frchito

Imbakan para sa Oktubre, 2008

PAG-ALALAY, PAG-AALAY, PAGNINILAY

In Araw ng mga Patay, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Tagalog Sunday Reflections on Oktubre 29, 2008 at 20:26

Araw ng mga Kaluluwa
Nobyembre 2, 2008

Tayong mga Pinoy ay bihasa sa pag-alalay sa mga nangangailangan. Dahil sa tayo ay nasa konteksto ng isang mahirap na bansa, ang pagtabang, pagtulong, o pag-alalay sa kaninumang may matinding pangangailangan ay isa sa pinakamagandang kaugaliang Pilipinong taglay pa ng marami.

Maging sa larangan ng mga buhay at sa larangan ng mga namatay o yumao, itong pag-alalay na ito ay hindi maikapagkakaila. Iyan ang dahilan kung bakit tuwing undas (undras sa amin sa Cavite), abalang-abala ang lahat, at balisang-balisa sa paghahanda, paglilinis, at pananatili sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay na nauna na sa kanila. Taon-taon, ang puntod ay nakakatanggap ng “extreme makeover” – ng paglilinis at pagpipinta sa maraming pagkakataon.

Nguni’t sa diwa ng pananampalatayang Kristiyano, ang pag-alalay na ito ay may higit pang malalim na kahulugan. Ito ang diwa ng pag-aalay, ng pagkakaloob ng mga panalanging patungkol sa mga kaluluwa ng mga yumao. Bukod sa mga bulaklak na alay sa puntod, marami sa atin ang nag-aalay ng mga pamisa,  at ng iba pang mga panalangin para sa kanilang ikaluluwalhati.

Ang lahat ng ito ay naghahatid sa atin sa isang higit na malawak na pagninilay tungkol sa kamatayan. Lahat tayo ay may angking takot sa pagkamatay. Marami sa atin ang sinasagian ng pangamba o takot kapag napag-uusapan ang pagkamatay. Maraming mga kultura sa ibang bansa, tulad ng America, na dahil sa sobrang pagpapahalaga sa pagkabata ay nakukublihan ang katotohanang ang buhay ay may wakas o hangganan. Ginagawa ng mga kulturang ito ang lahat upang itago ang kapaitan ng kamatayan.

Sa araw na ito, ang katotohanang ito ay hindi itinatago, bagkus, ipinagdiriwang. Ito ang kahulugan ng liturhiya – pagdiriwang, paggunita, at paghawak sa pangako ng hinaharap ng buhay ng tao. Ito ang  maliwanag na sinasaad sa prepasyo ng patay. Sa pananampalatayang Kristiano, ang buhay ay hindi nagwawakas, kundi nagbabagong anyo lamang. Ang pagkamatay ay hindi siyang wakas ng buhay ng tao kundi daan patungo sa tunay na buhay.

Samakatuwid, ang kamatayan, ayon sa kristianong pagninilay, ay puno ng pangako, puno ng pag-asa. Kung gayon, ang mata ng pananampalatayang kristiyano ay iba ang nakikita sa karanasang makatao ng kamatayan.

Iyan marahil ang nasa likod ng kakaiba nating kasayahan sa araw ng mga patay. Puno ang mga sementeryo kahapon. Puno rin ng tila malinaw na pagdiriwang ang maraming tao. Halos piyesta ang dating sa maraming lugar sa buong bansa.

Nguni’t hindi ito lubos na kristiano hangga’t hindi natin naaabot ang diwa at kabuuan ng lahat ng  pagsasayang ito. Sa pagdiriwang, sa paggunita sa mga yumao, ang ating pag-alalay, at pag-aalay ay dapat mauwi sa rurok ng ating pagninilay – tungkol sa katotohanang ang hantungan ng buhay ng tao ay walang iba kundi ang Diyos. Siya ang nagkaloob ng buhay. Siya rin ang bumawi sa pahiram na buhay na ito. At Siya rin ang nagkakaloob sa atin ng pangako at katuparan ng buhay na walang hanggan.

Sumalangit nawa ang mga kaluluwa ng mga nangamatay nating mga kamag-anak at kapanalig!

