frchito

Imbakan para sa Enero, 2008

SA KABILA NG LAHAT …(Ika-3 Linggo ng Taon A)

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Ika-3 Linggo ng Taon A, Pagninilay sa Ebanghelyo on Enero 26, 2008 at 20:47

Ika-3 Linggo ng Taon (A)
Enero 27, 2008

Mga Pagbasa: Is 8:23; 9:3 / 1 Cor 1:10-13 / Mt 4:12-23

Katatapos pa lamang natin ng panahon ng Kapaskuhan at noong isang linggo lamang natin binigyang-sara ang ating pagpupugay sa banal na sanggol sa kapistahan ng Santo Nino. Subali’t sa araw na ito, ay muli nating narinig mula sa labi ni Isaias ang isang pahatid na puno ng pag-asa, nguni’t puno rin ng katotohanang hindi maipagkakaila.

Nagwika si Isaias tungkol sa kadiliman at tungkol sa kaliwanagan. “Ang bayang naglalakad sa dilim ay nakatunghay ng liwanag; sa mga nabubuhay sa karimlan ay sumikat ang kaliwanagan.”

Dilim at liwanag … ang dalawang magkasalungat na katotohanan ay ipinagparis ni Isaias. Sa gitna ng karanasan natin ng kadiliman ay sumikat ang silahis ng pag-asa. Ito ang malinaw na hula ni Propeta Isaias na tigib ng pag-asa.

Dilim at liwanag … Ito rin ang magkaagapay na katotohanang binabanggit ni Pablo sa kanyang liham sa mga taga-Corinto. Hindi kaila sa atin na ang mga Corinto ay mga pasaway, mga palaaway, at mahilig makipagtungayaw. Maraming hirap ang natamo ni Pablo sa pamayanang ito na mistulang laging nagbabangay, laging nagkakawatak-watak, at laging walang pagkakaisa. Ito ang kadilimang bumalot sa mga Corinto – ang pagiging hiwa-hiwalay sa iba-ibang panig, sa iba-ibang grupo: “Ako ay kay Pablo; ako ay kay Apolo; Ako ay kay Cefas; Ako ay kay Kristo.”

Dilim at liwanag … ito rin ang karanasan natin bilang Pilipino. Hindi tayo kailanman tunay na nagkaisa. Sa liit ng ating bayan, nakukuha pa natin magkawatak-watak at magkampi-kampi, at mag-away-away sa isa’t isa. Sa liit ng ating bayan, ay nagpapangkat-pangkat pa rin tayo at nagkakahati-hati sa buhay politika. Tayo lamang yata ang pinamumugaran ng partido political na puedeng mabago bukas at makalawa. Tayong lamang yata ang mayroong sistema na kapag nagtampo ang isang kandidato ay biglang liliban sa katunggaling partido at kinabukasan ay parang bulang naglaho ang kanyang ipinaglalaban.

Nguni’t sa gitna ng kadilimang ito ay nakuha natin ngayon ang ideklara ang mensahe ng kaliwanagan: “Ang Panginoon ay aking liwanag at kaligtasan.”

Dilim at liwanag … ito ang dahilan kung bakit tayo nagtipon-tipon sa araw na ito. Ito ang dahilan kung bakit tayo ay nagsisimba tuwing Linggo. Sapagka’t sa kabila ng dilim na bumabalot sa ating lipunan, ay mayroong liwanag na nagsisikap maghari at bumalot sa ating buhay at pagkatao.

Ito ang liwanag ng kaligtasang dulot ni Kristo. Ito ang liwanag na ating ipinagmakaingay sa buong bansa noong isang Linggo, pista ng Santo Nino.

Ang nobela ni Charles Dickens na ang pamagat ay “A Tale of Two Cities” ay nagsimula sa isang paglalarawan ng katotohanan ng pinagsamang dilim at liwanag na bumabalot sa ating lipunan. “These are the worst of times. These are the best of times.” Ito ang binanggit ng ikalawang konsilyo plenaryo ng Pilipinas noong 1991. “We live in the worst of times. We live in the best of times.”

Dilim at liwanag … ito ang katotohanang kinapapalooban nating lahat. Dilim … tayo ang ikalawang pinaka ‘corrupt’ na lipunan sa Asia. Dilim … ang ating kultura ay talagang mistulang “pasaway.” Liwanag … tayo ang tanging kristianong bayan sa malayong silangan. Liwanag … tayo ay bayang mapagmahal kay Maria at sa Diyos. Tingnan na lamang natin ang dami ng mga deboto sa Nazareno … sa Santo Nino … sa Ina ng Laging Saklolo, at maraming pang ibang debosyon.

