frchito

Imbakan para sa Pebrero, 2009

IRINGAN AT SALUNGATAN SA ILANG

In Kwaresma, LIngguhang Pagninilay, Pagninilay sa Ebanghelyo on Pebrero 27, 2009 at 21:25

temptationofjesus

Unang Linggo ng Kwaresma(B)
Marso 1, 2009

Mga Pagbasa: Gen 9:8-15 / 1 Pedro 3:18-22 / Marco 1:12-15

Pangako at pag-asa ang malinaw na pinapaksa ng unang pagbasa. Matapos ang baha, matapos ang mga kaparusahang dulot ng paulit-ulit na pagkakasala ng bayang hinirang ng Diyos, naglubag ang loob ng Diyos at nangako: “wala nang baha ang gugunaw sa daigdig.” Hindi lamang ito … nagbitiw pa Siya ng pangako – isang pangakong bibigyang-tanda ng isang bahaghari. Isa itong tanda na tumutuon sa kasunduan ng Diyos at ng kanyang liping hinirang.

Nguni’t tila sinasalungat ng ikalawang pagbasa ang binibigyang-diin sa una. Wala nang baha, subali’t ang liham ni Pablo ay isang matayog na pagkilala sa simbolismo ng tubig na siyang naging daan sa kaligtasan ni Noe at ng kanyang mga kasama. Sa tubig ng baha, ay lumutang ang katotohanang malinaw sa tubig ng binyag. Kung paanong sina Noe ay naligtas sa rumaragasang tubig, ay ganuon din ang tubig ng binyag na rinagasa ang bahid ng kasalananang mana, at ang nagdaan dito ay tumanggap na panibagong buhay.

Tila puno ng salungatan ang mga pagbasa ngayon. Tulad ng salungatan sa ating ebanghelyo. Parang isang duelo ang naganap sa salaysay ni Marco. Nguni’t ang salaysay ay puno ng mahahalagang simbolo. Dinala diumano si Jesus ng Espiritu sa ilang. Sa maraming pagkakataon, si Jesus ay nagtungo sa bundok upang makipagniig sa Kanyang Ama. Nguni’t sa ating salaysay ngayon, ilang ang kanilang pinuntahan. Alam natin kung ano ang ibig sabihin nito. Ang ilang ay kaakibat ng takot, kawalang-katiyakan, at mga pahimakas ng kamatayan. Walang gaanong buhay ang makikita sa ilang. Walang gaanong pag-asa ang masusumpungan dito. Kakaunting halaman ang nabubuhay dito; kakaunting hayop ang naka-aagguanta sa disyerto. Nababalot sa tuyot at init sa araw at masidhing lamig naman sa pagkagat ng dilim. Salungat na lagay na panahon ang malimit matatagpuan sa ilang. Sala sa init, sala rin naman sa lamig.

Dito sa larangang ito na isang sagisag ng salungatan naganap ang duelo sa pagitan ng kabutihan at ng kasamaan. Dito sa lupang kahapis-hapis, na puno ng hinagpis at pangamba nangyari ang isang matinding salungatan at iringan. Dito nagpangharap ang may akda ng buhay at ang may pakana ng kawalang-buhay at kawalang pag-asa. Hindi lang iringan ang naganap, kundi matinding salungatan. Makailang beses na naglaan ng patibong ang hari ng kasinungalingan. Makailang pagkakataon ay naghanda ng alok na sa ating wari ay mahirap tanggihan … ito ang katotohanan tungkol sa tukso.

Ito rin ang katotohanan tungkol sa ating buhay sa lupang bayang kahapis-hapis.

Tigib ang buhay natin ng lahat ng uri ng salungatan. Sa larangang political, tila hindi magkasundo ang nagbabangayang mga “askal” at “hybrid” sa Senado. Ang iringan sa partido political sa ating bayan ay alam nating walang katapusan, walang patumangga. Panay ang satsatan… panay ang salungatan at imbestigasyon. Nguni’t patuloy na tila nagwawagi ang hari ng kasinungalingan. Panalo ang madadaya, ang mga kurap, ang mga mandarambong at masisiba sa gobyerno. Honorable pa nga ang tawag natin sa kanila.

