frchito

Imbakan para sa Nobyembre, 2008

GISING, HINDI LASING!

In Adviento, Homily in Tagalog, LIngguhang Pagninilay, Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Nobyembre 25, 2008 at 20:51

Unang Linggo ng Adviento(B)
Nobyembre 30, 2008

Mga Pagbasa: Is 63:16b-17, 19b; 64:2-7 / 1 Cor 1:3-9 / Mk 13:33-37

Ewan ko kung ilan sa inyo ang gising sa katotohanang bagong taon na ngayon sa simbahan. Nagwakas kahapon ang huling linggo ng karaniwang panahon. Sa mga nakaraang araw, narinig natin nang paulit-ulit ang mga larawan ng pagwawakas, ang pagdatal ng mga katotohanang sa lalim, lawak, at lapad ay nakuha lamang ipinta ni Juan Ebanghelista sa pamamagitan ng mga sagisag, lalu na sa aklat ng Pahayag na ating pinagnilayan araw-araw sa loob ng nakaraang tatlong linggo. Mga katotohanang apokaliptiko ang tawag sa mga pangitaing ito, na may kinalaman sa darating na wakas ng panahon, at kaganapan ng pangakong kaligtasan ng Panginoon.

Sa loob ng apat na linggong darating sa panahon ng Adviento, hindi kahindik-hindik na wakas ang binibigyang-liwanag ng mga pagbasa at ng buong liturhiya ng simbahan, bagkus mga pahimakas at panawagan sa isang maigting at malalim na pag-asa. Pagdating ang diwang tinutumbok ng lahat ng gagawin natin sa simbahan magmula sa araw na ito. Paghihintay naman ang saloobing ikinikintal ng ating mga pagdiriwang sa liturhiya. At pagbabantay kasama ng paghahanda naman ang siyang mamumukal sa puso natin at kaisipan sa buong panahong ito ng adviento.

Pero, sandali lang … Ito nga ba ang siyang saloobin at gawain natin sa mga araw na ito? Tunay nga bang ang ating mga puso at isipan ay gising sa diwa ng paghihintay?

Kung minsan, mahirap isipin na tayo nga ay gising. Lasing na lasing ang buong mundo ngayon sa pagkabalisa. Nagbagsakan at nagkawindang-windang ang pamemera sa buong mundo. Nalansag ang inaakala ng maraming matatag na pundasyon ng ekonomiya matapos nangagsipagtalikuran ang mga taong wala nang maibayad sa kanilang pagkakautang. Lasing na lasing ang mga eksperto sa ekonomiya na, dahil sa kanilang katakawan ay unti-unting nagpundar ng isang imperyo na batay sa perang papel, na walang ampat na tumaas nang tumaas ang halaga, hanggang ang mismong mga haligi nito ay biglang bumigay at ang lahat ng nag-aasam nang kagitna ay tuluyang nawalan ng sansalop. Nabuwag ang imahinaryong gusali ng perang kenkoy at natinag ang katiyakan at kasiguraduhan ng buong daigdig.

Iisa lamang ang puno at dulo ng lahat ng ito – katakawan, at paghahanap ng higit pa sa lehitimong tubo sa serbisyo at mga produkto.

Lasing ang marami sa mga susun-susong mga balita ng katiwalian sa pamahalaang Pinoy. Lasing na lasing ang mga senador at mga kongresista sa paggawa ng sabay sabay na imbestigasyon. Hindi magkanda-ugaga ang mga mambabatas sa paghahanap ng kung sino ang magnanakaw sa mga nakaposisyon noon at ngayon sa gobyerno. Lasing na lasing ang mga nanunuod at nakikinig sa mga balita … siguro’y ang dapat na salitang gamitin at duling na duling na at tuliro na ang balana sa pagsunod sa isang walang silbing paghahanap ng katotohanang alam na naman ng lahat sa buong Pilipinas – na ang buong pamahalaan noon, ngayon, at bukas, ay pinamumugaran ng mga sinungaling, mandarambong, at mapagsamantala.

Lasing na lasing na ang lahat sa pakikinig tungkol sa 109 na libong Euro na ang tangi namang tanong na hindi masagot-sagot ay hindi kung naisauli na iyon, kundi kung saan galing antemano ang perang yaon, at kung saan at kanino ibabalik.