Nabubuhay tayo sa pinakamasahol na panahon. Nabubuhay tayo sa pinakamagandang panahon.

Sa ebanghelyo tinutumbok ang paraan kung paano ang dilim ay maging liwanag. Walang paligoy-ligoy ang ebanghelyo: “magsisi, sapagka’t nalalapit na ang paghahari ng Diyos.”

Oo … puno tayo ng kadiliman … balot tayo ng lahat ng uri ng katiwalian. Ang panahon natin ay tila nalupig ng pwersa ng kasalanan. Subali’t ang liwanag na pangako ni Isaias ay nagkatotoo sa pamamagitan ng pagsunod ng mga hinirang at tinawag ng Panginoon – si Simon Pedro at si Andres … si Santiago at si Juan.

Sa kabila ng kanilang pagiging abala, tumalima sila … sumunod. At sila ay naghatid liwanag at nagpatotoo sa hula ni Isaias: “ang bayang naglalakad sa dilim ay nakatunghay ng liwanag.” Sa kabila ng lahat … ito ang daan tungo sa liwanag … ito ang pamamaraan upang ang dilim ay magapi ng liwanag … sa kabila ng lahat.

Tulad ng sinabi ko noong mga nakaraang Linggo sa aking pagninilay sa Ingles ( sa Pan de la Semana blog), kinopya ko ang sinabi ng isang dokumento ng mga Hospitaller Sisters of the Sacred Heart: “Somos llamados a celebrar en tierra de sombras.” Tinatawag tayo ng Panginoon upang magdiwang sa isang daigdig na tigib ng kadiliman … celebrar a pesar de todas las sombras … sa kabila ng lahat!

LIWANAG SA DILIM (SANTO NINO)

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Santo Nino on Enero 19, 2008 at 19:24

KAPISTAHAN NG SANTO NINO
Enero 20, 2008

Mga Pagbasa: Isaias 9:1-6 / Efeso 1:3-6, 15-18 / Mt 18:1-5,10

SENYOR SANTO NINO: LIWANAG SA DILIM

Matindi ang pagtingin at pagpapahalaga ng Pinoy sa bata, sa isang paslit na sa biglang wari ay walang kamuang-muang. Ang puso ng bawa’t Pinoy ay nabibihag ng isang musmos na nagpapakitang gilas, nagpapamalas ng kanyang kakayahan, sa kabila ng kabataan.

Hindi malayo na ang ganitong pagpapahalaga ay nagmumula sa isang kabalintunaan. Ang bata ay inaasahang maging hinalig o nakasandal sa pader ng may angking kapangyarihan. Ang bata ay inaasahang umasa lamang at maghintay lamang ng biyaya mula sa mga nakatatanda. Hindi karaniwang pinagpipitaganan ang isang sanggol ng mga matatanda. Hindi karaniwang ang isang batang paslit ay tingalain ng mga taong may kanya-kanyang angking kakayahan at kapangyarihan. Nguni’t kung ang isang bata ay kakitaan ng gilas at kakayahan, kagalingan man, o kapangyarihan, ang Pinoy ay nanggagayupapa sa paghanga. Tingnan na lamang natin ang paghanga natin sa batang artista, sa mga batang mang-aawit, o mga batang matatalino.

Ang pamimintuho at paghanga, at pagluluklok sa sanggol na si Jesus sa dambana ng puso ng bawa’t Pinoy sa araw na ito, ay may kinalaman dito. Ganoon na lamang at sukat ang ating pitagan, ang ating paggalang sa Santo Nino. Subali’t hindi lamang dahil dito kung kaya ang buong Pilipinas ay abalang-abala sa araw na ito. Ito ay hindi lamang sa kadahilanang tayo ay mataas ang pitagan sa isang sanggol na itinanghal ng kasaysayan at tradisyong Cebuano bilang isang milagrosong imahen, na dapat parangalan. Hindi lamang ito sa kadahilanang ang Pinoy ay naghahanap ng isang paraan upang magdiwang, upang mag-piesta, at magsayawan sa mga lansangan.