Puno ng iringan ang pribado nating buhay saanman … mga mayayaman at makapangyarihang pamilya ang nagbabangay sa blog, dahil lamang na sila ay nalampasan sa fairway habang naglalaro ng golf. Ang mga escuela ay patuloy na pataasan ng ere … nag-iiringan dahil lamang sa larong basketbol. Ang mga luntian ay di patatalo sa mga asulan. Ang mga dilawan ay di rin palalamang sa mga pulahan. Lamangan, ungusan, unahan, iringan, salungatan … Ito ang makulay nating daigdig sa ating lipunan.

Sanay na sanay ang hari ng kasinungalingan sa pagpupunla ng iba-ibang uri ng iringan at salungatan. Bihasang-bihasa si Taneng magkalat ng lagim ng pagkasuklam sa isa’t isa. Kung titingnan natin ang buhay natin, puno ng dilubyo ang lahat ng antas at larangan ng buhay. May dilubyo sa gobyerno – dilubyo ng panlalamang at panggugulang. Lahat na yata ng kontrata ay pinasok ng salungatan, sumbungan, at lamangan. At lahat na yata ng mga whistle blowers ay nangagpiyakan dahil lamang sa sila ay nagulangan at nadehado sa partihan. Dilubyo … baha … kawalang katiyakan …. Kawalang pag-asa … ang lahat ng ito ay kaakibat ng isang karanasan sa ilang.

At dito ngayon ang nag-uumpugang mga larawan ay maghahatid sa atin sa isang magandang balitang siyang tinutunton ng mga pagbasa. Sala-salabat, kumbaga … salu-salungat … Nguni’t sa likod ng pagsasalungat na ito ng mga larawan ay nakikita natin ang isang higit na malaking larawan ng kaligtasan.

Si Noe at mga kasama ay tumanggap ng kaligtasan sa tubig ng dilubyo. Ani Pablo, lahat ng bininyagan ay nagdaan sa tubig na siya namang nagdulot ng kaligtasan sa kanila, tulad nang ang mga Israelita ay tumanggap ng kaligtasan nang sinuong nila ang tubig sa dagat na pula. Si Kristo ay humarap sa pinakamasahol na taga-salungat – ang pangunahing kontrabida sa buhay natin. Si Kristo ay sumuong sa isang duelo. Hindi siya umurong. Hindi siya nangimi at nagtago. Siya ay humarap at sa kabila ng iringan at salungatan ay nagpalutang ng isang mataginting na panawagan sa mga taong tulad natin, ay napapalibutan ng pagsasalungat ng tukso at kasalanan. At ito ang kanyang panawagan: “Nalalapit na ang kaharian ng Diyos. Magsisi at sumampalataya sa ebanghelyo.”

Duelo rin ang buhay natin sa araw-araw. Parang kontrapelo ang lahat. Wala tayong mapulot na liksiyon ng kaisahan sa pamahalaan at mga politico. Pati ang kung paano gagawin ang eleksyon ay pinag-iiringan at pinag-aawayan ngayon pa man. Ang naituturo natin sa escuela ay nababaligtad agad ng TV at ng internet. Dumadami ang sumasalungat at kumokontra sa turong moral ng simbahan at ng ebanghelyo.

Subali’t sa salaysay tungkol sa iringan sa ilang, malinaw ang nagwagi … malinaw ang kung sino ang magwawagi kailanman, saanman.

Sa Misang ito, kinikilala natin ang lumutang sa iringan at salungatan sa ilang … si Kristo, ang ating daan, katotohanan, at buhay.

TAPAT, SAPAT, DAPAT

In Homily in Tagalog, Kwaresma, Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Taon B on Pebrero 23, 2009 at 20:31

ash_wedsm

Miercoles ng Abo (Taon B)
Febrero 25, 2009

Mga Pagbasa: Joel 2:12-18 / 2 Cor 5:20 – 6:2 / Mt 6:1-6, 16-18

Simula na naman ng Kwaresma – kwarentang araw ng paghahanda sa pinakadakilang kapistahan ng pananampalatayang Kristiyano, ang muling pagkabuhay ng Panginoong Jesucristo. Ang simula ay pinasisinayaan ng isang tradisyong matagal nang panahon ang pinagdaanan – ang pagpapahid ng abo sa noo ng mga sumasampalataya.

Nagsisimula ang kwaresma sa isang tanda. Isa ito sa maraming pang tanda na matutunghayan natin sa kabuuan ng panahong ito. At sa unang araw na ito, ang malalim na kahulugan ay binibigyang-liwanag ng mga pagbasa. Simulan natin kay Propeta Joel.