Lasing na lasing ang mga nasa posisyon. Lalu na’t malapit na ang halalan sa taong 2010. Pasuray-suray na ang marami sa kanila sa paghahanap ng gagastusin sa halalan. At ang mga mahihina ang pakiramdam sa tamang “timing” na nagpahayag ng kanilang pagtakbo, ay hinanapan ng lahat ng butas upang hindi matuloy ang kanilang maitim na balak. Siraan, bukingan, sumbungan at mga kudeta sa senado at sa marami pang lugar ang bunga ng lahat ng ito.

Lasing, hindi gising sa katotohanan ang marami sa ating lipunan. Hindi gising sa katotohanang ang sariwang tubig ay patuloy na nanganganib sa pag-init ng buong mundo. Hindi gising ang mga nasasa tinatawag na “public service”  sa katotohanang ang mahihirap at mga salat na salat ay patuloy na dumadami habang sila ay patuloy na nakapagdadala, o nakapagpapadala  o nakapagpupuslit laman ng mga handbag ng mga misis nila, ng mga euros sa Switzerland o saan mang lugar sa lumiliit na mundo.  Lasing, at hindi gising sa katotohanang patung-patong at sali-salimuot at sala-salabat na ang mga malahiganteng mga problema sa lipunan habang lumalaki rin ang mga balitaktakang walang patumangga sa dalawang camara ng kongreso.

Lasing at hindi gising ang mga nahirati sa kapangyarihan, sa pagiging ejecutivo, sa pagiging Usec o Assec at kung anu-ano pang mga taguring pare-pareho naman at pawang mga titolong pasaporte lamang sa katiwalian.

At ito pa ang matindi … lasing na lasing sa kawalang pansin at pagwawalang-bahala ang balana sa kalakarang ito na nagbubunsod sa kanila upang wala nang makitang mali sa lahat ng ito.

Ewan ko sa inyo, pero kung minsan, kapag ako ay nagmamaneho sa makatanghalian, ako ay biglang dinadapuan ng antok. May mga pagkakataong sa biglang pagkaidlip ay bigla rin namang mahihimasmasan at magigising. Ito ang biglang pagkagising ng mga Israelita sa unang pagbasa: “Bakit mo kami pinabayaang maligaw ng landas, at lumayo sa iyong mga tuntunin; at manigas ang aming puso, at hindi na matakot sa iyo, O Panginoon?”

Ito ay isang biglang pagkagising sa katotohanan. Ito ay walang iniwan sa isang taong nagmamanehong tukatok na tukatok at biglang mahihimasmasan.

Ito ang diwa ng Adviento … ang magising … ang mahimasmasan … ang makabatid na tayo ay nalasing sa maraming bagay. Iyan ang dahilan kung bakit dasal natin matapos ng unang pagbasa ay ito: “Panginoon, pagpanumbalikin mo kami sa Iyo; ipakita sa amin ang iyong mukha, at kami ay maliligtas.”

Lasing man daw at magaling ay mahihimasmasan din … Oo … may pag-asa pa tayo. At ang pag-asang ito ay napapaloob sa bawa’t isa sa atin na pinagtatagubilinan ng Panginoon sa ebanghelyo: “Magbantay! Maging handa! Sapagka’t hindi ninyo alam kung kailan darating ang panahon.”

Saanman tayo mapadpad sa Pilipinas, may mga manggagawang kapag wala ang amo ay nalalasing at nagpapakasasa sa alak. Walang iniwan ito sa mga tao sa pamahalaan na matapos malasing sa kapangyarihan at salapi ay tuluyan na ring nalalasing sa mas masasahol pang bagay at kaugalian. Walang iniwan ito sa atin lahat na, sa tagal ng panahon, ay nalalasing na rin sa saloobing wala tayong magagawa rito at wala tayong kakayahan upang tutulan at huwag payagan ang “kalakaran” na isang salitang ipinauso ni Lozada.

Ang Adviento ay paggising. Ang Adviento ay pagmamasid at pagbabantay. At ang lahat ay tinatawagan upang manatiling gising, at hindi lasing; buo ang kamalayan, at hindi nagapi ng kawalang malay at pagmamaang-maangan.

