frchito

Imbakan para sa Marso, 2009

PAG-AHON SA TAMANG PANAHON!

In Catholic Homily, Gospel Reflections, Homily in Tagalog, Kwaresma, Lingguhang Pagninilay sa Ebanghelyo on Marso 24, 2009 at 21:36

st-philip-the-apostle

Ika-5 Linggo ng Kwaresma(B)
Marso 29, 2009

Mga Pagbasa: Jer 31:31-34 / Hebreo 5:7-9 / Jn 12:20-33

PAG-AHON SA TAMANG PANAHON

Noong isang Linggo ay Laetare Sunday kung tawagin sa Latin at Ingles. Ibig sabihin nito ay Linggong nakatakda upang magsaya. Sa kalagitnaan ng kwaresma, ay ipinagunita sa atin ng Simbahan ang napapanahong paggunita sa wakas at hantungan ng lahat ng ating pagpupunyagi at paghihirap. Kaya’t ang paalaala sa atin ay “magalak … ang kaligtasan ay malapit nang dumating.”

Ang kagalakang inaasam ay naganap sa kasaysayan noong isang Linggo sa pagdating ni Ciro na nagpalaya sa ipinatapong mga Israelita sa Babilonia. Ang mithiin ay nakamit. Pinalaya sila at binigyang-kalayaan upang sumamba muli sa templo ni Solomon sa Jerusalem, upang mangasi-uwi at magbalik-bayan sa lupang ipinangako sa kanila ng Diyos.

Naganap ang lahat sa takda at wastong panahon.

Sa mga lumaking katulad ko sa probinsya at may karanasan pa sa pamimitas ng mga bungang-kahoy, malaki ang kaibahan sa prutas na tinatawag na hinog sa puno at hinog sa pilit. Ang hinog sa puno ay nagdaan sa wastong pagbilang ng araw upang mahinog nang tama. Ang hinog sa pilit ay nagdaan sa init ng kalburo upang mapadali ang pagkahinog. Iba ang lasa ng hinog sa tamang panahon. Iba ang lasa ng hinog na wala sa panahon. Huwag na ninyo tanungin kung ano ang kaibahan!

Sa mga bihasa sa pagpuputol ng kawayan, mayroon rin tayong tinatawag na taga sa panahon. Ang taga sa panahon ay hindi bukbukin, matibay, at malakas sa anumang pagsubok. Matatag ang kawayang taga sa panahon sa pagpabago-bago ng takbo ng klima, at sa anumang iba pang pagsubok sa katibayan ng kawayan.

Ang taga sa panahon ay naghintay sa tamang panahon … sa kinakailangang pagdaan ng mga buwan, linggo, at mga araw ayon sa batas ng kalikasan. Ang taga sa panahon ay isang sagisag ng tamang paghihintay, ng wastong pagsisikhay bago mag-ani, bago makinabang, at bago magbunga ang lahat ng pinagpagalan.

Isa sa katangiang gusto ko sa mga magsasaka ay ito … Hindi sila katulad ng mga kabataan ngayong hindi na makahintay. Ang posmodernong tao ngayon ay wala nang kakayahang maghintay. Lahat halos ay “instant.” Andyan ang instant noodles, ang instant coffee, instant copies, instant pictures, instant puto at instant bibingka. Ang lahat ay nakalagay sa karton na pagkabukas ay tubig at init na lamang ang kailangang ilapat para magkaroon ng puto, bibingka, o anu pa man. Wala nang makahintay sa pagdidikdik ng pansahog sa lutuin. Ang lahat ay nakukuha sa sobre … tulad ng Knorr, Maggi at marami pang mga “instant food mix” na ginagamit sa pagluluto. Pati kare-kare ngayon ay daya na. Sampu ng adobo na nagagawa sa pamamagitan ng adobo mix, o ginisa mix at iba pa.