PAG-IBIG, HINDI PAGKABIG!

In Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections, Taon A on Oktubre 20, 2008 at 17:21

Ika-30 Linggo ng Taon(A)

Oktubre 26, 2008

Mga Pagbasa: Exodo 22:20-26 / I Tesalonika 1:5c-10 / Mt 22:34-40

Ang unang pagbasa ay isang liksiyon na parang akmang-akma sa ating panahon. Ito ay may kinalaman sa hindi pagsasamantala sa mga taong dala ng kanilang katatayuan ay napakadaling pagsamantalahan: ang mga maglalakbay at banyaga, ang mga balo, at mga ulila. Sa batas ng Diyos na inihabilin kay Moises, mayroong espesyal na pagtatangi ang Diyos sa mga mahihina, marurupok, mga talusaling, at mga walang kaya sa lipunan.

Ang Linggong ito ay nakalaan sa isang napakahalagang usapin – pag-ibig.

May isang manunulat na isang psychotherapist na nagsabing may dalawang posibleng saloobin ang lahat ng tao. Ang tao, aniya, ay puedeng mapabilang sa tinatawag niyang “takers” o “givers.” Bagama’t hindi ito ang kabuuan ng kanyang sinasabi, puede natin maunawaan ang mga pagbasa sa araw na ito sa pamamagitan ng lenteng ito.

Tayong lahat, kung gayon, ay puedeng mapabilang sa mga hanay ng mga pakabig o sa lupon ng mga taong mapagkaloob – mga taong pasunggab o mga taong puno ng pag-ibig sa kapwa.

Noong isang Linggo, pinaalalahanan tayo ng Panginoon na may tungkulin tayo kay Cezar at may tungkulin at pananagutan din tayo sa Diyos. Hindi kailangang may alitan o oposisyon sa dalawang ito. Bilang mamamayan sa lupa, mayroon tayong pananagutan sa lipunan, subali’t bilang mamamayan ng langit, ay mayroon rin tayong pananagutan sa Diyos na siya lamang Diyos, as wala nang iba.

Nakita natin noong isang Linggo, na sa kadahilanang ang ating lipunan ay nababalot ng susun-susong mga katiwalian, kadayaan, at katakawan at pagkakanya-kanya, malayo tayong mapabilang ni sa mga maka-Cezar, ni sa mga maka-Diyos. Sa galing natin bilang Pilipino sa pagtakas sa batas, sa galing nating magpalusot sa lahat ng gusot, at sa malaki nating kakayahan na iwasan ang lahat ng pananagutan sa kapwa, sa lipunan, sa kalikasan, at maging sa Diyos, malinaw pa kaysa sa sikat ng araw, na tayo ay hindi para kay Cesar, at lalong hindi para sa Diyos!

Kung gayon, para kanino tayo?

Ito ang malaking palaisipang hatid sa atin ng mga pagbasa sa araw na ito. Tayo ba ay pakabig o mga taong tigib ng pag-ibig?

Sa aklat ng Esodo, malinaw na hindi inaaprubahan ng Diyos ang pagsasamantala. Madaling pagsamantalahan ang banyaga. Ang banyaga ay tila isa ng isdang wala sa tubig. Tuliro ang banyaga sa dayuhang bayan. Madaling maloko; madaling masilo at ma-engganyo. Ang puso ng Diyos ay kapanig sa mga banyagang walang kamuang-muang. Gayundin, hindi pinapanigan ng Diyos ang mga nanlilinlang sa mga balo – sa mga babaeng dala ng pagtangis at pagluluksa, ay hindi malinaw ang pag-iisip. At higit sa lahat, hindi masaya ang Diyos sa pagsasamantala sa mga ulila. Sila ang pinakawalang-kaya sa lahat.