MAKAPANGYAYARI, HINDI MAKAPAGYAYARI

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Kristong Hari, LIngguhang Pagninilay, Pagninilay sa Ebanghelyo, Sunday Reflections, Taon A on Nobyembre 20, 2008 at 20:50

DAKILANG KAPISTAHAN NI KRISTONG HARI
Nobyembre 23, 2008

Mga Pagbasa: Exequiel 34:11-12, 15-17 / 1 Cor 15:20-26,28 / Mt 25:31-46

Wala na tayong paghanga sa mga hari at reyna. Una sa lahat, kakaunti na lamang ang mga hari at reyna sa mundo. Bagama’t malaki ang pitagan ng mga taga Thailand sa kanilang hari magpahangga ngayon, at pati tayo ay medyo naiinggit sa kanilang bayan na kung may problema ay isang salita lamang ng hari ang kailangan at ang lahat ay kagya’t susunod at manggagayupapa, ang karamihan sa buong daigdig ay maliit na ang pitagan sa figura ng mga makapangyayari sa lipunan.

Sa bayan natin, tila naglaho nang lubusan ang pitagan natin sa mga makapangyayari sa lipunan. Maliit ang tingin natin ngayon sa mga politico. Bagama’t patuloy tayong tumatawag sa kanila ng bansag tulad ng “honorable” o kagalang-galang, sa totoo lang, mas nanggagayupapa pa ang madlang tao sa mga artista, sa mga mang-aawit, lalu na’t medyo mestiso o mestisa, halong Pinoy o Kano, o Canadian, hindi na bale kung sa Amerika, ang artistang ito ay isa lamang tinaguriang “hillbilly” or promdi sa ating salita sa panahon ngayon.

Sa dinami-dami ng mga eskandalong kinasasangkutan ng mga nasa “public service,” sa dami ng mga katiwaliang halos araw-araw ay natutunghayan sa pahayagan, naririnig sa radyo, at nakikita sa telebisyon, ay tila hindi na nagugulantang ang bayang Pinoy. Tanggap na yata ng Pinoy ang kalakaran sa gobyerno at sa lipunan, isang salitang salamat kay Lozada ay naging bahagi na ng kamalayang Pinoy – isang nakalulungkot na pagtanggap na lamang ng isang bagay na wala na tayong magagawa upang mabago, tila baga.

At dito papasok ang isa pang nakalulungkot na katotohanan, na kaakibat nitong kawalan ng pagtitiwala at paggalang sa mga makapangyayari sa lipunan. Ito ang isa sa mga pangunahing aspeto o elemento ng tinatawag ng mga sosyolohikong “ethos of postmodernity,” o pag-uugaling posmoderno. Wala nga tayong pitagan sa mga makapangyayari, nguni’t malaki ang paghanga natin sa mga “nakapagyayari.”

Takot tayo sa mga taong mayroong laman, ika nga, ang bulsita sa tuwina. Hanga tayo sa mga taong mayroon laging puedeng ipamudmod sa balana. May pitagan tayo sa mga taipan sa Pilipinas na nagtungo dito sa Pilipinas mula China na mahirap pa sa daga, nguni’t nakakita ng kadluan ng ginto at pilak sa Pilipinas. May paggalang tayo sa taong may magarang bahay, mas magagarang sasakyan, at nakapaglalaro sa mga lugar na hindi man lamang matutuntungan ng mga mahihirap ni sa panaginip.

Sinasamba ng balana ang maabilidad, ang mahaba ang pisi ika nga, ang malalim ang balon kung saan kinakadlo ang walang patid na yaman at kakayahan. Maraming puedeng mayari sa salapi. Marami ang puedeng mapangyari sa pamamagitan ng pera. Alam natin na pati mga kaso sa korte ay napalalawig, o naaampat dipende sa halagang kayang ilagak ng may asunto. Alam natin na kay daming mga mahihirap ang naaagnas sa kulungan, nguni’t mayroong mga makapangyayari sa lipunan ang bigla na lamang naglalaho at sukat sa kulungan, pinatawad kuno, sa kanilang diumano’y napagsisihan nang mga krimen.

Ito ang telon na nasa likod ng pagdiriwang natin sa araw na ito … isang telon na ang malaking larawan ay nagsusulong sa isang kalakarang ang tunay na hanap ng tao ay hindi kung ano, paano, at sino ang makapangyayari, kundi sino, ano, at paano mayayari ang maraming bagay.