Ito ang diwa ng mga pagbasang ating natunghayan sa araw na ito. Una, hindi para sa atin bilang tao ang maglukluk sa luwalhati sa anak ng Diyos. Ito ay nasa kamay ng Ama, nagmumula sa puso ng Diyos. At ang luwalhating ito ay kanya na sa mula’t mula pa – ang luwalhating pati na ang mga propeta sa Lumang Tipan ay nagwika, kasama si Isaias na humula: “Isang sanggol ang isinilang para sa atin … sa kanyang balikat ay nakasalalay ang kapangyarihan.” Ang luwalhati ng Diyos ay isang tugtuging hindi tayo ang gumawa. Sumasaliw lamang sa tugtuging ito ang ating mga tinig, sumasabay sa mga anghel at mga santo sa pagpuri – isang kakayahang natanggap natin noong tayo ay binyagan, ang pagkapari natin lahat bilang mga anak ng Diyos, bilang mga binyagan.

Subali’t bukod rito ay may isang katotohanang dapat natin bigyang diin. Ang simula ng sipi na binasa natin mula kay Isaias ay puno ng pangako, puno ng pag-asa: “Ang isang bayang nagupiling sa kadiliman ay nakatunghay ng liwanag na dakila …”

Nais kong isipin na ito ay isang mataginting at magandang balita para sa isang bayan na nababalot ng iba-ibang uri ng kadiliman. Nais kong isipin na ang pagtatanghal natin at pagdiriwang natin bilang parangal sa Santo Nino ay nagmumula sa isang pag-asang hindi kailanman magagapi ng anu mang balakid o suliranin.

Ito marahil ang dahilan kung bakit ganoon na lamang ang ating pagmamahal sa Santo Nino. Ang sanggol na dinadakila natin ay hindi isang walang kayang sanggol na puedeng sipa-sipain. Ang sanggol na ating dinadakila ay hindi isang manyika na maaaring itapon-tapon saan man. Ang sanggol na ito ay tampulay at sagisag ng lahat ng pag-asa ng bayang Pilipinong kung ating tutuusin ay dapat wala nang kakayahan at karapatang magdiwang, sa dami ng mga susun-susong mga problemang sumasagi sa ating lipunan.

Matinding umasa ang pinoy kapag ang pinag-uusapan ay mga bata. Ginagastusan ng katakot-takot ang mga bata, lalu na sa unang kaarawan, pati sa mga escuelang pinapasukan. Pinag gugulan ng malaking salapi ang mga bata sa maraming mga pagkakataon. Walang magulang ang hindi magsisikap maghanda kahit kaunti sa binyag ng kanilang anak.

Ganito katindi umasa ang pinoy. At ang pag-asang ito ay nakatuon, nakapako, o nakakapit sa isang sanggol. Ang sanggol, ang bata ang siyang tunay na sagisag ng pag-asa ng lipunan, tulad ng sinabi ni Jose Rizal.

Bongga ang fiesta santo nino! Bongga ang Pit Senyor sa Cebu at sa maraming lugar sa Pilipinas. Angkop lamang ito at tama.

Subali’t ang pagdiriwang ng pag-asa ay dapat lakipan ng pagpupunyagi at pagpapagal. At dito naman tayo dapat magising. Dito naman tayo dapat bumangon. Kung ang bayang nahirati sa dilim ay nakakita ng liwanag, ang liwanag na ito ay tulad ng isang ilawan na hindi dapat manatiling nakakubli sa isang pahapyaw na pagdiriwang, sa isang mababaw na pagtatanghal na parang isang showbiz affair, na narito ngayon at bukas ay maglalahong parang bula.

Ang sanggol na itinatanghal natin ay sanggol na lumago sa biyaya at kaalaman at karunungan. Ang sanggol ay lumaki at naging tao – tao at Diyos na nakipamayan sa atin. At ang pakikipamayang ito ay hindi lamang sa isang araw ng sayawan at tugtugan, kundi sa bawa’t araw hanggang sa kamatayan sa krus at muling pagkabuhay sa kaluwalhatian. Isinilang siya para sa atin. Lumago siya para sa atin. Namatay siya para sa atin. At muling bumangon para sa atin. Pit Senyor! Luwalhati sa Anak! Luwalhati sa kaitaasan!

BINYAG, BANSAG, BUNYAG, BUNYI!

