frchito

Mga Paskil na Minarkahan ‘Banal na Eukaristiya’

DUNONG AT DULANG

In Catholic Homily, Eukaristiya, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Pagninilay sa Ebanghelyo, Tagalog Sunday Reflections, Taon B on Agosto 11, 2009 at 18:58

Eucharist-12g

Ika – 20 Linggo ng Taon (B)
Agosto 16, 2009

Mga Pagbasa: Kawikaan 9:1-6 / Efeso 5:15-20 / Juan 6:51-58

Dunong ang paksa sa una at ikalawang pagbasa. Inihalintulad sa isang tao, nag-aanyaya ang dunong sa isang dulang, isang mesang puno ng pagkain, isang handaang ang hain ay pang-unawa at hindi kahangalan. “Halina, kumain ng aking pagkain, at uminom ng alak na aking inihanda! Talikuran ang kahangalan at mabuhay; umunlad sa daan ng pang-unawa.”

Ang dunong ay kaakibat ng dulang. Ito ang malinaw na pagsasalarawan ng dalawang naunang pagbasa.

Sa sulat ni Pablo sa mga taga Efeso, karunungan sa halip na kahangalan, ang kanya ring tagubilin: “Tingnang mabuti kung paano kayo mamuhay, hindi tulad ng mga hangal, bagkus tulad ng mga paham, na gumagamit ng lahat ng pagkakataon, sapagka’t ang panahon natin ay tigib ng kasamaan.”

Nguni’t bagama’t ang dunong ay kaakibat ng dulang, sa liham ni Pablo, ang dunong ay inihalintulad sa pagdalo sa handaan, hindi sa tunggaan, hindi sa lasingan: “At huwag magpadala sa pagkalasing, na mitsa ng kapariwaraan, bagkus mapuno ng Espiritu.”

Madali para sa atin ang mapuno ng lahat ng uri ng pagpapakasasa. Madali sa mga kabataan ang madala ng kalakaran ng kultura. Madali ang madala ng tawag ng internet. Sa halip na mag-aral, ay panay surfing na lamang ang gawa ng mga bata, o dili kaya’y online games. Madali sa bata at matanda ngayon ang madala ng kultura ng “fastfood” – ang lahat ng madalian, mabilisan, at masarapan, na madalian ding nagsisira sa kalusugan. Madali ang maniwala sa mga artista at mga celebrity … Lahat na yata ng pagpapahalagang Pinoy ay galing s kultura ng “Pinoy Big Brother,” “Wowowee” at marami pang ibang mga panooring hungkag, at salat sa tunay na pagpapahalagang Kristiyano.

Madali ang madala ng kung ano ang popular, ang kinahuhumalingan ng balana, ang pinaka-uso at pinaka-“in” sa mga kabataan. Kaya’t sa dami ng “call centers” na ang inihahain at pinadadama sa mga call center agents ay pawang kulturang Kano at banyaga, kay raming mga talubatang Pinoy ang nagkakasakit sa bato, sa atay, sa puso, o sa alta presyon.

Dunong, hindi lamang dulang na mababaw ang pahatid ng mga pagbasa ngayon. Dunong, maging sa larawan ng isang handaan ang pahatid sa atin ng liturhiya. Handaan … Oo, pero hindi tunggaan!

Ano bang uri ng handaan ang kaakibat ng dunong na pinag-uusapan natin? Ano ba ang kahalagahan ng dunong na isinalarawan at inihalintulad ng aklat ng Kawikaan sa isang dulang?

Karugtong ito ng tugon natin sa unang pagbasa, na atin ring tugon noong nakaraang Linggo: “Tikman at tingnan ang kagandahang-loob ng Diyos.” Sa madaling salita, hindi lang isang mababaw na piyestahan at kainan o tunggaan ang pinag-uusapan natin dito. Ito ay may kinalaman sa isang natatanging kaloob ng Diyos sa atin, na dahan-dahan at unti-unting ipinahayag at ipinakilala ng Diyos mula pa sa Lumang Tipan, hanggang sa Bagong Tipan.