Hirap tayong maghintay. Hirap tayo ngayon umunawa na may akma at wastong panahon para sa lahat. Noong araw ang sinaing na tulingan ay magdamag na nakasalang sa palayok at kalan. Ang bulalo ay magdamagan ding hinihintay, at alam ng lahat na ang pilitin ang pagkaluto ay hindi puede. Wala sa panahon ang lasa ng sabaw. Wala sa panahon ang lambot ng karne. At walang silbi ang pilitin ito at madaliin.

Nagsimula ang mga pagbasa natin sa isang pahimakas sa tamang panahon …. “Darating ang mga araw na gagawa ako ng isang bagong kasunduan sa pagitan ng bahay ni Israel at bahay ni Judah.” Darating ang panahon … at ang bunga ng tamang panahong ito ay walang iba kundi ang pangarap ng bayang Israel: “Ang lahat mula sa silangan hanggang sa kanluran ay makakakilala sa akin, wika ng Panginoon, sapagka’t patatawarin ko ang kanilang masasamang gawa at hindi na nila gugunitain ang kanilang kasalanan.”

Darating ang panahon …

Subali’t ang pagdating ng panahon, tulad ng awit ni Aiza Seguera, na kinatha ni Moi Ortiz, ay nababalot sa paghihintay nang may kaakibat na pag-asa. Sa bawa’t pagdating ng panahon ay may kaakibat na pag-aasam, paghihintay, at diwa ng pag-asa. Maging si Kristong Panginoon ay nagpamalas ng ganitong pag-asa: “Bagama’t Siya ay Anak, natuto siyang sumunod sa daan ng paghihirap; at nang maganap ay naging bukal siya ng walang hanggang buhay para sa lahat ng sumusunod sa Kanya.” (Ika-2 pagbasa).

Darating ang panahon …

Subali’t ito ba ay isang paghihintay sa kawalan? Ito ba ay isang pagnanasang walang kahihinatnan?

Ang tugon ng ebanghelyo ay malayo sa paghihintay sa kawalan. Itong paghihintay na aktibo na binabanggit natin ayon sa diwa ng pag-asa, ay isang paghihintay na mapaghanap … isang pagnanasang may handang gawin upang makita ang hinahanap. Ito ay isang pag-aasam na may handang pambayad upang matupad ang inaasam. Sa ebanghelyo natin, isang grupo ng mga Griego ang nagtungo kay Felipe at nagwika: “Gusto naming makita si Jesus.” Kagya’t sinabi ni Felipe kay Andres. At silang dalawa ay nagwika kay Jesus. At si Jesus naman ay tumugon ng isang sagot na parang walang kinalaman sa hiling ng mga Griego.

Walang kinalaman? Hindi, bagkus kabaligtaran nito. Ang sagot ni Jesus ay ang buod ng kanilang hanap … ang bunga ng kanilang pangarap, at inaasam-asam: “Dumating na ang oras kung kailan ang Anak ng Tao ay luluwalhatiin.”

Dumating na ang panahon. Ito na ang takdang panahon. Ito na ang tamang sandali. Oras na. Panahon na. Ngayon na. …

Kung hindi ngayon, kailan pa? Kung hindi dito, saan pa? Ito ang larangan ng kaligtasan natin. Ito ang daigdig na pinagbayaran ng buwis ng Panginoon at tinubos para sa kaligtasan ng lahat. Kung hindi natin pupuksain ang katiwalian, kailan pa? Kung hindi natin pagpupunyagian ang kasalanan dito, saan pa? Kung hindi natin pagsisikapan na mapabuti at mapanuto ang Pilipinas, kailan pa? At para saan pa? Para kanino pa, kung hindi tayo ngayon magbabanat ng buto sa pag-alsa laban sa lahat ng uri ng kasalanan?

Taga na tayo sa panahon. Hindi tayo mga hinog sa pilit. Dumating na ang takdang oras. At sumapit na ang sandali ng ating kaligtasan. “Ngayon na ang oras kung kailan ang hustisya ay bumaba sa daigdig; sa sandaling ito ang pinuno ng daigdig ay itataboy na. At sa sandaling ako ay maiangat sa mundong ito, ay hahanguin ko ang lahat sa aking sarili.”

Panahon na … oras na! Dito, doon, saanman … AHON NA, PANAHON NA!