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagbibinyag kay Jesus, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily on Enero 12, 2008 at 10:07

KAPISTAHAN NG PAGBIBINYAG KAY JESUS
Enero 13, 2007

Mga Pagbasa: Is 42:1-4,6-7 / Gawa 10:34-38 / Mt 3:13-17

Binibigyang-wakas ng kapistahang ito ang panahon ng kapaskuhan. Bukas ay magsisimula na naman tayo sa karaniwang panahon. Pero sa ating bayang Pilipinas, laging may huling hirit, may pahabol, may dagdag … Sa susunod na Linggo ay kapistahan naman ng Santo Nino, ng Banal na sanggol na si Jesus. Malaking pagdiriwang ang magaganap sa maraming lugar sa buong kapuluan, lalu na sa Aklan, Cebu, Tondo, at marami pang lugar.

Sa ating pang-unawa, ang Binyag ay hindi lamang pagkakaloob ng pangalan. Ito ay isang pagkakataon upang itanghal ang isang bata o tao sa daigdig. Ito ay isang pagpapasinaya sa isang pangarap, sa isang hangarin, sa isang panagimpan, o layuning marangal.

Subali’t may isa pang kahulugan para sa atin ang pagbibinyag … ang pagbabansag. Ang binibigyang pangalan o binibinyagan, kalimitan ay binabansagan din. Kung ano ang tawag ay siyang turing. Kung ano ang turing ay siyang pagkakilala sa binabansagan. May mga pagkakataon na ang bansag ay hindi maganda, hindi kaaya-aya. Nguni’t sa higit na nakararaming pagkakataon ay may kinalaman sa pinaka maganda, pinaka mabuti, at pinaka kaaya-aya sa isang tao.

Si Jesus ay nabansagan din. Tinawag siyang Nazareno. May halong pangungutya at panliliit at panlalait sa bansag na iyon. “Ano bang magaling ang puedeng manggaling sa Nazaret?” Pero mayroon ring bansag na puno ng paghanga, puno ng paggalang … tulad ng bansag ni Juan Bautista na nagsabing “tingnan ang kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.”

Subali’t ang pagbibinyag ay isa ring pagbubunyag … Sa binyag ni Jesus ay nabunyag kung sino siya: “ito ang pinakamamahal kong anak, na lubos kong kinalulugdan.” Nabunyag sa binyag, hindi lamang kung sino siya, kundi pati na rin kung ano siya at ano ang pangarap ng kanyang Ama para sa kanya.

Sa kanyang binyag, si Jesus ay nabansagan. Sa kaniya ring binyag, si Jesus ay nabunyag. At ang natunghayan ng mga tao ay kung ano siya at sino siya: Anak ng Diyos, manunubos, kordero ng Diyos, tagapagligtas, tagapagpagaling, tagapangaral, at marami pang iba.

Nabunyag sa binyag, hindi lamang bansag kundi ang kaganapan ng kanyang pagkatao at pagka-Diyos.

Narito ang susi ng isang malawak, tumpak, at malalim na pagkaunawa kung sino si Jesus. Dito sa pagkakataong ito binigyang pasinaya ng Diyos Ama mismo ang tungkulin at misyong ipinagkaloob sa kanyang bugtong na Anak. Dito natin natunghayan ang isa sa mga pangunahing pagpapakilala ng Diyos sa sanlibutan. Dito naganap ang hiwaga ng Epipaniya o Pagpapakilala ng Diyos sa sanlibutan, kasama ng pagdalaw ng mga Mago at ang unang himala ni Jesus sa Cana ng Galilea.

Nguni’t lubhang kailangan na atin ring tunghayan kung ano ang tungkulin ng taong pinagpakilalanan. Dapat natin tingnan kung ano ang pananagutan ng tao na pinagpahayagan ng Diyos. Kung sa kanyang binyag ay nabunyag kung sino siya para sa atin, Manliligtas, Panginoon, Mananakop, at Tagapamagitan sa Ama, isang malaking katanungan kung ano at paano ang pagtanggap natin sa kaniya.

Malinaw ang halimbawa ni Juan Bautista. Hindi lamang siya naghanda para sa kanyang daraanan at matapos maghanda ay lumisan. Bukod sa paghahanda ay aktibo siyang nagturo at nangaral: “Hayan ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” Hindi lamang ito … ang buong buhay niya ay naging isang alay. Ibinuwis niya ang kanyang buhay bilang patotoo. Nagpatotoo siya at nagpaka-totoo. Tulad ng Diyos Ama, naging saksi siya at nagbunyag kung sino si Jesus para sa kanya.

Ang kanyang pagbubunyag ay nauwi sa pagbubunyi, sa pagsamba, sa pagpapatotoo.