Kung ating titingnan ang mga nagaganap sa ating lipunan, hindi maikapagkakaila na napakapalasak ang pagsasamantala. Ilang mga balo ang nawalan ng kanilang ipon dahil sa mga pyramidal schemes o mga raket hinggil sa pananalapi? Ilang mga balikbayan ang umuuwi sa America o saanman, na nawalan ng credit card, o napabili ng bagay na walang silbi, sapagkat mayroong mabilis pa sa alas kwatro ang isip sa pagsasamantala sa kapwa? Ilang milyong mga Pilipino ang naloloko ng mga politicong sanga-sanga ang dila, na bago mag halalan ay puno ng pulot pukyutan ang bibig, nguni’t sa oras na mahalal ay napapalitan at napupuno ng kapaitan ang puso ng mga taong nalinlang? Ilang mga kabataan ang disin sana ay napaganda ang kinabukasan sa pamamagitan ng magandang edukasyon, nguni’t nabigo at naunsyami sa kadahilanang ang perang para sa mga aklat ay nawaldas at pinaghati-hatian ng mga tiwaling kawani ng kawanihan ng edukasyon? Ilang mga sundalong nakikipagbakbakan sa kaaway at isinusuong ang buhay sa larangan ng giyera ang wala ni sapatos, wala ni pagkain sapagka’t ang budget na wala pang 80 piso sa pagkain ay nababawasan pa at pinaghahati-hatian ng mga nakatataas na opisyal?

Ang aking listahan ay higit pa rito. Maraming dahilang upang magdugo hindi ang ilong, kundi ang puso ng maraming nakakaunawa. Ang tugon natin sa unang pagbasa ngayon ay tugon ng isang dukha – ng anawim ni Yahweh, na pinagpala sapagka’t bagama’t wala nang ibang tutulong, ay nasa panig nila ang Diyos: “Mahal kita, O Diyos, aking lakas at kalasag!”

Mahirap unawain ang turo ng Diyos na umibig. Kay daling manatiling pakabig, pasunggab, at patanggap. Ito ang ginagawa ng sangkatauhan sa mula’t mula pa. Matindi ang pagsasamantala ng tao sa kalikasan, tulad ng mga trosong patuloy na ibinababa sa bundok ng Sierra Madre, tulad ng mabilis na pagkamatay ng lawa ng Bay sa Laguna, at lawang Taal, sa Batangas. Pakabig ang batas na nasusunod. Di maglalaon ay tuluyan nang mamamatay ang mga isdang tawilis at maliputo sapagka’t ang mga pribadong baklad ng mga palaisdaan ay walang puknat na kumakabig at kumikita nang walang pakundangan sa kinabukasan at kapakanang pangkalahatan, at walang pansin sa kinabukasan.

Tuloy tuloy ang ating pagkabig … sa paggamit na walang patumangga ng mga plastic, ng mga shampoo satchet, ng mga Styrofoam na kahon na hindi nabubulok. Pakabig, hindi pag-ibig ang modelong nasusunod sa larangan ng buhay. Tingnan lamang natin ang Sagada at ang Baguio. Di maglalaon ay ang modelong pakabig rin ang siyang maghahatid sa mga lugar na yaon upang maging tulad ng EDSA sa Maynila, na matatabunan ng mga billboards at patalastas ng mga gamut na nakapagpapaputi ng balat. Sa kabila ng ilan nang aksidente, ay patuloy pa ring nagbabagsakan ang mga kabitan ng mga dambuhalang larawan ng artista at politikong nag-aastang artista na nag-eendorso ng mga kung ano-anong mga pangkulapul sa katawan at sa mukha!

Mahirap ang umibig at kay dali ang kumabig. Subali’t ngayon, ang buhay ng Kristiyano ayon sa pagunita sa atin, ay hindi isang pamamasyal sa ilalim ng buwan. Ito ay isang pamumuhay na tulad ni Kristo. At ayon sa huling kabanata ng metanarrative ng kaligtasan ng tao – ng isang nagtutuloy at mahabang salaysay ng ating buhay kay Kristo, ang kaligtasang ito ay naganap sapagka’t si Kristo ay naging tao, at nagpakita sa atin ng matingkad na halimbawa na ang buhay natin ay dapat pamugaran at pamulaklakan, hindi ng saloobing pagkabig, kundi pag-ibig… sa Diyos at sa kapwa.

KAKANYAHAN O KAKAYAHAN?