KAHIHIYAN, KALIGTASAN, KALIWANAGAN

In Homily in Tagalog, Kwaresma, LIngguhang Pagninilay, Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Homily, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Marso 19, 2009 at 07:22

calvary23_jesus_cross

Ika-4 na Linggo ng Kwaresma(B)
March 22, 2009

Malaking kahihiyan ang sinapit ng mga Israelita … kasukdulan ng kapighatian … ang pagkatapon sa Babilonia. Marami pang ibang suliranin ang nakabuntot sa kahihiyang ito: malayo sa templo, malayo sa kinagawiang gawang banal at mga sakripisyo, malayo sa lahat ng bagay na kaakibat ng kanilang isang pagiging bayang hinirang ng Diyos.

Ito ang bungad nating salaysay sa liturhiya natin sa araw na ito. Nguni’t ang bungad nating dasal ay tila may kinalaman sa ating sariling karanasan ng kahihiyan: “sundin nawa namin ang halimbawa ni Jesucristo: nawa’y ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig namin ay magbunsod sa amin upang palitan ng pag-ibig ang poot, ang alitan ay matabunan ng kapayapaan, at ang kamatayan ay magbunga ng buhay na walang hanggan.”

Simulan agad natin sa ating kalalagayan sa bayan natin … Ilang beses na tayo nasadlak sa kahihiyan. Isa tayo sa bansang pinaka-tiwali sa buong mundo. Nililibak tayo ng maraming bansa sapagka’t bagama’t tayo ang nagpa-uso sa “people power” na mapayapa at mapagpanibago, hanggang ngayon, ang pagpapanibago ng lipunan na pinangarap natin sa EDSA, ay hindi pa nagaganap, bagkus lalu pang lumala sa maraming antas. Ang inaasam nating politika na sana ay lilinis at gaganda ay lalu pang dumumi at pinamugaran ng mga masisiba pa kay Ali Baba at ang kanyang 40 mandarambong. Sa dami ng mga imbestigasyon sa kongreso at senado, na wala namang kinahihinathan, pinagtatawanan tayo ng buong daigdig. Ngayon, sa urung-sulong na affidavit ng babaeng nilapastangan daw ng isang Kano, ay lalung nasadlak ang dangal natin na hindi malayong tinitingnan tayo ng ibang bansa bilang mga taong mabababaw at madaling mabili ng kung ano mang pabuya, mabago lamang ang unang sinumpaang salaysay.

Tulad ng mga Israelita sa Babilonia, nangangarap tayo ng dangal, ng kalayaan, at ng marami pang kaakibat ng laya sa sariling bayan.

Itong pangarap na ito ang binigyang-katuparan mismo ng Diyos sa pagsusugo kay Ciro na nagpalaya sa mga napatapong Israelita. Ito rin ang pangarap at pangako na binigyang-katuparan ng Diyos sa kabila ng lahat: “Ang Diyos ay mayaman sa habag ayon sa dakila Niyang pag-ibig sa atin. Kahit tayo ay lugmok sa kasalanan ay binuhay tayong muli kay Kristo. Naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos.”

Kung paanong hinango ng Diyos ang mga Israelita sa kahihiyan, gayun din naman, inihatid tayo ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo, sa kaligtasan.

Kaligtasan …. Anu nga ba ang katuturan nito sa ating panahon ngayon kung kailan namumulaklak ang kadiliman at katiwalian? Ang Diyos ba ay nagpapadala ba ng isa pa or marami pang Ciro na handang maglubag-loob at magpalalaya sa atin? Tayo ba ngayon ay may pag-asa pang umahon sa pagkasadlak sa malaking kahihiyan na bumabalot sa ating lipunan? Ang atin bang pananampalataya bilang naturingang taga-sunod ni Kristong ay may kakayahan at kapangyarihang ipagtaguyod ang ating patuloy na pangarap na hindi nalalayo sa pangarap ng mga Israelita sa Babilonia?