Ito ay may kinalaman sa tunay na pagkaing kaloob ng Diyos para sa Kanyang bayan. Ito ay may kinalaman sa kung ano ang binabanggit ng Ebanghelyo natin sa araw na ito. At dito sa pagkaing ito tunay na uusbong at maghahari ang karunungang tunay na binabanggit sa una at ikalawang pagbasa.

Kailangan ba kaya ng dunong sa pagtanggap ng tunay na pagkaing nabanggit?

Oo … marami ang nasisilaw sa palsong pagkain. Marami ang nasisiyahan na sa mababaw na mga bagay makamundo. Marami ang nasisilaw sa mga tila batong diamante, na kamukat-mukatan mo’y puwet lang pala ng baso. Marami ang natatangay sa paimbabaw na mga pangako ng mga politikong tampalasan, ang kanilang mga pagkukubli sa likod ng katanyagan ni Cory Aquino, ang mga mabababaw at pakitang-taong mga pagbibigay ng senyas o tanda ng “Laban” kahit ang kanila namang ipinaglalaban ay walang iba kundi ang sarili nilang bulsa at upuang makapangyayari.

Oo … kailangan natin ng dunong upang makilatis ang tunay at ang palso, ang tama at ang peke, ang diamante at ang puwet ng baso. At sa buhay natin, mayroong higit pa sa pagpili ng kandidato, higit pa sa pagtanto kung ano ang dapat nating kunin karera sa kolehiyo.

Sa larangan ng buhay na walang hanggan, dunong hindi lamang kaalaman o titolo ang dapat pairalin ng tao. May mga bagay na hindi makakamit sa dami lamang ng kursong tinapos, titolong narating, o mga letra pagkatapos ng pangalan ng tao.

Ang karunungang binabanggit ng mga pagbasa natin ay walang iba kundi ang tunay at wagas na dunong na may kinalaman sa dulang na naghahatid sa buhay na walang hanggan – ang Eukaristiya!

Ito ang pagkaing galing sa langit.

Ito ang tinapay na nagbibigay buhay … buhay na walang hanggan. At para marating ito, kailangan natin ng dunong.

Maging marunong nawa tayong lahat, hindi lamang maalam. Maunawaan nawa natin nang lubos ang siyang pahatid sa atin sa loob ng ilang magkakasunod na Linggong nagdaan, kasama ng araw na ito: “Ang kumain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.”

DI SA PAGKAING NAAAGNAS, KUNDI SA TINAPAY NA WALANG KUPAS!

In Catholic Homily, Homily in Tagalog, Karaniwang Panahon, Taon B on Hulyo 30, 2009 at 19:06

panem
Ika-18 Linggo ng Taon(B)
Agosto 2, 2009

Malimit tayong maghanap ng kung ano ang nagtatagal, kung ano ang matibay, sulit sa anumang ating ibinayad, mga bagay na hindi madaling kalawangin, di kagya’t nasisira, at di marupok sa tingin at sa gamit.

Sa kabila nito, kay dali nating mainip, magsawa, mainis, at magtampo. Tulad ng mga Israelita, na pinupog ng reklamo si Moises matapos sila dalhing palabas sa pagka-alipin sa Egipto, hindi lamang tayo naiinis. Tayo man ay nag-aalsa … nag-aalboroto, kumbaga, at nagpapahayag ng niloloob maging sa Diyos man o sa tao.

Sa gitna ng ganitong saloobin at gawain ng tao, malinaw pa rin ang pahayag ng mga pagbasa ngayon, tulad ng ating tugon sa unang pagbasa noong nakaraang Linggo: “Binubusog tayo ng kamay ng Diyos; tinutugon Niyang lahat ang ating pangangailangan.” Sa kabila ng ating pagkasuwail, ganito pa rin ang tugon ng Diyos sa atin at siya nating tugon sa unang pagbasa: “Pinagkalooban sila ng Diyos ng tinapay na mula sa langit.”

