay matubos … Halina, sapagka’t sa kabila ng iyong pangako ay tila kami ay nasa lugar ni Juan Bautista … Halina, sapagka’t sa kabila ng iyong pananatili sa aming piling, ay nakararanas pa rin kami, hindi ng kanlungan, kundi kulungan! Kay rami sa amin O Panginoon, ang nasa kulungan ng kamangmangan. Kay rami sa amin ang nasa kulungan ng poot, kawalan ng pagpapatawad, pagsasarili, at pagkakakanya-kanya. Kay rami sa amin ang nakapiit sa kulungan ng kawalang pag-asa, sa kabila ng pangakong kanlungan ni Isaias at ni Santiago at ng Iyong Simbahan sa daigdig.

Kabalintunaan ang sitwasyong kinalalagyan naming mananampalataya. Umaasa kami sa kanlungang dulot mo, O Diyos. Ngunit umiinog ang buhay namin sa iba-ibang uri ng kulungang bumabalakid, sumisiil, at humaharang sa aming paglago, sa aming kagalakan, at sa aming pag-asa.

Nais kong imungkahi sa aking mga tagabasa at tagapakinig na ang buod, ang puno at ang dulo ng ating liturhiya ngayong araw na ito, ay walang iba kundi ang kakayahang pagsamahin, pag-isahin, at pagsabayin ang dalawang tila magkasalungat na katotohanan: kanlungan at kulungan.

Galak ang dulot ng kanlungan. Tuwa ang ibinubunsod ng kabatirang ang mga ilang at tuyot na lugar ay mapapalitan ng panibagong buhay at kasariwaan. Ito ang ating inaasam. Ito ang ating pag-asa at panagimpan. Ito rin ang pangakong nagkakadiwa na at nagkakabuhay … dito … ngayon … saan man.

Subali’t ito rin ang diwa at pangako ng isang nasa kulungan … Si Juan Bautista ay hindi isang masamang balitang binusalan ang bibig at pinosasan o tinalian at itinapon sa kulungan. Bagamat siya ay napiit ay hindi napiit ang kanyang pangaral. Hindi naposasan at natalian ang kanyang pangitain. Hindi kailanman nabusalan ang magandang balita, dahil lamang na siya ay nasa kulungan.

Opo… at ito ang buod ng pag-asa. Ito ang diwa ng matinding pag-asa at paghihintay. Ito ang tunay na kahulugan ng Adviento. Ito ang dahilan kung bakit, kaakibat ng pangako ay isang paghamon: Tibayan ang inyong loob at maging matatag. Nalalapit na ang pagdatal ng Panginoon.

Ang pag-asang Kristiano ay hindi isang hungkag na pagkapit at pagtanggap sa isang pangako. Ito ay ang pagpupunyagi na ang pangakong iyon ay maging isang katotohanan sa buhay natin.

Binigyang patotoo ni Juan Bautista ang pangakong ito. Binigyang diwa niya ang kanlungan na siyang asam ng bayan ng Diyos. At ang patotoong ito ay pinagbayaran niya nang malaki – ang pagdurusa sa kulungan.

Doon sa kulungan ay nangaral siya tungkol sa pinakaaasam na kanlungan. Doon sa kulungan ay ipinakita niya na ang pagtanggap at pananagana ng pangakong kanlungan ay isang bagay na pinaghahandaaan at pinagbabayaran ng katatagan ng loob, masidhing paghihintay, at malalim na pananampalataya sa kabila ng kapaitan sa piitan.

Kanlungan man o kulungan ang bumabalot sa ating buhay ngayon, hindi na ito ang mahalaga. Ang mahalaga ay ang paghamon sa atin na dulot ng kagalakang batid ang kaganapan ng pangako ng Diyos. Ang kagalakang ito ang siyang dapat natin isabuhay, isa-isip at isa-puso: “Magalak tuwina. Muli kong sinasabi sa inyo, magalak. Nalalapit na ang Panginoon.”