Nananawagan si Joel sa isang malawakang pag-aayuno, pagsisisi sa kasalanan, at pagbabalik-loob sa Diyos. Walang pag-aatubili ang kanyang pagpapasyang manawagan ng ganoon. Ni isa mang hibla ng pagdududa ay makikita sa kanyang mga kataga. Tapat ang kanyang pagkakilala sa Diyos. At tinatapat din niya ang mga nakikinig sa kanya. Tapatan niyang ipinangaral ang katotohanan tungkol sa Diyos: “Sapagka’t lubha Siyang maawain, banayad sa pagkagalit, mayaman sa kabaitan, at madaling maglubag ang kalooban.”

Ito ang tapat na pangaral at pagkakilala ni Propeta Joel sa Diyos ng mga Israelita. Tapat ding tinugunan ng Diyos ang pagkakilalang ito: “Natinag ang Panginoon at ito ay naghatid sa kanya upang magdalang-habag sa kanyang bayan.”

Ang tapat na pagkakilalang ito ni Joel sa Diyos ay tinapatan din ni Pablo. Hindi na siya naghanap pa ng iba. Ang pagiging tapat ng Diyos ay naging sapat na sa kanya. Sapat na itong pagkabatid at pagkakilala sa Diyos upang magbunsod kay Pablo na manghinuhod sa kanyang ngalan upang magbalik-loob ang lahat sa Diyos. At sapat na rin sa kanya ang pangkasalukuyang panahon. Ang “ngayon” aniya, ang tamang oras upang maligtas. “Ang araw na ito ay kaaya-ayang panahon; tingni, ito ang araw ng inyong kaligtasan.”

Ngayon, hindi bukas … sapat na ang araw at sandali na ito. Hindi na dapat maghanap pa ng iba.

Ang ebanghelyo naman ay isang aral tungkol sa kung ano ang dapat. Kung tapat ang Diyos at hindi mapagbalatkayo … kung tapat ang kanyang pag-ibig at pagpapatawad … kung sapat na ang kanyang pag-ibig at pagmamalasakit sa atin, ay mayroon namang dapat tayong gampanan. Mayroon tayong dapat na pagsikapan, na humihigit sa pakitang-tao lamang.
Una sa lahat, dapat na gumawa ng tama at magaling … para sa Diyos at sa kapwa, hindi para makita lamang ng tao. Dapat na kung magbibigay ng limos ay wala nang mga tarpaulin na nagsasabi sa lahat na ito ay proyekto ng kagalang-galang na politico o sino man. Dapat na kung magdarasal, ay hindi na sa Luneta, o sa Shangri-La hotel, upang makita ng ABS-CBN network. Dapat na kung mag-aayuno din lamang, ay hindi na mag-aayos at magagayak na parang inabuso at nilampaso, bagkus dapat magsuklay at mag-ayos ng sarili bilang maikubli sa madla ang pagpapakasakit na ginagawa.

Tapat ang Diyos. Tapat ang kanyang pag-ibig. Sapat na ang katotohanang ito para sa atin. Wala na dapat tayong hahanapin pa.

Ang penitensya na kaakibat ng kwaresma ay hindi lamang mga pagpapahindi sa sarili na madaling sukatin at bilangin. Hindi lamang ito mga gawaing madaling ipeke, madaling gayahin, tulad ng mga pekeng mga polo, mga cellphones, at kung ano-ano pa na galing sa Tsina.

Ang penitensya na kaakibat ng kwaresma ay panloob muna bago ito maging panlabas. Bago ito maging dapat, ito muna ay kinakailangang maging tapat. Kung ito ay tapat, wagas, at tunay, ay wala nang dapat hanapin pa. Sapat na ito sa Diyos. Sapat na ito sa Kanya na ngayon mismo sa araw na ito ay nagdudulot ng kaligtasan sa atin: “Sa isang kaaya-ayang panahon ay dininig kita; sa araw ng kaligtasan ay tinulungan kita.”

Tapat ang Diyos sa atin. Sapat nang salaysay ito. Wala nang pasakalyeng kailangan; wala nang dugtong ang kailangan pa. Ang kulang na lamang ay kung ano ang dapat … ang dapat nating gawin upang maging makatotohahanan sa buhay natin ang kaligtasang kaloob Niya.

ICM House of Prayer
C. M. Recto, Baguio City
February 23, 2009

DALITA, BALITA, SALITA!