Kung ito ang telon sa likod ng isipan natin, walang silbi at walang halaga ang pista ni Kristong Hari. Walang dating … walang kabuluhan … at walang kabig sa mga taong sigurado tayong magkukumpol-kumpol kung ang pinag-uusapan ay salaping tumataginting, kapangyarihang kumakalansing, at kakayahang nakakatusing sa balana.

At bakit hindi? Sino naman ba sa panahon natin ang maaantig sa larawan ng isang tupa? Sino naman ba sa lipunan natin ang magtatatakbo upang humabol sa isang pastol na madumi, mabaho, at mababa ang rating?

Subali’t ito mismo ang kabalintunaang dulot ng kapistahang ito. Tulad ng paghamong tapatan (SIM to SIM) na bitaw nang buong tapang ni Robin Padilla, hinahamong tapatan ng Diyos ang kalakarang ito ng lipunang nagumon na sa materyalismo at katiwalian.

Tapatan tayo … ang Hari natin ay isang maamong tupa. Iyan ang sagot natin sa unang pagbasa: “Ang Panginoon ay aking Pastol; wala na akong hahanapin pa.”

Tapatan tayo … ang Hari natin ay isang hari na natanghal at niluwalhati matapos lamang ng isang mapait at masakit na kamatayan sa krus. Siya ang unang bunga kung baga, ang unang ani, ayon kay San Pablo, sa mga nahimbing sa pagtulog. Siya ang unang nagising sa isang panibagong buhay – buhay na walang hanggan!

Matindi ang tapatan nating ito. Mahirap unawain. Mabigat arukin. At lalong mahirap tanggapin. Tapatan muli tayo … ang kapangyarihang hanap natin ay kapangyarihang makapagyayari. Di ba’t ito ang isa sa mga dahilan kung bakit tuwang-tuwa ang daigdig kay Superman, kay Batman, at kay Gagambino? May kakayahan sila pawang yariin o todasin sa dati nating salita, ang mga tiwali, ang mga kriminal, at mga tampalasan sa lipunan.

Walang ganitong kakayahang yumari o tumodas si Kristong Panginoon. Ang kanyang paghahari ay hindi mangyari, magpayari, o yumari ng kung ano mang ating ninanais bilang kagya’t na solusyon sa mga problema.

Nguni’t ang Hari natin, ayon sa ebanghelyo ay luluklok sa kanyang trono, sa takdang araw. Lahat ay magkakalipumpon sa harapan niya. Sa araw na ito ay aakuin niya ang kaganapan ng kanyang pagka-Diyos at pagka Mesias … kung kailan ang tunay niyang kalikasan na Siyang makapangyayari sa lahat ay mabubunyag.

Ito ang larawang pinta ni Mateo sa ebanghelyo. Ito ang larawang nagaganap, magaganap, at lubusang magaganap balang araw. Ito ang pag-asa natin. Ito ang panalangin natin. At ito ang awit natin kahapon, ngayon, at magpakailanman:

Mapalad Siyang dumarating sa ngalan ng Panginoon! Mapalad ang kaharian ng Ama nating si David! Alleluia!

Siya ang Haring hindi mapangyari, kundi lubos na Makapangyayari, sa takdang panahon, sa takdang matamis na panahon ng Diyos. Purihin natin Siya at pasalamantan!

TAMPULAN NG TIWALA, O PAKAWALA?

In Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Pagninilay sa Ebanghelyo, Pananagutan, Sunday Homily, Sunday Reflections, Taon A on Nobyembre 11, 2008 at 06:45

Ika-33 Linggo ng Taon (A)
Nobyembre 16, 2008

Kawikaan 31:10-13, 19-20, 30-31 / 1 Tesalonika 5:1-6 / Mt 25:14-15, 19-21

Ang hinahanap ng unang pagbasa ay tila isang imposibleng pangarap – isang karapat-dapat na asawa o maybahay, na kung masumpungan ay katumbas ng pagkatagpo ng halagang higit pa sa mamahaling perlas.  Ano ba ayon sa unang pagbasa ang isang karapat-dapat na maybahay? Ang babaeng mapagkakatiwalaan, isang taong may malasakit sa dukha at may takot sa Diyos.

Muli pang idinidiin ng tugon natin matapos ang unang pagbasa ang batayan ng kahalagahan ng isang tao: “mapalad ang mga may takot sa Diyos.”