TULAD NG SUPLING MULA SA ISANG TUOD!

In Adviento, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections on Disyembre 5, 2007 at 15:30

Ikalawang Linggo ng Adviento – Taon A
Diciembre 9, 2007

Mga Pagbasa:

Unang Pagbasa  (Isaias 11:1-10)

Sa araw na iyón:
Sa lahi ni Jesse ay lilitaw ang isang hari,
tulad ng supling mula sa isang tuod.
Mananahan sa kaniyá ang espiritu ng Panginoón,
bibigyan siyá ng katalinuhan at pagkaunawa,
ng kaalaman at kapangyarihan, ng karunungan at takot sa Panginoón. Kagalakan niya ang tumalima sa Panginoón.
Hindi siyá hahatol ayon sa nakikita, o batay sa narinig sa iba.
Bibigyan niya ng katarungan ang mga dukha,
ipagtatanggol ang karapatan ng mga kawawa.
Ang salita niya’y parang tungkod na ipapalo sa malulupit,
ang hatol niya’y kamatayan sa masasama.
Katarungan at katapatan ang paiiralin niya sa kaniyáng pamamahala. Maninirahan ang asong-gubat sa piling ng kordero,
matutulog ang leopardo sa tabi ng batang kambing.
Magsasama ang guya at ang batang leon,
at ang mag-aalaga sa kanilá’y batang paslit.
Ang baka at ang oso’y magkasamang manginginain,
ang mga anak nila’y magkakatabing matutulog.
Kakain ng damo ang leon na animo’y toro.
Maglalaro ang batang pasusuhin sa tabi ng lungga ng ahas.
Hindi maaano ang bata kahit laruin ang ulupong.
Walang mananakit o mamiminsala sa nasasaklaw ng banal na bundok; sapagkat kung paanong puno ng tubig ang karagatan,
laganap sa buong lupain ang pagkilala sa Panginoón.
Sa araw na iyón, isisilang ang hari mula sa lahi ni Jesse,
ang magiging palátandaan para sa mga bansa.
Ang mga baya’y tutungo sa banal na lunsod upang parangalan siyá,
at magiging maningning ang kaniyáng luklukan.

Tugón     . . .
Mabubuhay S’yang marangal at sasagana kailanman!
Salmo     Awit 72:1-2, 7-8, 12-13, 17
Turuan mo yaong haring humatol ng katuwiran,
sa taglay mong katarungan, O Diyós, siyá’y bahaginan;
upang siyá’y maging tapat mamahala sa ‘yong bayan,
at pati sa mahihirap, maging tapat siyáng tunay.

Yaong buhay na mat’wid sa kaniyáng kapanahunan,
madama ng bansa niya at umunlad habang buhay.
Yaong kaniyáng kaharian ay paláwak nang paláwak,
mula sa Ilog Eufrates, sa daigdig ay kakalat.

Kaniyá namáng ililigtas ang sinumang tumatawag,
lalo yaong nalimot nang mga taong mahihirap;
sa ganitong mga tao siyá’y lubhang nahahabag;
sa kanilá tumutulong, upang silá ay maligtas.

Nawa yaong kaniyáng ngalan ay h’wag nang malimutan,
manatiling laging bantog na katulad nitóng araw;
nawa siyá ay purihin ng lahat ng mga bansa, at sa Diyós,
siláng lahat dumalanging:
“Harinawa, pagpalain kamíng lahat, tulad niyáng pinagpala.”

Ika-2 Pagbasa (Taga-Roma 15:4-9)

Mga kapatid:
Anumang nasa Kasulatan noon pang una ay nasulat sa ikatututo natin, sapagkat lumalakas ang ating loob at nagkakaroon ng pag-asa kapag binabasa natin ang mga aral na matatagpuan dito.
Loobin nawa ng Diyós na nagpapatatag at nagpapalakas ng loob,
na mamuhay kayóng may pagkakaisa kay Kristo Hesús.
Sa gayon, sama-sama kayóng magpuri sa Diyós
at Ama ng ating Panginoóng Hesukristo.