In Catholic Homily, Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Taon B on Pebrero 17, 2009 at 16:30

isaiah-6012_1407_1024x7682

Ika-7 Linggo ng Karaniwang Panahon(B)
Febrero 22, 2009

Mga Pagbasa: Isaias 43:18-19, 21-22, 24b-25 / 2 Cor 1:18-22 / Mk 2:1-12

Pagpapanibago ang paksang lumulutang sa mga pagbasa. Mula kay Isaias, isang paanyaya ang paulit-ulit natin narinig: “Huwag alalahanin … huwag alintanain … huwag dibdibin.” Linya ng isang lumang kanta ni Rico Puno ang sumasagi sa aking isipan … “huwag damdamin ang kasawian; may bukas pa sa iyong buhay.”

Hindi tayo bago nang bago sa takbo ng buhay. Hindi tayo lahat isinilang kahapon. Alam natin ang kalakaran ng buhay … puno ng hilahil, tigib ng suliranin, napalilibutan ng pagbabata, pagdaralita, o pasakit. Hindi na ito dapat pang ipagkaila. Marami ang nawawalan ng trabaho. Marami ang wala nang malamang gawin matapos pasikipin ang sinturon, bawasan ang pagkain, at palawigin ang kakarampot na kinikita upang ipagtawid-buhay.

Iisa ang balitang tinutumbok ni Isaias … na kung paanong puro dalita ang karanasan ng mga Israelita sa ilang … kung paanong dinala ng Diyos sila sa kadiliman sa ilang, ay ganuon din sila ihahatid ng Diyos upang makatawid nang maluwalhati tungo sa kaligtasan. Magandang balita ang hatid ni Isaias sa likod ng matinding dalita!

Si Pablo naman ay ang katangian ng Diyos na malapit sa mga nagdadalamhati ang paksa – ang katapatan Niya. Tatlo ang patunay ni Pablo sa katapatang ito: una, ang katauhan ni Jesus na Kanyang bugtong na Anak; ang ikalawa ay ang katuparan ng Kanyang mga pangako sa pagdaan ng panahon; at ang ikatlo ay ang kaloob ng Espiritu Santo. Ang Espiritu, aniya, ay katumbas ng tinatawag ngayong “signature” o “selyo” sa mga produktong mahalaga, maganda, at matibay sa ating panahon.

Ang katapatang ito ng Diyos, ang kanyang pagkamahabagin, ay ipinamalas ni Kristo sa pagpapagaling sa paralitiko. Dalawang karanasan ng pagdaralita ang laman ng kwento, na ang isa ay mas masahol kaysa sa isa pa: ang pagiging paralitiko at ang kasalanang pinaniniwalaang nasa likod ng kanyang paghihirap. Kapangyarihan at kakayahan ng Diyos ang tugunan ang pareho. Subali’t hindi madaling makita ang pagpapatawad ng kasalanan; mas madali makita ng balana ang pagpapagaling.

And dalita ay tinugunan ni Kristo ng isang magandang balita – ang kakayahan ng Diyos na hanguin ang tao hindi lamang sa pasakit na pisikal, kundi at lalung higit, sa pinakamatindi at masahol na pagdaralita – ang pagiging malayo sa biyaya ng Diyos.

Dito ngayon pumapasok ang konsepto at diwa ng salita. Pinangatawanan ni Kristo ang kanyang pagiging Verbo (Salita) ng Diyos na nagkatawang-tao. Si Kristo ang balita. Siya rin ang tagapaghatid ng balita. Si Kristo ang kaganapan at katuparan ng Balita. Siya ang mensahe at siya rin ang mensahero, at siya ring katuparan ng mensahe o pangako ng Diyos.

Maraming salita ang naririnig tungkol sa napakaraming bagay sa mundo. Maraming salita na ang ginugol tungkol sa maraning sitwasyon, o katotohanan ng katiwaliang palasak at talamak sa lahat ng antas ng lipunan natin. Kay daming mga testigo ang nagwika na – sa ilalim ng panunumpang tila nawalan na ng kahulugan at kabuluhan. Puro salita, nguni’t wala namang bunga sa gawa.

Pati itong ating pagdiriwang na ito ay umiinog sa salita. Katatapos lang natin marinig ang tatlong pagbasa. At ang ginagawa ko ngayon ay ang pagpira-pirasuhin ang salitang narinig natin.