Ang taong kaaya-aya, ayon naman kay San Pablo, ay ang mga nabubuhay, hindi sa kadiliman, kundi sa liwanag. Sila ay hindi mga taong tulog o lasing, na walang pakundangan sa muling pagbabalik ng Panginoon sa anumang sandali, bagkus mga taong nakahanda sa tuwina.

Malapit na naman ang wakas ng taong liturhiko. Sa susunod na Linggo ay kapistahan na ni Kristong Hari, na siyang pinakahuling Linggo sa taon. Sa mga huling araw na ito ng taon, ang liturhiya ay paulit-ulit na nagpapagunita sa diwa ng paghahanda, ng pagwawakas, ng pagtatapos sa unang banda, at sa diwa ng paghahanda sa panibagong panahon, sa kanilang panig.

Bihasa tayong mga Pinoy sa paghahanda. Sa dami ng bagyong dumarating sa atin, ang mga taong malapit ang buhay sa lupa at sa pagsasaka ay hindi na lubos na nababalisa ng bagyo. Una, ang mga bahay na pawid ay madaling masira, nguni’t madali ring itayo. Ikalawa, ang bagyo at unos ay kaakibat na ng buhay ng Pinoy, hindi na nagtataka kung taon-taon ay hinahagupit ng bagyo ang maraming bahagi ng Pilipinas. Ewan ko sa inyo, pero ang kakayahang maghanda ay higit natin nakikita sa mga politico. Malayo pa ang eleksiyon, ay nakahanda na sila sa perang ipamumudmud. Pag-upong pag-upo pa lamang ay inaatupag na ang sunod na halalan.

Nguni’t hindi ito ang uri ng paghahandang sinasaad ngayon ng liturhiya. Ang paghahandang nabanggit kong ito ay kumakatawan sa isang taong pakawala, at hindi tampulan ng tiwala. Ang paghahandang makasarili at isang saloobing pakabig ay hindi siyang itinatanghal ng mga pagbasa. Ang paghahandang hindi sinusuklian ng tiwala ng kapwa ay paghahandang makasarili, at paghahandang angkop sa isang taong hindi karapat-dapat o kaaya-aya, sapagka’t ito ang tanda ng isang taong walang takot sa Diyos. Ito ang uri ng paghahanda ng taong ang tanging tiwala lamang ay sa kanilang sarili, mga BSS kung tawagin noong araw, mga bilib sa sarili.

Tunghayan natin ang ebanghelyo ngayon. Ang sinasaad nito ay pawang tungkol sa taong nararapat pagtiwalaan o hindi. Isang taong nakahandang maglakbay sa malayo ang tumawag sa kanyang mga utusan. Sa bawa’t isa ay nagkaloob siya ng dapat pangalagaan at isapuhunan. Sa una, limang talento ang kanyang bigay; sa ikalawa ay dalawang talento; at sa ikatlo ay isa namang talento.

Ang araw ng kanyang pagbabalik ay araw ng pagtutuos. At dito lumitaw kung sino ang nararapat at kung sino ang hindi karapat-dapat. Tanging ang namuhunan at gumamit nang wasto sa salaping ipinagkatiwala ang siyang nakatanggap ng papuri sa mamang iyon.

Ang mundo ng sangkatauhan ay maraming puhunang tinanggap. Nandiyan ang daigdig ng kalikasan, ang mga bundok, ilog, lawa, dagat at parang. Puhunan ito na ipinagkaloob lahat sa atin bilang nilkha at mga anak ng Diyos. Subali’t mayroong mga tampalasan at salaula na hindi marunong gumamit nang wasto. Mayroong mga taong ang saloobin ay pakabig, hindi pabigay, patungo sa sariling kapakanan, at hindi sa kapakanan ng kapwa. May mga taong ganid na, sa halip isapuhunan at palaguin ang ipinagkaloob sa kanila, ay itinago, ibinaon, at ipinagdamot. Itong mga ganid na ito ang hindi nakatunghay nang higit pa. Bagkus ang maliit na kamal kamal na ayaw bitawan at palaguin, ay lalo pang naglalaho sa kanila.

Sa Tagalog ay mayroon tayong napakagandang kasabihan tungkol sa kasakiman at sa mga pakawala: “Sa paghahanap ng kagitna ay sansalop ang nawala.”