Sa kasulatan, lahat ng napagbunyagan ay nagbunyi. Si Elizabeth na napagbunyagan ng dakilang pag-ibig ng kanyang pinsang si Maria na napagbunyagan rin ng anghel Gabriel, ay nagbunyi: “Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat, at pinagpala rin naman ang bunga ng iyong sinapupunan.” Maging ang matandang mag-asaw ni Simeon, nang nabunyag sa kanya ang bagong silang na sanggol, ay nagbunyi: “Sapagka’t nakita ng aking mga mata ang kaligtasan …”

Hindi mahirap makita kung ano ang tinutumbok nito. Simple lamang. Malinaw na may koneksyon ang binyag, ang bansag, ang bunyag, at ang matimyas na pagbubunyi. Sa araw na ito kung kailan ginugunita natin ang pagbibinyag, at pagbabansag kay Jesus, nabunyag rin naman sa atin kung sino siya at ano siya sa ating buhay – Panginoon at Tagapagligtas.

Ang kabatirang ito ay nauuwi sa iisang bagay na angkop at nararapat sa harapan ng isang tinaguriang “kordero ng Diyos” na “nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan” – ang ipagbunyi siya at papurihan, dinggin at itanghal sa dambana ng puso natin lahat … sapagka’t siya ang lubos na kinalulugdan ng Ama.

Papuri sa Ama, sa Anak, at sa Espiritu Santo, kapara noong unang-una, ngayon, at magpasawalang hanggan. Amen.

MAPALAD ANG MGA NAGHAHANAP

In Catholic Homily, Epipaniya, Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo on Enero 3, 2008 at 09:12

KAPISTAHAN NG EPIPANIA
Enero 6, 2008

Mga Pagbasa: Is 60:1-6 / Efeso 3:2-3a, 5-6 / Mt 2:1-12

Mahabang panahon na ang lumipas mula noong tumanyag ang awit ni Freddie Aguilar na tungkol sa “bulag, pipi, at bingi.” Doon ay binigyang-diin niya na napakaraming tao ang may kakayahang tumingin subali’t mistulang bulag. Kay raming nakapagwiwika nguni’t mistula ring pipi, at kay raming may kakayahang makinig, subali’t kung titingnan ang pamumuhay ay parang bingi.

Malinaw rito na hindi sapat ang kakayahan at kagalingan. Dapat itong lakipan ng isang mabisa at mabuting layunin. Ang bansang Pilipinas ay pinamumugaran ng napakaraming taong may kakayahan. Napakarami ang politikong masasabi nating batikan at dalubhasa sa mga pasikot-sikot ng sinasabing “paglilingkod sa taong-bayan.” Napakarami ang mga maaalam at mga aral na tukoy ang mga solusyon ng mga problemang kinasasadlakan ng bayan.

Subali’t hindi sapat ang may kakayahang tumingin, magsalita, at makinig. Mahirap gisingin ang nagtutulug-tulugan. Mahirap gamutin ang nagsasakit-sakitan. At lalong mahirap tawagin ang pansin ng isang nagbibingi-bingihan.

Bulag, pipi, at bingi … Ito ang malaking suliraning bumabagabag sa ating lipunan. Hindi malayo ito sa sitwasyong nakita ng tatlong mago sa palasyo ni Herodes.

Isang salita liban sa “mago” ang maaari natin gamitin. Ang  tunay na paham ay hindi yaong alam na ang lahat. Ang tunay na maalam at matalino ay ang nakababatid na mayroon pa rin silang hindi natatagpuan, hindi pa natutunghayan, at hindi pa nakikita. Ang tunay na paham ay patuloy na naghahahanap, nagsisiyasat, nagtatanong, at nag-iimbestiga. Ang tunay na paham ay patuloy na naghahanap ng katotohanan, ng kaganapan nito at katuparan.

Subali’t ang pinakamasahol na kabulagan, kapipihan, at kabingihan ay ang pagtigil sa paghahanap, ang pagtanggap sa kung ano na ang kalakaran ng panahon, kung ano na ang takbo ng kasaysayan. Ang tunay na bulag, pipi, at bingi, ay ang taong wala nang hinahanap, wala nang inaasam, at wala nang pinagsisikapan.

Ang bulag, pipi, at bingi ay siyang hindi na napupukaw ang interes upang makatagpo sa tunay na kasagutan, upang mapalalim ang kabatiran at pang-unawa sa mga bagay na mahalaga.