At ang salitang tumatambad sa ating liturhiya ay walang iba kundi ang magandang balita tungkol sa Diyos na nakipamayan sa atin kay Kristo.

Nagdaralita ang ating lipunan, hindi sa salita, kundi sa gawa. Naghihikahos tayo hindi sa kakulangan ng mga malalalim at makapangyarihang mga salita, kundi sa mga taong handang ang kanilang buhay ay gawin nilang isang magandang balita, at hindi lamang isang trompeta o batingaw na tumuturo sa ibang salita ng ibang tao.

Napapanahon na na dapat nating harapin ang katotohanan. Napapanahon na rin, na sa pagtanggap ng katotohanan, ay makita natin ang higit na masahol na kasalatan o pagdaralita sa daigdig – ang kawalan ng Diyos, ang kawalang pananalig sa Diyos. Masama ang pagdaralita. Nguni’t higit na masama ang pagdaralitang walang pinanghahawakang salitang nakapagaangat, nakapagtataas, at nakapagpapagaan sa buhay natin. Hindi sapat ang dami ng salita. Hindi sapat ang mabibigat na salita. Ang kailangan natin ay ang mga wasto at tamang salita na gumaganap at nagpapaganap sa atin.

Sa dami ng salitang naririnig natin sa ating paligid, madaling mabulid sa paniniwalang lutas na ang mga problema natin. Nguni’t hindi ito ang nangyayari. Dapat natin pakinggan, hindi ang dagdag pang mga salita, kundi ang Salitang nagbibigay-buhay – tulad ng salitang naging magandang balita ni Jesus sa taong paralitiko: “Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan, pulutin mo ang iyong higaan at lumakad ka.”

Ito ang pinanghahawakan natin sa araw na ito …. Sa likod ng dalita, may tangan tayong magandang balita, ang Salita ng Diyos na nagbibigay-buhay.

KETONG, KULONG, KANLONG, SULONG!

In Catholic Homily, Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, LIngguhang Pagninilay, Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Taon B on Pebrero 13, 2009 at 09:04

leper

Ika-6 na Linggo ng Karaniwang Panahon (Taon B)
Febrero 15, 2009

Mga Pagbasa: Lev 13:1-2,44-46 / 1 Cor 10:31 – 11:1 / Mk 1:40-45

Maraming kaso ng ketong sa lipunan natin … mga taong walang masulingan, mga nilalang na hindi katanggap-tanggap sa nakararami, mga kaluluwang hindi napapansin, hindi pinahahalagahan – at higit sa lahat, mga mukhang iniiwasan, tinatakasan, tinatakbuhan nang papalayo, hindi papalapit.

Ang lahat ng uri ng ketong na ito ay may iisang katangiang makikita sa lahat – pawa silang tila nakakulong – kulong sa isang malarehas na piitan sa pag-iisip at pagtingin ng kapwa. Mahirap humulagpos, mahirap umungos sa pagkagupiling sa piitang ito ng guni-guning nalihis ang landas sa maling akala, maling pang-unawa, at lalung maling mga panukala.

Nagtitipon tayo bilang mga mananampalataya tuwing araw ng Linggo upang makibahagi sa magandang balitang dulot ng ating Mananakop at Tagapagligtas. Para sa marami sa atin, tanging ito na lamang ang puede nating panghawakan … tanging itong pangako na lamang ng Diyos ang pag-asa natin. Kung titingnan natin ang kalakaran ng lipunan, napakaraming mga bagong piitang nagkukulong sa atin: terorismo, katiwalian, karahasan, kadayaan, at kawalang pagtalima sa kalooban at kautusan ng Poong Maykapal.

Ang ketong sa lipunan at panahon natin ngayon ay malayo sa pangkatawang suliranin, subali’t parehong pareho ang bunga at epekto nito sa atin. Tinatawag na “new forms of poverty” – mga bagong anyo ng kahirapan o dili kaya’y panibagong uri ng alienasyon sa lipunan, kay dami sa atin ang walang tinig, wala ni gaputok na kakayahang mangusap, marinig ang hinaing, at mapakinabangan ang ating niloloob. Kay dami ngayon ang tila nakakulong sa mga maling paniwala, mga palsong hinuha at nababalot sa alkitran ng mga panlilinlang ng mga politico at ng larangan ng mass media. Pulos propaganda na lamang yata ang lahat … ang mga patalastas ay nagkukulong sa marami sa kaisipang hindi sila ganap na liligaya kung walang ganito o ganoong gamit o damit. Ang mga propaganda political ay nagkukulong sa marami sa isang larawan ng lipunan na umiinog sa tinawag na “bata-bata system.” Kulong ang mga walang kaya at mangmang sa mga pangakong hungkag ng mga politicong ang tangi namang pakay ay mapanatili ang sarili hangga’t maaari sa kapangyarihan.