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Oktubre 13, 2008 at 11:36

Ika-29 na Linggo ng Taon(A)

Oktubre 19, 2008

Mga Pagbasa: Isaias 45:1, 4-6 / Tesalonika 1: 1-5b / Mateo 22: 15-21

Matipuno at makapangyarihan noon si Ciro. Siya ang pinakamataas sa imperyo noon ng Persia. Wala nang hihigit sa kanya. Masasabi nating ang kanyang kakayahan ay walang hangganan, walang balakid, walang paghamon. Subali’t sa kabila ng ganoong kapangyarihan, nakakita rin siya ng katapat. Sa harap ng pagpapakilala sa kanya ng iisang Diyos, naghupa ang kanyang kalooban … nagpakababa, at napasailalim sa harap ng isang katotohanang hindi niya masisiphayo magpakailanman.

Bagama’t wala tayong ebidensiya na si Ciro ay lubusang nakisama sa pananampalataya ng mga Israelita, puede nating sabihin na sa pagsusumamo ng Diyos sa kanyang pagpapahayag at pagpapakila ng sarili, nagapi ang kanyang tila di matitinag na kapangyarihan at nabuksan ang kanyang puso sa katotohanan – ang katotohanang ang nais ng Diyos ay katiwasayan, kapayapaan, at kalayaan para sa Kanyang pinakamamahal na bayan.

Si Ciro ang itinanghal ng imperyo ng Persia bilang dakilang pastol. Sa mata ng Diyos, nagamit Niya maging isang di-kapanalig upang masulat nang tuwid and isang kasaysayang pinagliko-liko at pinagkawing-kawing ng iba-ibang mapapait na karanasan, sa ilalim ng makapangyarihang mga bayan sa paligid ng Israel.

Tunay na angkop na angkop ang tugon natin sa unang pagbasa, na ngayon ay ipinatutungkol natin sa Diyos: “Papuri at luwalhati sa Iyo, O Panginoon!”

Marami ngayong mga pinuno at makapangyarihang tao na pinapanginoon ng higit na marami pang tao. Pinapanginoon ng bilyong katao si Bill Gates. Sa yaman niya at kapangyarihang kaakibat ng pera, maraming mangha sa kanya. Nguni’t marami ring galit at inggit sa kanya. Mayroon namang mga politikong tao na tila ang kanilang kapangyarihan ay niyari sa langit. Wala nang ibang tila makapapalit sa kanila kundi kanilang asawa, anak, apo, at apo sa tuhod. Sa larangan ng business, hindi maikakaila na kay raming halos ay manggayupapa sa harapan nina Henry Sy, Lucio Tan, at iba pang mga malalaking negosyante sa ating bayan. Kaya nilang magluklok ng presidente sa Malakanyang o mga senador o congresista saan mang dako ng Pilipinas. Pati sa larangan ng relihiyon, kay raming mga politikong nanggagayupapa sa harapan ni Eddie Villanueva, at ni Mike Velarde, upang makasiguro na sila ay maihahalal ng balana. Maging sa mga “covenanted communities,” ang mga tinatawag na “elders” ay parang mga politikong hindi napapalitan sa pwesto.

Kapangyarihan, kayamanan, posisyon … ang lahat ng ito ay bumubuo sa tinatawag nating “kakanyahan” (identity) ng isang tao. Ito ang batayan ng tinatawag ng mga sikologong “bloated ego” – isang kakanyahang parang pantog na lumaki nang lumaki sa haba ng panahon ng tinatawag nilang “public service” o “ministry.” Nakaimbento pa ang marami ng palusot sa ganitong sitwasyon … ang pagbibigay taguri dito bilang “servant leadership.” Ang kanilang pagtutulad dito ay para bagang sila raw ay parang si Kristo na nakapako sa krus, habang naglilingkod sa kapwa. Nguni’t ang ipinagtataka ng marami ay simple lang … kung ito ay pagkapako sa krus, ay bakit ayaw nilang bumaba sa krus?

Malaki ang aral na dapat natin mapulot kay Ciro. Sa kabila ng kanyang kakanyahan, ay naglubag ang kanyang kalooban sa mga aping mga Israelita sa Babilonia. Alam natin na sa kasaysayan, pinalaya niya ang mga bihag sa Babilonia noong taong 538 BCE.