Batay sa kasaysayan ng pag-ibig ng Diyos na natatala sa Biblia, batay rin sa Kanyang pagkasi sa isip at damdamin ni Ciro, mayroon pang pag-asa para sa atin. Mayroon pang nananatiling paraan upang ang ating bayan, ang lupang bayang kahapis-hapis natin, ay makakita ng liwanag.

Kaliwanagan …. Ito ang tinutumbok ng ikatlong pagbasa, ang ebanghelyo ayon kay Juan. Sa unang pagbasa, ang kaligtasan ng bayan ng Diyos ay nasalalay sa kaliwanagang natamo ng isang makapangyarihang pinuno, si Ciro. Sa ikalawang pagbasa, ang kaligtasang inaasam ay binigyang-katuparan mismo ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo.

Subali’t dito naman papasok ang ating pananagutan. Ang kaligtasan ay hindi isang libreng pases sa sinehan, na tinatanggap na lamang natin at sukat. Hindi ito isang papel tulad ng affidavit ni Nicole na automatikong magbibigay-daan sa isang visa patungong Amerika. Hindi ito isang smart card na makapagbubukas ng maraming pintuan sa isang high tech na gusali sa maraming bahagi ng mundo. Hindi ito isang magic wand na makapagpapawi kagya’t ng kahihiyan natin.

Ang kaligtasang galing sa Diyos ay isang kaloob nguni’t hindi makapagpapaganap ng minimithi hangga’t walang pinananagutan rin ang sinumang tumanggap.

Noong 1986, sa EDSA, ay kinasihan tayo ng Diyos upang makagawa ng hakbang tungo sa ikapapanuto. Mataas ang pag-asa natin sa isang panibagong lipunan na hindi na papayag sa paniniil, kadayaan, katakawan, at lahat ng uri ng katiwalian at kayabangan ng mga nasa poder. Isang matayog at nag-aalab na apoy ng pagpupunyagi ang nagdaig at nagliyab. Malaking liwanag ang nakita ng maraming Pinoy. Nguni’t ang liwanag na ito ay kagya’t nahalinhan ng kadiliman.

Hindi na dapat natin pahintulutan na mangyari pang muli ito. “Ganuon na lamang an pag-ibig ng Diyos kung kaya’t isinugo niya ang kanyang bugtong na Anak.” Sabi ni Juan: “Ang liwanag ay dumating sa daigdig.” Ito ay hindi naiiba sa liwanag na dumating na paulit-ulit sa bayan natin. Subali’t ani San Juan, “higit na pinahalagahan ng tao ang kadiliman, sapagka’t ang kanilang mga gawa ay kasamaan.”

Matayog ang pangarap natin …masidhi at wagas. Sa kabila ng lahat, sa kabila ng susun-susong mga balakid, patuloy pa rin tayo naglalakbay sa landas na naghahatid sa kaliwanagan – sa kaligtasan. Ang inyong pabalik-balik na pagpunta dito sa Simbahan upang magsumamo sa Diyos ay patunay nito. May ilaw pa tayong tinatanaw o tadhanang tinitingala. May Diyos pa tayong tinatawagan at pinaninikluhuran. May Panginoong naggagabay pa rin sa landasin nating lahat.
Kahihiyan ang tumatabon sa ating lahat mula sa lahat ng sulok ng ating lipunan. Sa kabila nito, kaligtasan pa rin ang paanyaya sa atin ng Diyos na hindi tumatalikod sa Kanyang pangako. Subali’t para natin marating at makamit ito, ay mayroon tayong dapat ipagtaguyod – ang pagmamahal natin at pagkatig sa puwersa ng kaliwanagan. Malinaw ang mungkahi ni Juan, ayon rin sa Lumang Tipan … tumingala sa itaas … sa puno ng Krus, kung saan ang liwang ng daigdig ay nabayubay, napako, at namatay. “Kung paanong itinaas ni Moises ang ahas sa tikin sa disyerto, gayun din naman ang Anak ng Tao ay dapat matanghal, upang ang lahat ng maniwa ay magkamit ng buhay na walang hanggan.”