Narinig natin sa unang pagbasa kung paano ang lumang kautusan ay nagsabing ang ketongin ay kumbaga’y dapat kulungin sa isang uri ng pamumuhay na dapat iwasan ng balana. Subali’t narinig din natin kung paano ang lumang kautusang ito ay pinapagpanibago ni Kristo at ang pagkakulong, ay nauwi sa pag-aalay ng sarili niya bilang isang kanlong – isang bahay na maaaring uwian, isang bubong na maaaring maging silong sa init ng pagtanggi ng kapwa. Ito ang ating ipinagmamakaingay sa araw na ito: “Bumabaling ako sa Iyo, Panginoon, sa sandali ng kapighatian, at ako’y pinupuno Mo ng kagalakan at kaligtasan.”

Ito ang magandang balita na tinutumbok ng ebanghelyo sa araw na ito. Bagama’t ang ketongin ay walang karapatang lumapit man lamang kaninuman, ayon sa lumang kautusan na narinig natin sa unang pagbasa, ang pagnanasa ng isang may ketong na kulong sa loob ng maling paniniwala ng balana, na makatagpo ng isang kanlungan sa init ng pagsiphayo ng tao ay nagbunsod sa kanya upang lumapit kay Kristo. Kanlong ang hanap niya sa init ng pagkakakulong na ito. At kanlong ang hatid ng Panginoon.

Si Kristo ay hindi lumayo, hindi tumakas, hindi umaskad ang nguso sa pagtanggi sa taong napipiit sa kulungang kinasadlakan. Bagkus lumapit siya, at hindi lamang iyon, iniunat ang kamay at hinipo ang may ketong. “Nais ko. Gumaling ka nawa.” At kapagdaka’y gumaling ang lalaking may ketong.

Ang antipona (bersikulo) sa pambungad ay angkop na angkop sa paksain natin ngayon. Hiniling natin sa Diyos: “Panginoon, ikaw ang aking muog ng katiyakan, kalakasan at kaligtasan. Alang-alang sa Iyong ngalan, ihatid Mo ako sa tamang landas.”

At ito ang isa sa tamang landas na dapat nating tahakin, matapos tumanggap ng kanlong, silong, at bagong pagsilang mula sa Panginoon.

Ang lalaking ketongin ay hindi lamang niya pinagaling. Inatangan niya ang ketongin na naging malinis ng isang tungkulin. Nang makatanggap ng kanlong at lugar upang sumilong sa init ng pagtatangi at pagtanggi ng lipunan, pinabalik ni Kristo ang lalaki sa parehong lipunan na nagsiphayo sa kanya. “Humayo ka sa mga pari at pasuri at mag-alay na nararapat ayon sa batas ni Moises. Sapat na patunay na iyon sa kanila.”

Bilang isang guro na 32 nang taong nagtuturo, bilang isang pari sa nakalipas nang 26 na taon, hanga ako sa mga nagbabalik at nagpapasalamat. Saludo ako sa mga nilalang na, sapagka’t galing sila sa isang madilim o mapait na karanasan, at naihango sila mula duon sa biyaya ng Diyos, at nagbalik upang kumilala ng kabutihang kanilang natanggap. Ito ang mga taong umahon, hindi lamang sa ketong, kundi sa pagkaka-kulong. Ang biyaya ng Diyos ay naging silong o kanlong sa ilalim ng nakapapasong init ng suliranin o pagkakaiba sa balana.

Nguni’t tulad ng kwento ng sampung ketongin sa ebanghelyo at iisa lamang ang nagbalik upang magpugay sa Panginoon, ang taong nagbubunyi at nagpupuri sa Diyos matapos makatanggap ng silong o kanlong ay siyang umaako sa utos ni Kristo upang ang pagpapasalamat ay mauwi sa pagsulong – sa pagpapalawig ng magandang balita ng kaligtasan.

Lahat tayo ay galing sa lusak ng kasalanan … Lahat tayo ay hinango mula sa kalalimang ito ng kabuktutan, kung saan tayong lahat ay nakulong. Ang naghango sa atin ang Siyang nagdulot sa atin ng kanlong at paglaya sa kulungan ng kasalanan.