Ang ating kapistahan sa araw na ito ay pagdadakila sa taong mapaghanap, sa taong nagsisiyasat, nagsisikap, at nagpupunyagi upang matamo ang lubos na katotohanan. Sa isang banda, dalawang uri ng tao ang natatambad sa ating paningin sa araw na ito. Ang unang uri ay kinakatawan ni Herodes. Siya ay bulag … bulag sa katotohanang ang kanyang kapangyarihan ay pansamantala lamang. Siya ay pipi … tikom ang bibig sa kanyang tunay na layunin. Bagama’t hiniling niya sa tatlong mago na balikan siya upang ituro kung saan ang bagong silang na Mesiyas, cerrado ang bunganga niya sa tunay niyang pakay. Si Herodes rin ay bingi … hindi siya nakinig sa paulit-ulit na hula ng mga propeta na dapat sana’y naunawaan niya nang lubos bilang isang hari ng mga Judio.

Ang ating lipunan ay pinamumugaran ng mga bulag, pipi, at bingi. Maraming dekada na ang nagdaan. Maraming panganib na ang sinuutan ng buong bayan, at lalong marami nang pagpapahirap ang ipinataw ng isang sistema political na mapang-api, mapagsamantala, mapagkamkam, madaya, at makasarili. Subali’t hindi pa rin natin nakita, hindi pa rin natin mapag-usapan, at hindi pa rin natin marinig ang paulit-ulit na panawagan ng Diyos sa pamamagitan ng Simbahan.

Ito ay isang panawagan na ang kahihinatnan ay malinaw pa sa araw … “ang bayang naglalakad sa karimlan ay makakikita ng kaliwanagan.” Ito ay isang paghamon na tiyak ang bunga sa kahulihan … “Panginoon, papupurihan ka’t sasambahin ng lahat ng mga bansa sa sangkalupaan.”

Ngunit, salamat sa Diyos, ay may isang uring kakaiba … ang mga mago na hindi nag-asal bulag, pipi, at bingi. Ang mga mago ay mga taong naghanap, nagsikap, nagpagal, at naglakbay makita lamang ang bagong silang na Mesiyas.

Tunay na mapalad ang mga naghahanap. Makakakita sila at makatutunghay sa kanilang hinahanap. Nguni’t kaaba-aba ang taong nag-aasal bulag, pipi, at bingi. Tulad ni Herodes, sila ay maaagnas sa kanilang kabuktutan at pagkamakasarili.

Sa buong Simbang Gabi ay tinunton natin ang kahalagahan ng pag-asa. Binigyang diin rin ito ni Papa Benito XVI. Tayo, aniya, ay may kaligtasan dahil sa pag-asa. Sa araw na ito, pag-asa muli ang ating tinutunton. Ang taong may pag-asa ay hindi kailanman maaring taguriang bulag, pipi, at bingi.

Ang taong may pag-asa ay naghahahanap. At ang taong naghahanap ay nakakakita, nakatutunghay, at nakatatagpo.

Hindi sila nabigo sa kanilang paghahanap. Nagpakita mismo sa kanila ang Diyos sa anyo ng isang sanggol na bagong luwal. At sa pamamagitan ng batang paslit na ito ay nagliwanag ang kaluwalhatian ng Diyos. Naganap ang pangako sa lumang tipan sa pamamagitan ng mga propeta. Nabunyag ang lalim, lawak, at liwanag ng misteryo ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa katauhan ni Kristong Panginoon sa anyong pagkabata.

Patuloy tayong naghahanap sa isang bagong araw sa Pilipinas at saan man may Pinoy na nagpapagal. Patuloy taong umaasa. Nguni’t tulad ng mga mago, hindi tayo “sitting pretty” at nakasalampak lamang sa isang sulok ng ating buhay at bahay. Tulad ng mga mago, humahayo tayo at nagsisikap na bumalikwas sa pagkagupiling sa kahirapan, kadayaan, katakawan, at pagkakanya-kanya.
Ang Pista ng Epipaniya ay pagpapakilala at pagpapahayag ng Diyos sa tanan. Ang mga bulag kuno ay hindi nakakakita, lalu na ang mga nabulagan ng kanilang kagustuhang magkamal at magkimkim. Ang mga pipi ay cerrado ang bibig sa pagpuri. Hindi nila mapuri ang sinomang sa tingin nila ay balakid sa kanilang madilim na pangarap. Ang mga bingi ay walang narinig. Cerrado pati tainga nila sa balitang mapagligtas at mapagpalaya.

Ikaw ba ay isa pa ring bulag, pipi, at bingi?

Paranaque City, Philippines – Enero 3, 2008