BUKAS-LOOB, BUKAL SA LOOB, KALOOB

In Homily in Tagalog, Kwaresma, Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Marso 4, 2009 at 20:45

image1362-transfiguration2a

Ikalawang Linggo ng Kwaresma(B)
Marso 8, 2009

Mga Pagbasa: Genesis 22:1-2, 9a, 10-13, 15-18 / Roma 8:31b-34 / Marco 9:2-10

Ang katagang “loob” sa mga Tagalog at sa kulturang Pinoy ay hitik na hitik sa kahulugan. Kumakatawan ito sa kaganapan at kabuuan ng kung sino ang isang tao at ano siya sa harap ng ibang tao. Naglalaman ito hindi lamang ng iniisip ng isang tao, kundi pati na rin ang angking yaman ng pagkatao na bumubukal sa kaibuturan ng puso at kaisipan ng isang Pinoy. Ang mababa ang loob ay isang taong mapagpakumbaba, mahinahon, at hindi marahas at matangas sa pagsasalita at pagkilos. Ang masama ang loob ay isang taong may kinikimkim na negatibong damdamin laban sa anuman o sinoman. Ang panatag ang loob ay isang taong hindi balisa, hindi magulo ang isip at damdamin, bagkus banayad ang takbo ng buhay at walang anumang pabugso-bugso ang damdamin at isipin. Ang isang taong may mabuting kalooban ay may angking yamang hindi agad matutumbasan … isang taong maganda ang hangarin at balakin, pansarili man o pang-ibang tao.

Panay may kinalaman sa “loob” ang mga pagbasa natin sa araw na ito.

Simulan natin sa unang pagbasa. Narinig natin kung paano sa kabila ng tindi at hirap na ialay na sakripisyo ang sariling anak, si Abraham ay nagpamalas ng kabukasan ng loob – ang kahandaang ibigay sa Diyos ang Kanyang kahilingan. Akma na siyang yuyurakan sana ang bugtong na Anak nang ipamalas naman ng Diyos ang Kanyang pagkilala sa kabukasang-palad ni Abraham. “Huwag mo nang pagbuhatan ng kamay ang bata … batid ko na kung gaano ka kadeboto sa Diyos, sapagka’t hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong tanging anak.”

Ang Diyos na kumilala sa kabukasang-loob ni Abraham ang siya namang itinatanghal ni Pablo sa kanyang liham sa mga taga Roma. Dito naman, kung paanong si Abraham ay nagpamalas ng kahandaang mag-alay sa Diyos, ani San Pablo, ipinamalas naman ng Diyos ang bukal sa loob Niyang pag-aalay sa Kanyang bugtong na Anak. “Siya na hindi nagkait ng Kanyang sariling Anak, bagkus inialay para sa ating lahat, hindi ba Niya ipagkakaloob rin ang lahat ng iba pa kasama ni Jesus?”

Kung ano ang pamana ng Ama ay siyang pamalas ng Anak. Kung paanong naging handa si Abraham na umakyat sa bundok ng Moriah para mag-alay, ganuon din ang kahandaang ipinamalas ni Jesus na mag-alay ng sarili sa bundok ng Tabor. Subali’t tila nagpaligsahan ang mag-Ama sa kabukasang-palad. Ang kahandaan ni Jesus ay nilampasan pa ng kahandaan ng Ama na magkaloob, bilang tugon sa pagkakaloob ng Kanyang Anak. Nagbagong-anyo si Kristo. At sa pagbabagong-anyong ito ay nabunyag, hindi lamang ang katunayan kung sino siya, kundi ang katotohanan tungkol sa Diyos. Nabunyag ang likas na katangian ng Diyos na mapagkaloob, bukas ang loob, at bukal sa loob ang kagalingan at kabutihan, at may angking wagas na pag-ibig sa Kanyang bayan: “Ito ang aking pinakamamahal na Anak. Pakinggan ninyo siya.”

Nagsimula ang kwaresma sa isang tanda – ang tanda ng krus na ipinahid sa pamamagitan ng abo sa ating noo. Ang abo ay walang halaga, walang anumang silbi. Ito ang natitira kapag naipagkaloob ng kahoy ang lahat. Ang kahoy o anumang natutupok o nasusunog ay nag-aalay ng lahat lahat na. Walang natitira kapag sinunog ang anumang katawang-lupa liban sa abo. Itong abong ito ang naging tanda ng pagpasok at pagpapasinaya ng kwaresma.