Ang patuloy na lumalalang financial crisis sa buong mundo ay isang malinaw na halimbawa nito. Bagama’t ang katagang ginagamit ng mga eksperto sa pamemera ay investment o pag-nenegosyo, ang tunay na batas ng larong ito ng mga yumayaman sa pera ng iba, ay walang iba kundi pakikipagsapalaran. Ito ay walang ibang pinagmumulan liban sa kasakiman, o katakawan sa higit pa. Iyan ang naging sanhi sa pagbulusok ng pamemera sa buong daigdig at kung bakit biglang napakaraming mga nalugi. Hindi nila ginamit nang may responsibilidad ang perang ipinagkatiwala sa kanila.

Lahat tayo ay may pangarap sa buhay. Pangarap natin ang isang matiwasay, mapayapa, at saganang pamumuhay. Walang masama dito. Subali’t ngayon, ang paalaala sa atin ng Panginoon ay lalung lubhang kapana-panahon. Mahalagang tayo ay mabilang sa hanay ng utusang gumamit sa puhunang ipinagkaloob sa kanya nang wasto at nararapat. Kun gayon, tayo ay nararapat na maging tampulan ng tiwala. Ang pagiging salaula at walang pakundangan sa karapatan at kapakanan ng nagkaloob ng biyaya sa atin, ng lahat ng ating tinatanggap at pinagyayaman sa araw-araw nating buhay, ay mga taong mga pakawala.

Ang taong tampulan ng tiwala ay silang may takot at pitagan sa Diyos. Ang mga walang pakundangan at malasakit sa kaloob at pag-aari ng nagkaloob ay mga taong pakawala. Alin ba tayo sa dalawang ito?

St. Fidelis Friary
Agana Heights, Guam
November 10, 2008

BUKAL SA KABILA NG SUKAL

In Homily in Tagalog, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo, Pagninilay sa Ebanghelyo, San Juan de Letran, Sunday Reflections, Taon A on Nobyembre 6, 2008 at 10:27

Kapistahan ng Pagtatalaga ng Basilica ni San Juan de Letran
Nobyembre 9, 2008

Mga Pagbasa: Exequiel 47:1-2, 8-9, 12 / 1 Corinto 3:9c-11, 16-17 / Juan 2:13-22

Masukal na di biro ang buhay natin lahat sa masalimuot na daigdig na ito. Mabuti pa ang asukal, matamis. Nguni’t sa sakahang masukal at makapal ang mga dawagan at tinikan, mahirap magtrabaho; mahirap magpagal. Mahirap maghawan ng masusukal na dawagan at halamang hindi mo itinanim. Subali’t bago ka makapagtanim ay dapat hawanin muna ang sukal. Mapait at mabigat na trabaho, ngunit wala itong tinatawag nating short cut.

Madawag at masukal ang buhay natin. Puno ng intriga. Puno ng katiwalian. Puno ng suliranin saanman at kailanman. Nguni’t kung kayo ay nakapagsaka na sa tanang buhay ninyo, alam  ninyo na ang paghahawan ng sukal ay nagbubunga ng masagana. Ang isang magsasakang bihasa magpagal, maghintay, at magdasal ay nakakakita balang araw, ng karampatang ginhawa.

Ginhawa … ito ang sinasaad ng mga pagbasa ngayon. Isang pangitain ng propetang Exequiel ang ating pinanghahawakan, isang bukal ng tubig na bumabalon mula sa templo. Ang tubig na ito ay patuloy na dumadaloy patungong Arabah, patungong dagat, at ito ang nagpapasariwa sa tubig alat.  Ito rin ang nagdudulot ng buhay sa mga taong tigang, sa mga masaganang isda at lahat ng uri ng buhay, na umaasa sa tubig na dumadaloy mula sa ilog o bukal na ito.

Ewan ko sa inyo, pero ito para sa akin ay larawan ng pag-asa. At bakit ba hindi tayo dapat mapuno ng pag-asa? Tingnan na lamang natin ang karanasan ng America. Akala ng marami, wala nang pag-asa na makakatuntong ang isang taong may kulay sa White House. Akala ng marami, na ang pipiliin ng mga Kano ay isang tulad ng kanilang tiniis sa loob ng walong taon. Ngunit, nang magbotohan, nagdagsaan ang mga botante at nagpahayag ng kung sino ang nararapat. Nagapi ang mga maling akala, at nagwagi ang kalooban ng nakararami. Kay raming mga bata na ngayon lamang bumoto ang naglabasan at nagpahayag ng kanilang napupusuang kandidato.