Dito ngayon papasok ang paksang ating nais liwanagin sa araw na ito. Hindi kakanyahan ang dapat bigyang-diin ng tao, kundi kakayahan. Ang kakayahan ay hindi parang pantog na lumolobo, na puno lamang ng hangin. Ang kakayahan, hindi kakanyahan, ang siyang nabubuo sa pamamagitan ng pagsisikap, pagsisikhay, pagpoporsigue, at pagsusunog ng kilay, kasama ng isang kaloobang hindi umaasa sa sariling katalinuhan lamang kundi sa biyaya at tulong mula sa itaas.

Dito naman naging malinaw na halimbawa ang mga Israelita … Sa Diyos, hindi sa tao, sila nagpahayag ng pananalig: “Papuri at luwalhati sa Iyo, O Panginoon.”

Ito rin ang tinutumbok ng mga kataga ni Pablo sa mga taga Tesalonika. Sa Diyos siya nagpasalamat, kasama ni Silvano at Timoteo, sapaka’t aniya, ang ebanghelyo ay hindi lamang nanatiling salita, kundi naging isang kakayahan at kapangyarihang dulot ng Espiritu Santo. Hindi kakanyahan, hindi kayabangan at hungkag na lobo ng guni-guni ang siyang naghari sa puso at isipan ng tatlong mga “lingkod ng Diyos,” bagkus ang kakayahang nakamit nila sa biyaya ng Diyos mula sa itaas.

Malaki ang kinalaman ng kakayahang mula sa langit at hindi kakanyahang puno ng yabang sa tagumpay ng taong maka-Diyos. Ang may kabatirang ang kanyang kakayahan ay hindi mula sa sariling sikap lamang ay marunong magbigay ng kung ano ang dapat sa Diyos at sa tao. Ito ang diwa ng tugon ni Kristo sa mga nagsisikap maglatag ng patibong sa kanya. Sa mga mapagbalatkayong tao na nagtanong sa kanya, sumagot siya ng isang tugon na punong-puno, hindi ng kakanyahan, kundi kakayahang makalangit: “Ibigay sa Diyos ang para sa Diyos, at kay Cesar ang para kay Cesar.”

Ang ating pagninilay sa Linggong ito ay may kinalaman sa lahat. Ito ay para sa mga walang kakayahang makamundo tulad ng mga mangmang at mahihirap. Hindi wasto na isiping tayong lahat ay biktima lamang ng mga makapangyayari. Hindi tayo dapat magpadala na lamang sa panlilinlang ng mga may angking “kakanyahan.” Puede nating tulungan ang sarili natin upang maging higit na maalam at marunong, upang hindi manatiling utusan at utu-uto sa harapan ng mga taong naghahanap lagi ng kapwang manghihinuhod sa kanilang paanan, dahilan sa akala nilang kakulangan nila o kasalatan ng kakayahan.

Nguni’t ito, higit sa lahat, ay para sa mga taong lasing na lasing sa kanilang kakanyahan. Nakatikim lamang ng kaunting kapangyarihan ay nakalimutan na na ang lahat ay may hangganan. Nakatutuwang gunitain ang sinabi ni Shakespeare sa isa niyang panulat: “Man, proud man, drest in a little brief authority, does some fantastic tricks before high heavens, as make the angels weep!”

Tumatangis ang mga anghel sa parang pantog at lobong angkin ng mga taong namimintog ang kalooban sa kakanyahan at kayabangan. Tumatangis ang mga anghel sa katiwalian ng mga pinagpala nang higit sa lahat sapagka’t sila ay makapangyarihan at may hawak ng baril. Tumatangis ang balana sa mga walang pakundangan sa patuloy na paghihirap ng marami, masunod lamang ang kanilang pangarap na maging presidente o senador o anumang nagkukumahug na posisyon sa lipunan, na laging tinataguriang public service, ngunit ni kapurit na serbisyo ay hindi mababakas sa kanilang pamumuhay.