Kung paanong kayó’y malugod na tinanggap ni Kristo,
gayon din ang gawin ninyo sa isa’t isa
upang maparangalan ninyo ang Diyós.
Sinasabi ko sa inyó:
si Kristo’y naging lingkod ng mga Judio
upang ipakilala na tapat ang Diyós
at tinutupad ang mga pangako niya sa mga patriyarka,
at ang mga Hentil nama’y magpuri sa Diyós
dahil sa kaniyáng habag.

Ayon sa sinasabi ng Kasulatan,
“Kaya’t papupurihan kita sa harapan ng mga Hentil,
at aawitan ko ang iyóng pangalan.”
Ang Salita ng Diyós!

Magandáng Balità     (Mateo 3:1-12)

Papuri sa iyó, Panginoón!
Noong panahong iyón, si Juan Bautista’y dumating sa ilang ng Judea
at nagsimulang mangaral.
Sinabi niya,
“Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyóng mga kasalanan,
sapagkat malapit nang maghari ang Diyós!”
Si Juan ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin nitó,
“Ito ang sabi ng isang sumisigaw sa ilang:
‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoón.
Tuwirin ninyo ang kaniyáng mga landas!’ ”
Hinabing balahibo ng kamelyo ang damit ni Juan,
at balat ang kaniyáng pamigkis.
Ang kaniyá namáng pagkai’y balang at pulot-pukyutan.
At pumunta sa kaniyá ang mga taga-Jerusalem, taga-Judea,
at mga naninirahan sa magkabilang panig ng Jordan.
Ipinahayag nila ang kaniláng mga kasalanan,
at silá’y bininyagan ni Juan sa Ilog Jordan.
Ngunit nang makita niyáng marami sa mga Pariseo
at mga Saduseo ang lumalapit upang pabinyag, sinabi niya sa kanilá,
“Kayong lahi ng mga ulupong!
Sino ang nagbabala sa inyó upang tumakas sa parusang darating?
Ipakilala ninyo sa pamamagitan ng inyóng pamumuhay na kayó’y nagsisisi.
At huwag ninyong ipangahas na kayó’y anak ni Abraham.
Sinasabi ko sa inyó:
Ang Diyós ay makalilikha ng mga tunay na anak ni Abraham mula sa mga batong itó.
Ngayon pa’y nakaamba na ang palakol sa ugat ng punongkahoy;
ang bawat punongkahoy na hindi mabuti ang bunga
ay puputulin at ihahagis sa apoy.
Binibinyagan ko kayó sa tubig bilang tanda ng pagsisisi ninyo’t
pagtalikod sa inyóng mga kasalanan;
ngunit ang dumarating na kasunod ko ang magbibinyag sa inyó
sa Espiritu Santo at sa apoy.
Siya’y makapangyarihan kaysa akin,
hindi akó karapat-dapat kahit tagadala ng kaniyáng panyapak.
Hawak niya ang kaniyáng kalaykay upang alisin ang dayami.
Titipunin niya sa kamalig ang trigo,
ngunit ang ipa’y susunugin sa apoy na di mamamatay kailanman.”

Pagninilay o Homiliya

TULAD NG SUPLING MULA SA ISANG TUOD!

Dumating na naman ang panahon ng pagdating. Sabi natin noong nakaraang Linggo na walang kahulugan ang pagdating kung walang naghihintay at naghahanda. Ang pagdating ay nagiging makahulugan kung ang puso ng sinumang naghihintay ay puno ng pag-aasam at diwa ng pagsalubong sa dumarating.