Sa lumang tipan ang abo ay tanda ng pagbabalik-loob sa Diyos. Ang mga nagsisisi ay naliligo sa abo at nagsusuot ng sako. Ang walang silbing bagay ay naging tanda ng pagkakaloob ng buong sarili, mula sa kaibuturan ng puso at damdamin ng isang tao. Ang walang halaga ay naging mahalagang tanda ng pag-aalay ng sarili sa Diyos na pinahahalagahan.

Ayaw natin ang abo. Galit tayo sa anumang may bahid ng pagiging basura. Ayaw natin ng tirang pagkain. Ayaw natin ng damit na pinaglumaan na. Ayaw natin ng anumang bagay na gamit na kumbaga, o bagay na katumbas na ng abo – luma na, nahiratsa na, napagsawaan na.

Ito marahil ang dahilan kung bakit hindi tayo maka-usad-usad bilang isang bayan. Gusto natin ay laging buo, ganap, bago, at hindi pa napagsasawaan. Ayaw natin ng upos na … ayaw natin ng paubos na at wala nang halaga tulad ng pulbos na gabok na wala nang silbi.

Subali’t hindi abo lamang ang hiningi ng Diyos kay Abraham. At lalung hindi upos ang ipinagkaloob ng Ama sa Kanyang bayang hinirang. Hindi gabok ang inialay ng Ama para sa atin …. “Ito ang pinakamamahal kong Anak …”

Inialay Niya sa atin ang kasukdulan ng lahat na … ang tangi at bugtong Niyang Anak.

Ito ang diwa ng pagpepenitensya sa panahon ng Kwaresma – ang bukas-loob, ang bukal sa loob at wagas na pagkakaloob ng sarili. Lubos, hindi lang talbos o upos, ang ating bigay sa Diyos. Tagos sa kalooban at mula sa isang pusong talos ang tunay na halaga ng ipinagkakaloob sa Diyos … tulad ni Abraham na handang ipagkaloob ang anak na si Isaac ayon sa habilin ng Diyos.

Napakadamot natin bilang tao. Napakakipot at napakaliit ang mga niloloob natin. Mapagkait tayo sa Diyos. Hindi man lamang natin kayang ipagkaloob ang isang oras bawa’t linggo sa pagdalo sa Misa. Napakakipot at napakakitid kung minsan ang isip natin – hirap tayong buksan ang isip at kalooban sa walang pasubaling pagkakaloob ng sarili. Sobra kung minsan ang pagpapahalaga natin sa sarili.

Hindi abo ang turing natin sa sarili. Ang tingin natin sa ating sarili ay malayo sa alabok. Mataas ang pagpapahalaga natin sa sarili. Mapag-imbot at palalo tayong lahat, tulad ng hari ng kasinungalingan na nagmataas at nagmatigas sa kanyang desisyon: “Hindi ako maglilingkod sa Diyos.” (Non serviam!)

Itong mga palalong kagaya nito ang siyang lalong napapariwara. “Binuwag ng Diyos ang mga palalo, at iniangat sa trono ang mabababang-loob.”

Sa Miercoles ng abo ay binigyang-tandang maliwanag ang kung sino tayo … “Alalahanin mo tao, na ikaw ay alabok at sa alabok ka muling magbabalik.”

Sa tandang ito ng kawalan, ng kababaan, at kawalang silbi ay nabunyag ang kung sino tayo sa harapan ng Diyos – taga-sunod at kapatid ng Kanyang bugtong na Anak na Kanyang “pinakamamahal.” Sa pamamagitan ni Kristo, at dahil sa biyayang kaloob ng Diyos sa ngalan ni Kristo, ang abong ito ay nagiging isang mahalagang diamante sa harapan ng Ama. “Kung ang Diyos ay nasa ating panig, sino ang sasalungat sa atin?”