Sa masukal na sitwasyon ng economic meltdown, sa madawag na kalagayan ng isang bansang nanghihinuhod ngayon sa ilalim ng balag ng alanganin, ay nagising ang mga kabataang dati-rati ay tulog nguni’t nagbalikwasan, at nangagsipagbotohan.

Tinatanggap ko na habang nanonood ako sa mga nagaganap sa America, ako ay napaluha sa galak para kay Obama. Napaluha ako sa pasasalamat sa katotohanang kahit puno ng sukal at kahit na ang mundo ay nababalot sa kawalang katiyakan, ay mayroong bukal na nagpapasariwa, mayroong ihip ng hanging nagpapabago sa takbo ng kasaysayan.

May Diyos na naggagabay. May Diyos na nagmamahal. May Ina na nagbabantay sa kanyang mga supling.

Ito ang diwa ng Ina ng lahat ng dambanang Kristiyano sa buong mundo – ang basilica ni San Juan de Letran. Ito ang katedral ng Papa bilang Obispo ng Roma. Ito ang simbahang tinitingala natin bilang Ina sa lahat ng mga dambana sa buong daigdig.

Angkop na angkop ang pangitain ni Exequiel. Isang ilog, isang bukal na dinadaluyan ng mapagbigay-buhay na sariwang tubig. Ito ang larawan ng pagbabantay at pangangalaga ng Inang Simbahan na pinapatnubayan ng Amang Diyos.

Ang tugon sa unang pagbasa ay hindi na mas liliwanag pa. Ang Diyos, sabi natin, ay ating muog at lakas, isang taga-tabang o tagatulong sa oras ng ligalig. Di dapat tayo sagian ng pangamba, mangyari man na ang mga bundok ay magsipagdagsaan patungong karagatan!

Tayo ani San Pablo ay gusaling itinatag ng Diyos mismo. Tayo ay walang iniwan sa isang matibay na muog na hindi magagapi na anumang puwersa ng kasukalan o kadiliman. Tayo, aniya rin, ay mga templo ng Diyos at dito nananahan ang espiritu ng Diyos.

Matindi ang pag-asang dulot ng mga pagbasa. Masukal ang mundo. Magulo ang buhay natin. Ang Pilipinas ay patuloy na nagiging higit na magulo sapagka’t walang sumusunod sa batas. Ang mga politico ay ganid at makasarili. Ang mga bus drivers ay walang magawa kundi sumunod sa “kalakaran” ng mga tsuper, na dapat ay magkarera at makamatay sa ating mga lansangan, lalu na sa EDSA. Wala na tayong magagawa kundi sumunod sa “kalakaran” – isang salitang ipinauso ni Lozada. At hindi kaila sa marami na kasama sa kalakarang ito ang pagtungga ng droga o bawal na gamot.

Masukal ang landasin natin. Magulo. At masalimuot. Parang tuyot at tigang na lupa ang larangan ng buhay natin sa pananampalataya. Mahirap magpakatino, kung lahat ng katabi mo ay masukal ang pag-uugali. Mahirap maging halimbawa kung ang lahat ng kasama mo, sa kaliwa at kanan mo ay sumusunod na lamang sa kalakaran ng mundong makasalanan.

Subali’t may isang naparito hindi upang sumunod sa uso at kalakaran kundi magturo ng landasing hindi tinatahak ng marami – the road less traveled by, ika nga. Ito si Kristo na nagpalayas ng mga manininda sa templo. Siya ay magandang balita sa gitna ng kasukalang nakakasuka sa lipunan. Siya ang simoy ng hangin na nagpapanariwa sa tunay na layunin ng kung bakit tayo nilikha ng Diyos – ang maging simulain ng buhay, buhay na ganap, buhay na nagbibigay-buhay sa kapwa, buhay na handang ialay, bilang pag-alalay sa mga higit na mahihina.

Ito ang ating Inang Simbahan. Ito ang ginugunita natin sa pagtatalaga ng basilica ni San Juan de Letran sa Roma – isang daloy ng malamig at mapanariwa at mapagbigay-buhay na tubig, mula sa bukal na siyang magpapanibago sa sukal ng buhay natin na unti-unting nalalayo sa Diyos, na siyang bukal ng buhay!