Siya ring naghango sa atin ang Siya ring nag-aatang sa atin ngayon ng tungkuling tumulong sa iba upang sumulong palapit sa kahariang dulot Niya.

Ang ketong natin ay pinalitan ng kanlong ng pag-asa at kaligtasan. Tungkulin na natin ngayon ang isulong ito tungo sa ikalalaganap ng kaganapan ng kaligtasang ito.

BALITANG “P”

In Uncategorized on Pebrero 4, 2009 at 22:21

job_24

Ika-5 Linggo ng Karaniwang Panahon (B)
Febrero 8, 2009

Mga Pagbasa: Job 7:1-4, 6-7 / 1 Cor 9:16-19, 22-23 / Mk 1:29-39

Uso ngayon ang balitang “k” … Noong isang Linggo, ang tanong natin sa isa’t isa ay kung mayroon tayong “k.” Nais kong tuntunin ang kahulugan ng balitang “P” na ito na sinasaad sa mga pagbasa sa araw na ito …

Magsimula tayo sa unang “P” … pagdurusa, panaghoy, panimdim, pasakit …

Hindi mapagkakamalian ang tono ng unang pagbasa. Halos lahat ng pangungusap ay may kinalaman sa pagdurusa, at sa harap ng susun-susong mga pasakit ay panaghoy ang bukang-bibig ni Job, ang pangunahing gumaganap sa mala-telenobelang kwento natin sa araw na ito. Malalim ang pinagmumulan ng mga panaghoy na ito … matindi ang bigat ng kanyang pasanin … walang katulad, walang kaparis. Sino nga ba naman ang matuwid na taong walang ginagawang kasamaan ang hindi maghihinagpis sa harap ng ganitong mga panimdim?

Madali para sa marami sa atin ang makita ang sarili sa katauhan ni Job. Sino nga ba sa aking mga tagabasa ang hindi pa nakararanas ng anumang pasakit sa buhay? Sino nga ba sa mga nakatutunghay ng mga pahinang ito ang hindi pa dinadapuan ang buhay ng anumang panimdim?

Kung nagsasabi tayo ng totoo, malamang na ang panalangin natin ay di dapat malalayo sa panaghoy ni Job: “Kailan ba ako magigising sa bangungot na ito? … Alumpihit ako sa higaan sa buong magdamag … Ang buhay ko ay hindi nalalayo sa hangin; tila hindi na ako makatutunghay ng kaligayahan.”

Katotohanang mataginting ang larawang ipinipinta ng aklat ni Job. Ang buhay ay mahiwaga, puno ng hilahil, nguni’t puno rin ng pangako. Dito pumapasok ang ikalawang “P” – pangako, pagbangon, pagkukusa …

Ito ang pangakong pinanghahawakan ko at nais kong bigyang-diin sa pagninilay na ito. Ito ang pangakong atin rin ngayong inaangkin at pinatototohanan – ang pangakong naging dahilan ng pagbangon ng taong tulad ni Job: “Purihin ang Diyos na nagpapahilom sa sugat ng mga nagdadalamhati.” Ito ang itinanghal natin sa ating tugon matapos ang unang pagbasa.

At ito ang buod ng magandang balita natin ngayon …

Magandang balita ito … pero hindi ibig sabihin ng magandang balita ay magaan at kaaya-ayang balita. Magandang balita ang gamot sa isang maysakit. Nguni’t alam natin lahat na kailanman ay hindi madulas, hindi masarap, at hindi magaan ang uminom o gumamit ng anumang gamot … mapait, masangsang, nakahihilo kung minsan, nakapangangasim ng tiyan, at madalas ay nakapanghihina.

Ayaw natin ng mapait na lunas sa sakit. Subali’t itong kapaitang ito ang daan sa panibagong pangako. Ito ang landas tungo sa isang panibagong umaga, makipot na butas na dapat pagdaanan upang mapanuto, mapagaling, at mapalawig ang buhay.

Ang buhay na puno ng kapaitan ni Job ay nagkaroon ng katumbas sa buhay ni Pablo. Hindi kaila sa atin kung ano ang kanyang pinagdaanan … sari-saring mga pagsubok; iba-ibang mga suliranin. Nandiyan ang siya ay makulong; ang mahagupit; ang mapadpad sa laot nang masira ang barkong sinasakyan. Ang buhay ni Pablo ay hindi nalalayo at bagkus humihigit pa sa mga pasakit na pinagdadaanan ng ating mga paboritong tauhang api sa mga telenobelang pinanunuod natin.