Kay bilis ng panahon. Kay tulin ng agos ng oras. Tanging dalawang Linggo na lamang ang nalalabi upang pag-ibayuhin natin ang paghihintay sa pagdatal ng pinakahihintay na Mananakop. Ang mga pagbasa ay larawan ng kung ano ang tayo ng mga naghihintay, ang tayo ng ating lipunan noong araw at ngayon. Tulad ng dati, tayo ay nababalot ng iba-ibang uri ng panunuyo at kawalan ng buhay. Ang lagay natin ngayon ay walang iniwan sa isang lupang tigang, isang tuod na walang suloy, walang buhay, walang kasariwaan. Subali’t malinaw ang hula ni Isaias: “Sa lahi ni Jesse ay lilitaw ang isang hari, tulad ng supling mula sa isang tuod” (Unang Pagbasa). Mula sa kalagayan ng kawalang-buhay ay uusbong ang isang suloy na puno o tigib ng pag-asa para sa lahat ng tao at sa lahat ng dako at panahon.

Hirap ngayon tayo manatili sa diwa ng pag-asa. Hirap tayo magtagal na nababalot ng balabal ng pag-asa at pag-aasam sa hinaharap. Bawa’t nagaganap dito man at saan man ay nagbabadya ng kawalang-katiyakan, ng matinding suliranin at walang patid na sigalot at di-pagkakaisa. Maging ang daigdig ng kalikasan ay kababasahan ng kawalang katiyakan. Hindi natin batid kung gaano kalakas at gaano katagal ang mga dumarating na mga bagyo at unos. Hindi man lamang natin alam kung saan banda ito kikilos, kung ito ay mananatili, o babalik na parang isang taong may nakalimutan sa kanyang pinanggalingan na. Hindi natin tukoy kung ang lahat ng kasapi ng lipunang matagal nang naghihinitay sa isang magandang kinabukasan ay magkakaisa sa iisang hangarin at pagsisikap makamit ang tinatawag na kapakanang pangkalahatan. Sala-salabat ang mga personal at pansariling hangarin ng mga politiko, ng mga kasapi ng naturingang “civil society.” Sanga-sanga ang dila ng mga taong dapat sana ay namumuno sa balana, at nagpapagal dapat para sa kapakanang pangkalahatang nabanggit.

Kung minsan, ang mga sine ni Fernando Poe ay sumasagi sa aking isipan. Ang pamagat ng isa sa mga ito ay “Pag Puno na ang Salop.” Kapag puno na ang salop, ito ay kinakalos, kinakahig, binabawasan, at pinapantay. May hangganan kung baga, ang lahat ng bagay. May limitasyon ang lahat sa mundong ibabaw. Subali’t alam natin na ang limitasyong ito ay hindi kawalan ng katarungan, bagkus pangako at pagsisiguro sa katarungan. Tinitiyak nito na bawa’t taong bumibili ng bigas ay pare-parehong tatanggap ng karampatang sukat, at wastong timbang.

Ang kalos ay tanda ng katarungan ng Diyos na nagmamahal at nagmamalasakit nang pantay-pantay sa lahat ng kanyang nilalang. Tila ito ang binabanggit rin ng unang pagbasa: “Ang salita niya’y parang tungkod na ipapalo sa malulupit, ang hatol niya’y kamatayan sa masasama. Katarungan at katapatan ang paiiralin niya sa kaniyáng pamamahala.”

Napapanahon para sa ating mga Pilipino na isipin ang kalos na ito ng makatarungang Diyos. Kay rami na at palasak na sa ating lipunan ang kawalan ng katarungang panlipunan. Ang mga tampalasan at matatakaw ay patuloy sa pagyaman. Ang mga madadaya at mga tuso ay patuloy na nananagana, habang ang higit na nakararami ay patuloy sa paghihikahos. Ang bunga ng lahat ng ito ay tila isang disyerto, isang ilang na tigang at walang buhay. Uhaw na uhaw at tuyot na tuyot ang buhay nating pangkalahatan at panlipunan. Ang lahat, mapasa gobyerno man o hindi, ay pinaghaharian ng kagustuhang masunod ang sariling balak, ang sariling tuntunin ng tama at wasto.