Mabuti pa si Ciro … walang paniwala subali’t hindi timawa. Tulad ng binasa natin sa sulat ni Pablo sa mga taga Filipos, ang may angking kakanyahan ay dapat bumaba, tulad ni Kristo, na bumaba sa kanyang pagka-Diyos at naging tao tulad natin lahat.

Matapos ang lahat, ang mahalaga ay hindi isang naglolobo at namimintog na kakanyahan, kundi isang kakayahang nakakakilala at nakababatid na mayroon higit na makapangyayari sa itaas. Sa kanya lamang ang puri at luwalhati magpakailanman!

PAGTATAPON O PAGTITIPON?

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Oktubre 10, 2008 at 10:49

Ika-28 Linggo ng Taon (A)

Oktubre 12, 2008

Mga Pagbasa: Isaias 25:6-10 / Filipos 4:12-14, 19-20 / Mateo 22:1-14

Halos lahat ng larawan na ipinipinta ng mga pagbasa ay may kinalaman sa isang pagtitipon. Sa hula ni Isaias, natunghayan natin ang isang bangketeng sagana ang nakalaan para sa lahat ng tao. Hindi na natin dapat ulitin ang mga sangkap ng handaang ito an siguradong makapagpapagutom sa atin.

Alam natin na ang lahat ng ito ay nakatuon sa tinatawag na “messianic banquet” na isa sa mga larawan ng darating na kaganapan ng kaligtasang ipinangako ng Diyos sa kanyang bayan, isang larawang binigyang-pahimakas sa buhay hayagan (public life) ni Kristong Panginoon.

Ito ang pangako at hula na ating pinanghahawakan bilang mananampalataya. Iyan ang dahilan kung bakit ang tugon natin sa unang pagbasa ay walang iba kundi ito – ang ating maigting na pag-asa na tayong lahat ay makakabilang balang araw sa handaang ito: “Mananahan ako magpakailanman sa bahay ng Panginoon.”

Hindi kaila sa ating lahat na tayong mga Pilipino ay patuloy pa ring naghahanap ng pamalagiang tahanan. Marami sa ating maralitang taga-lungsod ang walang tahanan. Kay dami ang nakatira sa mga kariton, sa ilalim ng tulay, sa gilid ng mga ilog, na patuloy na nababarahan, kundi naglalaho na lamang at sukat. Alam rin natin na sampung bahagdan (10 %) ng ating kababayan ay naninirahan o nakikipanirahan sa ibang bansa. Tayong mga Pilipino ay matatagpuan sa mahigit sa 100 bansa sa buong mundo! Ang karanasan ng mga Israelita na naging isang bayang palagiang naglalakbay, palagiang naghahanap ng matutuluyan ay karanasan din natin bilang Pilipino.

Nguni’t ito ay hindi lamang natin karanasan. Ito ang panawagan ng Diyos para sa lahat ng tao. Tayong lahat ay mga pelegrinos (pilgrims) na walang permanenteng tahanan sa lupang ibabaw. Tayong lahat ay bumubuo sa iisang bayang ang kinabukasan ay maging ganap na isa sa ilalim ng pamamatnubay at pamamahala ng Diyos.

Iyan ang diwa ng larawan ng isang dakilang bangkete na handa ng Mesiyas! Iyan ang hantungang nais nating marating at makamit! At ito rin ang panagimpan at kagustuhan ng Diyos para sa atin.

Malayo pa ang lakbayin natin. Marami pang kanin ang kakainin ng mga Pinoy upang marating ang ating sariling Lupang Pangako. Marami pang luha at paghihinagpis ang pagdaraanan ng libo-libong mga Pinoy na minamatamis nilang makipagsapalaran sa mga karagatan ng buong mundo kaysa mamatay ng dilat ang mata, kumbaga, dito sa bayang walang masyadong maiaalay na trabahong makapaghahatid sa magandang kinabukasan sa kanilang mga anak. Mas ginugusto pa ng marami ang posibleng madakip ng mga pirata sa Somalia kaysa sa manatili ditong nakatingala sa kisame maghapon.

Pangarap natin ang kaligtasang makamundo!