At siya rin at ang kanyang halimbawa ang nagdagdag sa ating magandang balitang ipinagmamakaingay. Sa likod ng pagdurusa, si Pablo ay nagkusa … nag-alay ng sarili at nagturing sa sarili bilang isang alipin, isang utusan. Pagkukusa ang isa pang “P” na ating pinanghahawakan sa araw na ito.

Mayroong mahalagang aral ang pagdurusa para sa taong handang matuto, handang tumanggap, at handang humarap sa isang bagong pangako. Ginawa ito ni Pablo Apostol. Sa kabila ng pagdurusa, siya ay umako at nagpasan ng isang dagdag pang pasakit – ang paghahatid ng magandang balita ng kaligtasan … ang pangangaral ng ebanghelyo sa mga hentil. Ang nagbata ng hirap at dusa, ay siyang natutong magkusa, maghatid, at mag-alay ng sarili sa ikalalaganap ng ebanghelyo.

Hirap tayo ngayon na magkusa. Hirap tayong tumingala at humarap sa pangakong nagkukubli sa pagdurusa. Sa harap ng pasakit, kay dali nating sumuko, magpadala, at tumalikod sa anumang pangakong nasa likod ng pasakit. Kay dali nating manghinawa. Kay bilis nating magtaas ng kamay, at magwika sa Diyos: “ayoko na … suko na ako … sawa na ako sa pagpapakabait … Sa lahat ng tao, bakit ako pa ang sinagian ng ganitong problema, gayung ako nama’y hindi masamang tao?” Sa harap ng katotohanang tayo ay bumubuo ng isang lipunang puno ng katiwalian at katakawan at lahat ng uri ng kadayaan, ay napakadaling magpadala at makisama na sa ganitong kalakaran … sa agos ng panahon at pag-iisip ng karamihan. Ito ang pagsukong naririnig natin sa mga katagang: “ito ang kalakaran … wala tayong magagawa dito … wala na tayong pag-asa.”

Si Job ay napalibutan ng mga taong wari’y nagmamalasakit sa kanya. Iisa ang kanilang payo … “talikuran mo na at kalimutan ang iyong Diyos … isiphayo mo na siya …” Di malayong si Pablo ay ganuon din ang naramdaman sa di iisang pagkakataon. Tao lamang siya … mapusok … talusaling rin at may damdamin. Nguni’t mayroon rin siyang matayog na pag-ibig, pag-asa, at pananampalataya. Ito ang naging batayan ng kanyang pagkukusa sa kabila ng matinding pagdurusa.

Ito rin ang parehong pagkukusa na ginampanan ni Kristo. Nagkusa siyang pagalingin ang biyenan ni Simon Pedro na nakaratay sa banig ng karamdaman. Nagkusa siya, sa kabila ng pagtanggi ng kanyang mga kababayan sa kanya, at pinagaling ang lahat ng lumapit at nakisuyo sa kanya. Ang buong pamayanan halos ay nagkalipungpong kung saan siya naroon.

At sa likod, at sa kabila ng ganitong pagtanggi, hinarap ni Kristo ang isang bagong pangako. Bago sumapit ang liwanag ay tumungo siya kung saan tahimik at malayo sa lahat, at siya ay nagdasal. Bumalikwas sa pagkahimbing, bumangon sa kabila ng oposisyon sa kanya, at gumanap sa ikatlong “P” na siyang buod ng ating pagninilay. Inako niya ang tungkuling maghatid ng pangaral ng magandang balita. Pinasan niya sa kanyang sarili ang misyong iniatang sa kanya ng Ama: “Humayo tayo sa mga karatig na bayan, upang ako ay makapangaral din duon, sapagka’t ako ay isinugo para sa gawaing ito.”

Balitang “P” ang lahat ng ito … magandang balita sa likod ng paghihirap at pagdurusa … magandang balita sa pagbangon sa isang panibagong pangako at pag-ako (pagkukusa) sa isang bagong saloobin at adhikain … at ang kasukdulan ng magandang balita – ang pangangaral ng ebanghelyo sa lahat ng sulok ng daigdig.

Ikaw … anong balita ang pinanghahawakan mo?