May katiwalian sa pamahalaan. May katiwalian sa pribadong sector … sa daigdig ng pangangalakal, sa mga paaralan, maging sa mga mundong iniikutan ng mga mahihirap at dukha. Walang umiiral na batas sa maraming lugar. Walang sumusunod sa batas trapiko, at ang mga namumuno sa ating mga ciudad ay hindi magka-isa, hindi magtulungan, bagkus, nagkakainggitan.

May pag-asa pa kaya si Juan de la Crus? May titingalain pa kaya tayong bundok kung saan magmumula ang kaligtasan?

Ito ang magandang balita na dapat natin pagtuunan ng pansin sa araw na ito. Hindi malayo sa kalos ang kalaykay na binabanggit sa ebanghelyo. Hindi malayo sa diwa ng katarungan ang tinutukoy ng Panginoon: “Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoón.
Tuwirin ninyo ang kaniyáng mga landas!”

Subali’t ang daang ito ay dalawa ang daloy – ang parito at ang paroon. Salubungan ang daang binabanggit ng Manliligtas. Ang buhay-Kristiyano ay parang sabayang-bigkas at sabayang-galaw. Ang Panginoon ay parating, at ang taong naghihintay ay pasalubong. Hindi tayo basta na lamang nakatingala at nakatangla sa kawalan. Salubungan ang tao at ang Diyos. Ang Diyos ang nagliligtas, ngunit ang tao ay nagpapaligtas, nakikipag-cooperar, at nakikipag-tulungan. Di ba’t kasabihan natin na “nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa?”

Malimit nating ikalungkot at ikamuhi ang pagdami at pananatili ng mga jueteng lords na tinatawag. Galit tayo sa kanila. Gusto natin sila mawala. Subali’t kakaunti sa atin ang nakababatid ng isang simpleng katotohanan – na walang jueteng lords kung walang tumatataya at tumatangkilik sa jueteng. Nasa Dios ang awa, ngunit nasa tao ang gawa.

Nakatutuwang isipin na ang ikalawa at kabibigay pa lamang na ensiklikal ng Santo Papa ay may kinalaman sa pag-asa – pinamagatang SPE SALVI, na ang kahulugan ay “iniligtas ng pag-asa.” Angkop na angkop sa ating usapin ang nilalaman ng turong ito ni Papa Benito XVI. Ito ang diwang bumabalot sa kabuuan ng panahon ng pagdating.

Ipinaaala-ala sa atin ni Papa Benito na ayon sa Kasulatan, ang pananampalataya at pag-asa ay magka-akibat, magkadaop-palad, at magkahugpong. Ang taong may pagsampalataya ay maalam tumaya sa katiyakang ang Diyos ay puno ng pangako. Ang taong nagtataya ng sarili sa katotohanang ang Diyos ay buhay, ay nagtataya rin ng paghihintay sa mga pangakong may tiyak na katuparan, kahit na palibot siya ng tuyot at tigang na katotohanan.

Tunay at totoo ang pangako ng Diyos. Nabasa ito sa buhay ni St. Josephine Bakhita, gaya ng binabanggit ng Papa. Sa kabila ng kapaitan at lubos na tagtuyot sa kanyang mahirap na buhay na puno ng lahat ng uri ng pasakit at pagdurusa, nakuha niyang itaya ang sarili, ialay ang buo niyang buhay sa kanyang “Paron” o “panginoon” na higit sa lahat ng kanyang pinanginoon sa mahabang karanasan niya bilang isang aliping walang halaga sa mata ng tao.

Oo, may pag-asa ang tao. May pag-asa ang mundo. May pag-asa tayong lahat. Ito ang mataginting na aral, hindi lamang ng mga pagbasa, kundi ng buong panahon ng pagdating. Buhay ang ating Diyos. Puno siya ng pangako. At lalung puno siya ng katuparan ng kanyang pangako.

Kahit puno na ang salop natin at dapat kalusin, nakukuha pa nating sumamba at magpugay, sapagka’t ang ating tinatayaan ay “tulad ng supling na mula sa isang tuod.”

Fr. Chito Dimaranan, SDB
Paranaque, Diciembre 5, 2007 (3:30 PM)