Ang magandang balita ngayon ay higit pa rito. Pangarap rin ito ng Diyos. Nguni’t ang pangarap ng Diyos para sa atin ay bumabagtas pa sa rito, humihigit pa rito. Pangarap ng Diyos na ang lahat ng tao, ang lahat ng bayan sa buong daigdig ay makapiling Niya at ng isa’t isa sa isang walang hanggang bangkete sa kabilang buhay.

Nguni’t ang pangarap na ito ay dapat maging pangarap rin natin nang lubos. Mayroon rin tayong pananagutan at tungkulin upang ito ay maging katotohanan para sa atin.

Alam natin na mayroong mga Pinoy, na sa kanilang kagustuhang maka-angat sa buhay ay nauuwi sa pagbabagong ugali, sa pagbabagong pananampalataya, sa pagpapadala sa ibang mga kaugalian at paniniwala. Marami ang nawawalan ng pananampalataya sa isang bansa, nadadala ng kultura ng postmodernismo, ng konsumerismo at sekularisasyon.

Sa dahilang ito, masasabi natin na ang ilan ay napapatapon at napapariwara. Sa halip na dumulog sa bangkete na tama ang disposisyon at tama ang kasuotan, ay nagbibihis sila nang hindi angkop, kumbaga, sa dakilang handaan.

Dito papasok ang talinghaga sa ebanghelyo. Malinaw ang pangaral. Lahat ay inaanyayahan. Lahat ay tinatawagan ng Diyos. Lahat ay nais niyang tipunin. Subali’t mayroong naging patapon kumbaga sapagka’t hindi wasto ang kanyang pag-uugali. Hindi tama ang kanyang pananamit. Ayon sa talinghaga, ang taong ito ay ipinatapon sa labas, hindi sapagka’t hindi siya dapat kabilang, nguni’t sapagka’t hindi niya iniangkop at inihanda ang sarili sa paanyayang dakilang ito. Hindi ang may handa ang nagpatapon sa kanya, kundi ang kanyang maling pagpapahalaga sa paanyaya.

Tayong mga Pinoy saanman tayo naroon ay hindi mga patapon … Tayo ay mga pelegrinos, mga taong naglalakbay patungo sa isang hantungang hindi gawa-gawa lamang natin. Tayo ay hindi itinatapon sa ibang bansa hindi upang maging mga patapon, kundi upang maghanda sa dakilang pagtitipong nabanggit natin. Ito ay walang iba kundi ang langit na tunay nating bayan.

Doon, kasama ng Banal na Santatlo, at kaniig ng lahat ng nagdamit nang tama, at nag-asal nang tama, tayong lahat ay makakaranas, hindi ng walang hanggang pagpapatapon bagkus walang hanggang pagtitipon. “Mananahan ako magpakailanman sa tahanan ng Panginoon!”

UBUSAN SA UBASAN!

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Homily, Sunday Reflections on Oktubre 3, 2008 at 19:31

Ika-27 Linggo ng Taon(A)
Octobre 5, 2008

Mga Pagbasa: Is 5:1-7 / Filipos 4:6-9 / Mt 21:33-43

Tatlong linggo na natin naririnig ang ebanghelyo na may kinalaman sa ubasan. Noong nakaraang dalawang linggo, narinig natin ang mga taong nagpagal sa ubasan nang iba-ibang haba (o ikli) ng panahon. Nguni’t pare-pareho ang kanilang sinahod. Noong isang Linggo narinig natin ang dalawang magkapatid na pinadala ng Ama sa ubasan. Ang una ay tumanggi nguni’t nagbago ang isip sa huling sandali at nagtungo. Ang ikalawa ay sumagot ng “oo” subali’t ni anino niya ay hindi nakita sa ubasan.

Sa Linggong ito, ubasan na naman ang escena … pero iba ang kwentong salaysay … Tingnan natin muli…

Ang may ari ng ubasan ay malayo ang tirahan. May mga katiwala siyang pinag-ingat ng ubasan. Nang magpadala ng mga taong ang pakay ay kumubra ng kanyang parte sa ani, ang mga pinagkatiwalaan ay nag-asal hayop. Pinatay nila ang mga sugo at kobrador. Huli sa lahat ay pinadala rin niya ang kanyang anak. Gayon din ang palad na kanyang sinapit sa kamay ng mga tampalasang katiwala.