Nguni’t tunghayan natin ang tinapay na ito …

Ang puno at dulo ng reklamo ng mga Israelita ay iisa … ang kanilang tinapay ay pinagsawaan nila … ang manna … Nasabik sila sa mga karne, recado, at pangsahog na sagana sa Egipto. Nakalimutan nila ang biyaya at natuon ang puso at isipan sa pagpapasasa. Nalungkot sila sa tinapay na walang lasa … walang ulam …. Walang kasabay na masaganang mga pang-ulam sa tinapay na mula sa langit.

Kay dali nating lumimot… kay dali nating magtampo … ginusto natin ang isang bagay kahapon …. Sinisiphayo natin ngayon at kinasusuklaman sa panahong ito. Sala tayo sa init … sala rin sa lamig. Hindi kailanman tayo nasiyahan sa kung ano ang meron tayo. At sa oras na makamit ang pinakamimithi, lagi tayong nag-aasam ng bagay na wala sa atin. Mas luntian, ika nga, ang damo sa halamanan ng kapitbahay. Laging mas ganap, mas mainam, mas nakalalamang sa anumang bagay. Maging sa larangan ng politika, ayaw natin dati sa presidente. Maging ang itinatanghal natin bilang bayani ngayon ng demokrasya, ay pinagsikapan natin ibuwag sa paulit-ulit na kudeta na madugo at marahas. Ang mga nagsusulong dati ng cha-cha ay ngayon ay salungat dito, at ang pinalayas natin sa pamamagitan ng people power ang siya ngayong itinatanghal bilang tugon sa lahat ng mga suliranin nating hinaharap ngayon.

Matay nating isipin, ang lahat ng bagay na iwiwaksi natin at pinagsasawaan ang mga bagay na pansamantala … mga bagay na pangkasalukuyang sarap lamang … mga bagay na di nagtatagal. Nag-alsa ang Israelita laban sa tinapay na hindi man lamang maiipon para sa kinabukasan. Dapat silang magtipon sa bawa’t umaga ng manna. Nag-alsa sila sa bagay na hindi nananatili … hindi nagtatagal … At ang lahat ng tampulan ng atensyon ng balana ay sa mga bagay na walang kapararakan, mga bagay na naaagnas at nagwawakas.

Subali’t sa kabila ng masamang balitang ito, ay isang mahalagang balita ang tumatambad sa ating kamalayan … Ito ang balita tungkol sa Eukaristiya na nagtipon-tipon sa atin ngayon. Ito ang magandang balita na sinasaad sa tugon natin sa unang pagbasa … “Binigyan sila ng Diyos ng tinapay mula sa langit.”

Hindi sila ang pokus ng ating pagninilay ngayon, kundi tayo. Tayo ngayon ang tampulan ng pag-aalay na ito ng manna na hindi basta nabubulok; hindi basta naglalaho.

At ang tinapay na ito ay walang iba kundi ang katawan at dugo ni Jesus na ipinagkaloob nang lubusan para sa ating lahat. Ito ang kahulugan ng sinasabi ng Panginoon sa mga nangagsipagsunuran sa kaniya, matapos sila pakainin. Nagsisunod sila sapagka’t naghahanap sila ng pagkain. Pero diniretso sila ni Kristo … Hindi siya ang pakay nila, aniya, kundi ang kabusugan. Sa kabila ng kanilang kababawan, at pag-reklamo sapagka’t mahirap tanggapin ang pangaral ni Kristo, nagkaloob pa rin siya ng pinakamahalagang aral bagama’t ang kaganapan ay mangyayari sa kaniyang pagkakaloob ng sarili sa kamatayan sa krus.

At pinagtagubilinan sila ng isang mahalagang pangaral. Huwag aniya tayo masiyahan sa pagkaing naaagnas, bagkus maghanap ng pagkaing walang kupas.
Ito ang Eukaristiya … tinapay ng buhay … tinapay na mula sa langit … tinapay na dulot ni Kristo …. Walang agnas, walang kupas … pagkaing nagbibigay-buhay … pagkaing naghahatid sa buhay na walang hanggan!

Ikaw, saan ka pa? Dito na tayo, pre! Walang kakupas-kupas!