Nagka-ubusan ng lahi sa ubasan!

Subali’t madaling mabulid sa isang maling pagka-unawa sa talinghagang ito na isang alegoriya. Hindi ito leksiyon tungkol sa karahasan. Hindi ito isang pangaral na tama at wasto ang ginawa ng mga katiwalang ang kanilang pakiramdam ay sila ay nalamangan o nadaya. Walang kinalaman ito sa kung mali o tama ang gumawa ng karahasan sa kapwa.

Bilang isang alegoriya, dapat nating unawain kung ano ang isinasakatawan ng bawa’t isang elemento o gumaganap na tauhan sa kwento.

Una, dapat alalahanin na ang kausap ni Kristo ay mga punong pari at mga pariseo. Sila ang kumakatawan sa mga katiwalang tampalasan. Dumating ang mga sugo – mga propeta – nguni’t hindi sila nakinig at naniwala. Huli sa lahat ay dumating ang bugtong na Anak ng Diyos, sa katauhan ni Kristo. Siya man ay siniphayo at di pinansin ng mga tampalasan. Alam natin kung ano ang naganap sa kanya … Ipinako at namatay siya sa krus, sa pamamagitan ng pagbabalak na maitim ng mga kinauukulan.

Subali’t sapagka’t tayong mga taga-sunod ni Kristo ay naparito upang makatanggap ng pangaral para sa ating sarili sa Liturhiyang ito, dapat natin ngayon tingnan ang kahulugan nito para sa ating buhay. Tayo man ay kinakausap ngayon at pinangangaralan ng Ebanghelyo at ng dalawa pang pagbasa. Ayon sa tradisyon ni Ignacio de Loyola, makabubuti sa atin kung sa pagbabasa natin ng ebanghelyo, ay mailagay natin ang ating sarili sa lugar na kung saan naganap ang pangyayaring ito, kung baga.

At dito ngayon papasok tayo bilang kabahagi ng kasaysayang ito. Tayo ba ay papanig sa mga taong ang pakay ay ubusin ang ubasan at mapasakanila ang lahat? Tayo ba ay nasa lugar din ng mga punong pari at pariseo na, sa kabila ng lahat ng pagpupunyagi ng Ama, ay napadala sa sariling mga balakin na kalimitan ay nagmumula sa isang maitim na budhi at makasariling mga layunin?

Hindi como nagpupuyos ang damdamin natin sa mga tampalasang mga katiwala ay tayo ay hindi na mabubulid sa ganitong kamalian. Bagama’t hindi naman sigura natin maiisipan ang pumaslang at kumitil ng buhay, hindi malayong mangyari na kaya nating kitilin kung hindi may buhay, ay ang magandang ideya na maghahatid sa kabutihan ng ating sarili o ng ibang tao. Hindi man siguro nating maisip na ubusin ang mga sugo ng Diyos, ay kaya naman siguro nating ubusin o tanggalin sa isipan ang mga magagandang adhikain na may kinalaman sa buhay na walang hanggan, sa mga bagay na nagpapabanal.

Malaking labanan ang nagaganap ngayon sa kongreso – kung ipapasa ba o hindi ang isang batas na labag sa kalooban ng Diyos, na bahagi ng tinatawag ni Papa Juan Pablo II na “contraceptive mentality,” na bahagi ng kultura ng kamatayan. Hindi man natin isiping patayin muli si Papa Juan Pablo II, ay naiisip nating patayin, hindi lamang ang mga batang inosente, kundi pati na rin, ang pangaral na naghahatid sa tunay na pangkalahatang kabutihan at kapakanan ng buong pagkatao natin.

Handa rin tayong ubusin ang nagmamay-ari ng ubasan ng buhay makatao.

Ang ubasan ay larangan ng buhay ng tao. Ito ay larawan ng buhay na walang hanggan na naghihintay para sa atin lahat. Ano ba ang gagawin natin sa mga sugo ng may ari?

Tayo ba ay mag-aasal tulad ng mga taong gumanap sa kwentong ito na ang pamagat ay UBUSAN  SA UBASAN?